3

7.5K 215 6
                                    


#ThatGuy

EPISODE 3

Napahilamos ako ng magkabilang palad sa mukha pagkasakay na pagkasakay ko ng elevator dito pa rin sa loob ng unibersidad.

Naiinis ako... naiinis ako kay Timothy, naiinis ako kay Hellsea, at naiinis ako sa sarili ko. Bakit ba kasi ganito? May mahal na iba ang mahal ko? Hindi ba pwedeng kami na lamang ang magmahalan para hindi ganito kakumplikado ang lahat? Si Estupido... este kupido naman kasi... mukhang malabo na ang mata at mali-mali na lang ang pagtama ng pana niya... Iyong puso ni Hellsea, tinama niya ang puso nito para sa lalaking hindi naman siya mahal at ang puso ko... tinama niya para kay Hellsea na hindi naman ako mahal... Hay!

Pasarado na sana ang pintuan ng elevator ng biglang may kamay na humarang at pumigil sa pagsara nito at nagtagumpay naman ito dahil napigil nga niya ang pagsara ng pinto. At bahagya akong nagulat na si Timothy pala ang pumigil nun sa pagsara ng pinto.

Napahinto siya sa pagpasok kaagad sa elevator. Napatingin siya sa akin. Pamaya-maya ay umiwas ito ng tingin at tuluyan ng pumasok sa loob. Ngayon ay dalawa kaming nasa loob ng elevator na ito. Sumara na ang pinto nito.

May kalakihan ang elevator na ito kaya naman kahit papaano'y malayo kami sa isa't-isa. Siya ay nasa kanang bahagi at ako naman ay sa kaliwa. Nasa magkabilang gilid kami ng elevator.

Walang nagsasalita sa amin habang umaandar na paitaas ang elevator. Pero ramdam ko ang tensyon lalo na sa akin. Hanggang ngayon kasi ay hindi ko pa rin matanggap ang ginawa niya na namang pananakit sa damdamin ng taong mahal ko. Nakakainis talaga ang gagong nerd na ito.

Napatingin ako sa kanya. Hindi siya nakatingin sa akin bagkus doon siya nakatingin sa may nilalabasan ng number ng floor kung nasaan na kami habang nakatayo ng tuwid. Animo'y parang walang nangyari kanina dahil normal naman sa tingin ko ang kilos niya.

Hanggang sa magulat na lamang ako at marahil ay siya rin dahil biglang huminto ang elevator.

"Pucha!" inis kong sabi. Bwisit talaga itong elevator na ito, dinadagdagan pa ang inis ko eh.

Pamaya-maya ay bigla na ring namatay ang ilaw sa loob ng elevator kaya naman halos wala na akong makita kundi dilim.

"Pucha naman oh!" bakit ba kasi ngayon pa nangyari ito kung kailan kasama ko pa dito sa loob ang taong kinaiinisan ko all over the years...

Kaagad kong kinuha ang cellphone ko na nasa bulsa ng suot kong slacks.

"Walang signal! Kainis naman oh!" sabi ko ng makitang empty bars ang signal ng cellphone ko. Gusto ko nga ihagis kaso naisip ko, sayang naman ang cp ko.

Napaupo na lamang ako sa lapag, itinago na lang muli sa bulsa ko ang cellphone at isinandal ang katawan ko sa pader ng elevator. Napabuntong-hininga ako. Kahit naman kasi kalampagin ko ang pintuan at magwala o magsisigaw ako rito, wala ring mangyayari, makukulong at makukulong pa rin kami rito ng ewan ko kung ilang oras.

Hindi ko naman na nakikita si Timothy at kung ano ang ginagawa niya. Eh ano bang pakielam ko diyan. Mabuti na rin siguro ito na walang ilaw rito para hindi ko na rin makita ang pagmumukha ng gagong 'yan.

"Ok ka lang diyan?" tanong ng asungot sa akin pagkatapos ng kasing-haba ng akin na katahimikan.

Hindi ako sumagot sa halip ay hindi ko na lamang siyang pinansin.

Hindi ko na alam kung ilang oras na ako... kami rito sa loob ng elevator na nakahinto at madilim.

"Calv..."

