Chapter Twenty-Six

13.4K 341 34
                                    

Chapter Twenty-Six

Hindi maitatanggi ni Savannah na nabigla siya ng makita ang lalaking nasa harap niya. Ilang minuto syang walang kibo, hindi alam kung ano ang mararamdaman o kung ano ang gagawin ngayong kaharap na niya ang lider ng Belial.

Mayamaya pa ay unti-unting sumungaw ang ngiti sa labi niya hanggang sa mauwi iyon sa pagtawa.

Palakas ng palakas na halos sumakit na ang tiyan niya.

Sa tabi niya ay tila nabigla si Marcus at Cobra, nakatingin ang mga ito sa kanya na para bang nasisiraan siya ng bait. Hindi naman niya masisisi ang mga ito dahil maging siya ay hindi makapaniwala sa sariling reaksyon.

Alam ni Savannah na hindi dapat siya tumatawa sa sitwasyon niya ngayon pero iyon lang kasi ang masisikmura niyang gawin sa ngayon. Dahil kung hindi siya tatawa ay siguradong sasabog ang galit niya o di kaya'y hahagulgol siya ng iyak.
At malamang sa malamang ay mangibabaw sa kanya ang huli.

Dahil iyon mismo ang nararamdaman ni Savannah. Gusto niyang umiyak dahil pakiramdam niya ay napaka-unfair ng lahat.

Bakit sa dinami-rami ng pwedeng maging lider ng Belial ay bakit ang lalaking ito pa? Hindi na ba talaga siya pwedeng maging masaya? Talaga bang pinaglalaruan siya ng tadhana? Bakit kung kailan akala niya malapit na niyang maibalik ang buhay bilang si Samantha ay tsaka naman nangyari ang bagay na 'to? Wala na ba talaga siyang karapatang maging masaya?

Lalo siyang tumawa hanggang sa may namumuo nang luha sa gilid ng mata niya.

"Un. Believable." Aniya sa pagitan ng pagtawa. "I can't believe it's you." Huminga siya ng malalim, nananatiling nakapaskil sa labi ang malawak niyang ngiti. "But of course, it's you!" Muli siyang tumawa.

Maraming pinaghihinalaan ang CIA sa kung sino ang lider ng Belial Triangle at sa loob ng labing limang taon ng pag-iimbestiga ay halos hindi lang isang daang tao, sa iba't-ibang bansa ang kasama sa listahan nila.

Alam ng lahat na hindi basta pipitsugin ang grupong babanggain nila. Kaya nga binuo ng CIA, katulong ng gobyerno ng America ang grupo ng Lupin--isang magnanakaw na kayang pasukin ang lahat ng lugar, kayang nakawin ang lahat ng walang kahirap-hirap. Isang bagay na inaasahan nilang aakit sa Belial na maging interesado kay Lupin.
At hindi naman sila nagkamali.

Dahil heto na nga siya't kaharap ang lider ng grupo.

"At last, we've finally meet, Lupin."

Nakangiti ring anito, walang ideya sa totoong nararamdaman niya, na sa kabila ng kanyang ngiti ay nagtatago ang kumukulong galit.

"Apollyon. Or should I say..." Sinalubong niya ang tingin nito at  sinubukang lunukin ang galit. "President Felizardo!"

Parang dinukot ang puso ni Savannah nang sabihin niya ang mga salitang 'yon.
Hanggang sa maaari sana ay ayaw niyang pangalanan ito, pero kahit na pagbali-baligtarin man niya ang kanilang sitwasyon ay iisa pa rin ang kalalabasan ng lahat.

Na ang lalaking nasa harap niya ay dugo't laman ng lalaking minamahal niya.

Si Joseph Marco Felizardo Sr., presidente ng Pilipinas at lider ng Belial.


* * * * * *


Dalawang oras.

Ganung katagal pa lang mula nang ikulong si Joseph sa mabaho at maliit na kwartong kinalalagyan, pero pakiramdam niya ay dalawang taon na ang lumipas. Halos mabaliw-baliw na siya sa pag-iisip kung ano na ang nangyayari kay Samantha. Hindi niya gusto na nakaupo lang siya dito at walang ginagawa habang mag-isa si Samantha na humaharap sa mga taong walang dudang halang ang mga bituka.

Ikinuyom niya ang kamao at binatak ang kamay. Lalong nagtagis ang bagang niya nang muling kumagat sa kanyang balat ang bakal na kadenang nakakabit sa kanyang braso.

