III

22.1K 385 5
                                    

KABANATA III

_________

UMIHIP ang malamig na hangin. Napahinto sa paglalakad si Lara. Hinawakan niya ang magkabilang mga braso at paulit-ulit na hinimas iyon upang pawiin ang pagtayo ng kanyang mga balahibo. Pakiramdam niya may kung anong malamig na bagay ang dumampi roon. Pagkuwa'y lumipat ang lamig sa kanyang leeg. Tila isang nagyeyelong mga kamay ang humaplos sa parteng iyon. Napalingon siya sa kaliwa. Binati siya nang papalubog na araw sa kanluran.

Nagkibit-balikat na lamang siya at binalewala ang naramdaman.

"Maggagabi na pala," usal ni Lara sa sarili. Sinipat niya rin ang pambisig na orasan. Saktong alas-sais na ang oras.

Muli niyang inihakbang ang mga paa at tinahak ang daan patungo sa sakayan ng bus pauwi sa Bulacan. Kabi-kabila ang mga sidewalk vendors na kanyang nadaraanan. Marami-rami rin ang nakakasabayan niya sa paglalakad na pawang papauwi na rin sa kani-kanilang mga tahanan mula sa maghapong pagtatrabaho.

"Lima pa! Lima pa!" sigaw ng barker ng bus.

Alertong nakipagsabayan si Lara sa mga nais makakuha ng upuan sa papaalis na bus. Sanay na siya gitgitan ng masikip ng LRT at MRT kaya balewala sa kanya ang makipag-unahan sa bus na iyon.

"Ineng, doon may isa pa!" narinig niyang sabi ng isang matanda na kagaya niya'y pasahero rin.

Sinundan niya ng tingin ang itinuturo ng matanda. Pangalawa iyon sa dulo at wala pang nakaupo sa pandalawahang upuan. Nang makalapit siya roon ay nagkusa na siyang dumulo sa tabi ng bintana upang hindi na mahirapan pa ang kasunod na pasahero.

"Huh?"

Napatunganga siya nang maramdaman ang pag-andar ng bus. Bahagya siyang nagtaka kung bakit hindi na pinuno pa ng drayber at kundoktor ang bakanteng upuan sa kanyang tabi. Sa tulad niyang sana'y sa Kamaynilaan, alam niya kung gaano kaimportante sa mga drayber ang mapuno ng pasahero ang minamaneho nilang mga bus upang makaabot sa kotang pambayad sa kanilang bus operator.

Hinawi ni Lara ang kulay berdeng kurtina sa kanyang kanan. Sinilip niya ang labas at tumambad sa kanya ang hindi niya mabilang na pasaherong nag-aabang na masakay sa kasunod na bus. Umusal siya ng pasasalamat dahil nakaabot siya sa papaalis na bus na kasalukuyan niyang sinasakyan. Naiisip niyang kung nalingat lamang siya kahit ilang minuto kanina'y baka natagalan pa siya sa paghihintay ng kasunod na bus.

Nasa gayong ayos si Lara nang makaramdam siya ng kamay sa kanyang kaliwang braso. Halos mapatalon siya sa gulat dahil sa biglaang paglapat na iyon sa kanyang balat.

"Ha!"

Iyon lamang ang lumabas sa kanyang bibig nang ibaling niya ang katawan sa kanyang kaliwa. Namutla siya ngunit kaagad din siyang nakabawi nang malinguran ang isang lalaki. Papaupo ito sa bakanteng upuan sa kanyang tabi. Sa isip-isip niya'y marahil hindi sinasadyang nasagi nito ang kanyang braso. Kinumbinsi niya ang sarili na masyado lamang siyang napaparanoid sa mga bagay-bagay sa kanyang paligid magmula noong isang linggo.

"May problema ba?" malamig ang boses na usisa sa kanya ng lalaki.

"W-Wala, s-sorry," paputol-putol na sagot ni Lara habang nakatingin sa likod ng upuan sa kanyang harapan. Ni hindi na niya nagawa pang tignan ang mukha ng lalaki. Bahagya pa siyang yumuko bilang paghingi ng paumanhin. Umayos siya ng upo at inihilig ang katawan sa bintana.

Lumipas ang ilang minuto'y unti-unting bumigat ang talukap ng mga mata ni Lara. Bahagya pa niyang inihilig ang ulo sa gilid ng inuupuan at nagpatangay na sa antok.

"Lara."

Kumislot ang nahihimbing na dalaga. Bahagyang lumikot ang kanyang mga mata na kitang-kita sa nakasarado nitong mga talukap.

A Demon's Touch [Completed]Onde histórias criam vida. Descubra agora