XI

14K 274 0
                                    

KABANATA XI

_________

IBINUKA ni Lara ang mga labi upang sana'y magsalita ngunit ni isang salita'y walang lumabas doon. Nanunuyot ang kanyang lalamunan na para bang naubusan na siya ng tubig sa buong katawan. Gayunman, panay pa rin ang pagbagsak ng masagana niyang luha sa kanyang magkabilang pisngi.

Wala na si Jake. Wala na ang kanyang minamahal. Si Jake na una at nag-iisang lalaki na nagmamay-ari ng kanyang puso.

"Chief, sa tingin ko, hindi pa handa ang isang 'to na kausapin. Tignan mo," sabi ng isang lalaki. Tinapunan niya ng tingin si Lara na siya namang nakaupo sa isang upuang kawayan. Sa tapat nito'y isang lumang lamesa na pinagpapatungan ng ilang papel at panulat.

Iniangat ni Lara ang kanyang mukha. Nakasalubong niya ng tingin ang lalaking nagsalita. Nasisiguro niyang isa iyong pulis dahil sa suot nitong asul na uniporme. Kanina pa niya ito naririnig na nagsasalita ngunit lahat ng iyo'y tila hangin lamang na pumasok sa kanyang kaliwang tainga at lumabas sa kanan. Ni isa'y walang naproseso ng kanyang isipan. Masyado na iyong okupado ng mukha ng tila natutulog lamang na binata, ang walang buhay nitong katawan.

"Sige, ikaw na bahala d'yan. Mukhang wala namang senyales ng foul play dito. Kuhanin mo na lang ang salaysay niya bukas para maireport ang maaaring dahilan ng biktima," utos ng isang matikas na lalaking may bigote.

Sumaludo naman sa kanya ang lalaking kanina pa kumakausap kay Lara. Ibinalik nito ang atensyon sa dalaga at saka nagpakawala ng buntong-hininga.

"Lara..."

Umihip ang malamig na hangin. Kasabay no'n ang pagtangay ng pailan-ilang hibla ng buhok ni Lara. Hindi niya iyon alintana kahit pa natatabunan na ang kanyang mga mata.

Muli siyang yumuko. Hinawakan niya mga tuhod at kinuyom niya ang kamao. Kitang-kita ang panginginig noon habang walang humpay ang pagpatak ng mga luha na inilalabas ng kanyang mga mata.

Wala siyang pakialam. Wala siyang pakialam kung ano na ang itsura niya dahil sa kaiiyak. Wala siyang pakialam sa mga pares ng mga matang kakikitaan ng habag na nakatunghay sa kanya.

"Lara..."

Napatigil sa kanyang paghikbi si Lara.

"Ang boses na iyon," saisip niya.

Luminga-linga siya sa kanyang paligid. Hindi niya mahagilap ang nilalang na pinanggalingan ng malamig na boses. Napukaw ang kanyang pansin nang isang kamay ang marahas na humablot sa kanyang kanang braso. Gulat niyang pinagmasdan ang may-ari ng kamay. Kay Vivian Galvez, ang mommy ni Jake.

"A-Atay!" reklamo ni Lara. Bakas sa mukha niya ang iniidang sakit.

Ang kamay na halos dumurog sa kanyang kalamnan. Napakahigpit noon na para bang ayaw siyang pakawalan.

"Punyeta kang babae ka! Anong ginawa mo sa anak ko? Pinatay mo siya!" sigaw ni Vivian. Nanggagalaiti siya habang dinuduro ng isa pa niyang kamay ang namimilipit sa sakit na si Lara.

A Demon's Touch [Completed]Wo Geschichten leben. Entdecke jetzt