Damn it! Kapag nakawala siya dito ay talagang magwawala siya. Pinagkiskis niya ang ngipin at muling pinasadahan ng tingin ang kwarto. O mas tama sigurong sabihing kulungan. Mataas ang pader, walang bintana at ang maliit na lampara sa sulok ang tanging nagbibigay ng liwanag sa loob ng selda. Wala siyang marinig na kahit anong ingay mula sa labas at nakadagdag iyon sa galit na nararamdaman niya. Tagaktak na ang pawis niya dahil sa init at tanging ang pintong rehas lang ang nagsasabi sa kanya na kahit papaano ay makakalabas pa siya sa lugar na ito. Sa labas ng rehas ay may madilim na pasilyo at sa dulo ay hagdan. Hula niya ay nasa isa siyang underground cell.

Pumikit siya at sumandal. Masakit ang buong katawan niya pero hindi iyon maikukumpara sa sakit na naramdaman niya nang malaman na isa si Marcus sa protektor ng Belial. Itinuring na niya itong pangalawang ama at hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala sa nalaman.
Mapait siyang napangiti. Marcus was a hero-figure for him. Buong-buhay niyang hinangaan ang tiyuhin at ang malaman na ito ang pumatay sa magulang ni Samantha ay isang malaking dagok para sa kanya. Ano pa ang mukhang ihaharap niya kay Samantha pagkatapos ng lahat?

Iniling niya ang ulo. Hindi iyon ang dapat na iniisip niya sa mga oras na 'to.

Natigilan siya nang makarinig nang langitngit ng pagbukas ng pinto na sinundan ng yabag ng paa. Mayamaya pa ay sumungaw ang isang lalaking may dalang tray ng pagkain.

Agad niyang pinakiramdaman kung may kasama ba ito. Wala. Lihim siyang napangiti.

Sumisipol na sinusian nito ang rehas. Nang bumukas iyon ay nakangising pumasok ito.
"Ye' stink." Ginusot nito ang ilong at ibinagsak sa sahig ang hawak na tray na naging dahilan para matapon ang ibang pagkain sa maduming sahig. Humugot ito ng kaha ng sigarilyo, sinindihan ang isang stick at tsaka humithit. "Eat." Anito na animo'y aso lang ang kausap.

Pinag-aralan niya ang lalaki. Kung sa itsura lang ay talagang nakakatakot itong tingnan. Bato-bato ang katawan at malaking bulas, walang dudang kayang basagin ang panga niya. O ang kanyang bungo. Iniling niya ang ulo. Hindi siguro maganda kung gagalitin niya ito.

Ikinuyom niya ang kamao. Pero ito lang din ang natitira niyang pag-asa. Hindi siya pwedeng mag-aksaya ng oras. Bawat oras na lumilipas na nandito siya't walang ginagawa ay maraming pwedeng mangyari kay Samantha.

Huminga siya ng malalim at muling pinag-aralan ang lalaki.

Hindi nakaligtas sa kanya ang panay na pagsulyap nito sa likod na para bang handa na itong tumakbo palabas. Hindi rin mapakali ang mga kamay, indikasyon na hindi palagay ang loob nito. Lihim siyang napangiti. Siguro nga't malaki ito at naka-kadena siya pero konting tulak lang at alam niyang kayang-kaya niyang gamitin ang takot nito para makalabas siya.

Ngumisi siya. Iginalaw niya ang braso, sinusukat kung gaano kahaba ang kadena at kung makakakilos siya ng ayos. Nang masigurado niyang may pag-asa ang naisip niyang plano ay agad siyang kumilos.
Sinipa niya ang tray nang pagkain. Tumama iyon sa sikmura ng lalaki.

"What the fuck?" Galit na anito at binitawan ang stick ng sigarilyo. "Ye have a death wish, ass'ole?" Bumunot ito ng baril at lumapit sa kanya.

Ngumisi lang siya bilang sagot na lalong ikinagalit nang lalaki. Itinutok nito ang dulo ng baril sa kanya. "Am goin' to fuck'n kill ye'."

Sa lapit ng mukha nito ay halos magtalsikan na ang laway nito sa kanya.

"Oh, yeah?" Nakangisi pa ring aniya. Pasimple niyang sinulyapan ang mga susi na nakasukbit sa bewang nito.

"Ye think I can't do it?" Hamon nito at ibinaon sa kanyang sintindo ang malamig na dulo ng baril.

Shit.

Lumunok siya. Okay. Medyo nakakaramdam na siya ng konting kaba. Alam niyang isang mali lang ay pwedeng kumalat ang utak niya dito. Marami na siyang nakasalamuhang kriminal at alam niyang wala ng mas delikado pa sa takot na taong may hawak ng baril.

Huminga muna siya ng malalim bago muling nagsalita. "Your breath stink, man." Nakakaloko ang ngising aniya."

Parang lalong nagpating ang tenga ng lalaki at agad na hinawakan ang kwelyo ng kanyang damit. Pabalyang itinulak nito ang ulo niya sa pader.

"I don't care if yer t'e son of t'e boss. Am goin' to fuckin' put tis bullet in yer head."
Damn! Kung may plano siyang gawin ay dapat na niyang gawin ngayon bago pa bumaon sa kukote niya ang bala ng baril nito.