"Huwag mo akong kausapin..." inis kong sabi kaagad sa kanya nang tangkain niyang tawagin ako. Baka nakakalimutan niya, inis pa rin ako sa kanya dahil sa ginawa niya kay Hellsea.

Narinig ko na lamang na napabuntong-hininga siya.

"I'm sorry..." ang nasabi nito.

Hindi ako sumagot. Nanatili lamang akong tahimik.

"Alam ko na nasasaktan ka rin dahil sa ginawa ko..."

"Mabuti at alam mo..." sabi ko na naman kaagad. Napabuntong-hininga ako. "Bakit ba kasi hindi mo siya magawang mahalin? Hindi mo ba alam na sa tuwing ipinagtatapat niya sayo ang pagmamahal niya na hinihiling ko na sana'y sa akin na lang... imbes na pagmamahal ang isukli mo, lagi na lang sakit ang ibinabalik mo... at kapag nakikita ko siyang nasasaktan... mas doble ang sakit na bumabalik sa akin..." sabi ko pa. Nakatingin ako sa direksyon niya kahit hindi ko siya makita dahil sa madilim. "Hindi mo ba nakikita iyong mga nakikita ko sa kanya kaya minahal ko siya? Maganda siya, mabait... matalino... sexy... mapagmahal... basta, lahat na nga yata ng katangian ng isang babae na pwedeng magustuhan ay nasa kanya na... Bakit hindi mo magawang mahalin rin siya gaya ng pagmamahal niya sayo? Nakakainis lang kasi, hindi kita maintidihan..." sabi ko pa.

"Gaya nga ng sinabi ko... Pinilit ko naman ang sarili ko... Tiningnan ko siya bilang isang babaeng nagmamahal sa akin... Pero tulad nga ng sabi ng kasabihan... kailanman ay hindi napipilit ang pag-ibig... na kahit anong gawin natin... hindi natin mapipilit ang sarili natin o ang iba na magmahal at mahalin tayo... Isa pa, hindi naman nakikita ng mga mata ang pag-ibig... Nararamdaman ito..."

"So sinasabi mo ba sa akin na hindi pagmamahal itong nararamdaman ko sa kanya dahil sa nakikita ko iyong mga dahilan kung bakit ko siya minahal? Ganun ba ang gusto mong palabasin?" inis kong sabi kaagad.

"Paano kung sabihin kong Oo?" sabi ni Timothy. "Walang dahilan ang pagmamahal... wala itong nakikita at wala ring nagiging dahilan kung bakit tayo nagmamahal... dahil ang puso... wala itong mata pero punong-puno ito ng pakiramdam... isa na roon ang pagmamahal... at iyon ang totoo, na kapag ang puso ang nakaramdam ng pagmamahal... walang itong nagiging dahilan at wala itong nakikita..." sabi nito.

Natahimik ako. Ewan ko kung dapat ko bang paniwalaan ang mga sinabi niya. Basta ang alam ko lang, mahal ko si Hellsea dahil iyon ang nararamdaman ng puso ko noon pa.

Halos masilaw naman ang mga mata ko ng biglaang bumukas na ang ilaw sa elevator at tuluyan na itong umandar. Napatingin ako kay Timothy na hindi naman nakatingin sa akin.

Tuluyan na akong tumayo, kasabay ni Timothy at sabay na kaming nag-antay sa muling pagbubukas ng pinto.

Hanggang sa huminto na ang elevator sa 5th floor at bumukas ang pinto. Halos sabay kaming lumabas ni Timothy, Hindi kami nagkatinginan at tuluyan ng naghiwalay ang aming mga landas.

"Walang dahilan ang pagmamahal... wala itong nakikita at wala ring nagiging dahilan kung bakit tayo nagmamahal... dahil ang puso... wala itong mata pero punong-puno ito ng pakiramdam... isa na roon ang pagmamahal... at iyon ang totoo, na kapag ang puso ang nakaramdam ng pagmamahal... walang itong nagiging dahilan at wala itong nakikita..."

-END OF EPISODE 3-


READ THE FULL VERSION ON DREAME, JUST SEARCH MY NAME francisalfaro0817

THAT GUY [BL] BOOK 1/2/3 - COMPLETE EPISODES AVAILABLE ON DREAME APPWhere stories live. Discover now