the dreamboy

132 3 2
                                    

Lars

Malayo ang tingin ni Lars. Pinagmamasdan ang bawat naglalakad sa harapan niya na parang mga walang inaalala. May mga nagja-jogging, mga batang naglalaro, mga matatandang nilalakad ang kanilang mga aso, at mga magnobyo na naglalampungan.

Napa-isip tuloy si Lars, bakit hindi nagsisitigil ang mga ito?

Dapat 'di ba may pakialam sila?

Pero bakit parang wala?

Tang ina ninyo. Mura niya sa mga ito. Mga walang pakialam sa mundo!

Huminga siya ng malalim, pinapakalma ang sarili. Sa edad niyang 24, hindi niya naisip na may balitang dadating na magpapayanig sa kanya.

Ang akala niyang normal na pananakit ng ulo niya, hindi na pala normal.

Ang akala niyang walang sawang pagkalulong sa alak, paglangoy sa pera, paghithit ng droga, at mga babaeng patay na patay sa kanya, bigla na lamang naging walang saysay.

Dahil mamamatay na siya.

Anim na buwan ang binigay na taning sa kanya ng doktor.

Anim na buwan?

Anong gagawin niya sa putang inang kaikling oras na 'yon?

Tsaka ano bang meron sa mga doktor na 'yan at nalalaman nila kung hanggang kailan lang ang buhay mo?

Susubukan natin ang lahat kung makikipag-cooperate ka Lorenzo, saad pa ng neuro niya. Ngumiti ito ng malungkot. Radiation therapy, chemo, pero alam kong alam mo ang ibig sabihin nito. tuloy pa ng doktor niya.

Ano? Makakalbo ako? tanong ni Lars, pinipilit na bigyan kahulugan ang mga nangyayari.

Tumango lamang ang doktor sa kanya.

Eh puta? Papaano na lang yung shampoo commercial niya sa susunod na buwan?

Mga taping niya?

Kung makakalbo siya may magkakagusto pa ba sa kanya? May kukuha pa kaya sa kanya?

Tang ina. Di pa nga siya nagkakaroon ng maayos na pelikula lalo na't parating nagfaflop ang mga ito dahil nauungusan siya parati ng kalaban niya sa kabilang station.

Mag-isang naglalakbay ang diwa ni Lars. Pakiramdam niya may sariling buhay ito. Parang panaginip lang ang lahat. Sana nga panaginip na lang ang lahat.

Inayos ni Lars ang kanyang sombrero at shades sa ilong. Ano pang saysay ang pagsuot niya nito para di makilala ng mga tao? Eh mamatay lang din naman siya?

Nakaramdam siya ng bigat sa dibdib. Nagsisimulang mamuo ang luha sa mata niya.

Yumuko siya at hinayaang tumulo ang kanyang mga luha.

Mamatay na ako.

Hanggang dito na lang ako.

Bumubuhos ang luha sa mga mata niya, sa unang pagkakataon, nakaramdam siya totoong emosyon.

Wala sa harap ng kamera.

Walang script.

Walang sinusunod na direktor.

Sa unang pagkakataon, umiyak si Lars mula sa kanyang puso.

DREAMBOY (BL)Onde as histórias ganham vida. Descobre agora