Agad na siniko niya ang kamay nitong may hawak na baril, hinawakan ang leeg at iniuntog ang noo sa noo nito. Napahigop siya ng hangin. Damn! Mas masakit yon kaysa sa inakala niya.

Bago pa man makahumang ang lalaki ay ipinulupot na niya sa leeg nito ang kadenang na nakakabit sa kanya. Nagkakawag ito at sinubukan pang pumalag. Tumama ang siko nito sa sikmura niya at napahigop siya ng hangin.

"Damn it." Aniya. "You leave me with no choice." Hindi na siya nagdalawang isip pa at hinigpitan ang kadena sa leeg nito hanggang sa lumupaypay itong bumagsak sa bisig niya. Niluwagan niya ang kadena sa leeg nito at bago pa man ito bumagsak sa sahig ay kaagad niyang kinuha ang mga susi at napangiwi nang makitang halos isang dosena ang mga iyon.

"Shit." Bulong niya nang hindi kumasya ang unang susi. Muli niyang sinubukan. Lalong tumagaktak ang pawis niya kasabay ng pagkabog ng dibdib. Hindi niya maiwasang dagain ng kaba sa sitwasyon niya ngayon.
Nakahinga siya ng maluwag nang sa ikatlong subok ay nabuksan ang kadena. Ibinulsa niya ang susi, sunod ay dinampot ang baril ng lalaki at kinapa ang mga bulsa ng suot nitong pantalon. Isa-isa niyang inilagay sa sahig ang laman ng bulsa.

Napangiwi siya sa mga nakita. Condom? Isang kaha ng sigarilyo. Lighter. Candy. Resibo? At isang access card. Dinampot niya ang huli tsaka siya tumayo.

Tatalikod na sana siya pero muli niyang binalingan ng tingin ang lalaki. Ngayon lang niya napansin na tila nakasuot ito ng uniporme. Itim na version ng uniporme ng sundalo. Muli siyang lumuhod

"Damn it! This is not my lucky day." Bulong niya habang isa-isa niyang tinatanggal ang butones ng damit nito.

Limang minuto pa ang lumipas at handa na si Joseph. Suot ang medyo may kalahihang itim na army uniform ay buong tapang siyang humakbang siya paakyat sa hagdan. He was a man on a mission. Parang bulang nawala ang takot at kaba niya. Ang tanging nasa isip  niya ay iligtas si Samantha at makalabas sila ng buhay sa lugar na'to.
Sa siwang ng pinto ng selda ay sinuri niya ang labas. Tahimik. Masyadong tahimik at sa karanasan niya, indikasyon 'yon na hindi maganda ang sunod na mangyayari. Sinipat pa niya ang lugar at nabigla siya nang makakita ng mga lalaking nakahandusay sa lupa at duguan.

Napakunot-noo siya. Wala siyang narinig na putukan.

Huminga siya ng malalim at kinalma ang sarili. Kaya niya ito. Hinawakan niya ang pinto at unti-unting binuksan.

Mabilis ang sunod na nangyari. May bumangga sa tagiliran niya na naging dahilan para matumba siya. Nakadapa siya sa lupa, may nakadagan sa likod niya at may nagdidiin sa kanyang ulo. Napapikit siya sa sakit hanggang sa maramdaman niya ang malamig na dulo ng baril sa likod ng ulo niya.

"Where is he?"

May dumating pa at, "Damn it, Joker. Get off! That's him."

"Captain?"

Nawala ang bigat na nasa likod niya at mayamaya pa ay nakatihaya na siya't nasisilaw sa liwanang ng araw.

"Captain!" Natakpan ang araw at napalitan ng apat na mukhang nakatungo sa kanya. Kumurap-kurap siya at mayamaya ay tumawa nang makita kung sino ang mga ito. Si Joker, Chop, Snip at Dok, suot ang kanilang caumoflage at kumpleto ang mga armas. Agad siyang nakahinga ng maluwag. At least ngayon hindi na siya mag-isang haharap sa Belial.

Hinawakan niya ang tagiliran. "Goddammit, Joker. Ilang beses ko bang sinabi sayo na hindi mo pwedeng basta i-tackle na lang ang kalaban. Paano kung nabaril kita?" Aniya.

"Oh yeah? Hindi ka nga nakagalaw." Nakangising ani Joker.

Umiling na lang siya. Dammit! Tama ito. Ni hindi na niya nagawang lumaban. Hindi  man niya aminin ay aminado siyang nanghihina na ang kanyang katawan at ang tanging nagtutulak na lang sa kanya na maging malakas ay si Samantha.

"Cap, bakit kasi suot mo uniporme ng mga 'to? Muntik ka na naming mabaril. Buti namukhaan ka ni Snipe." Seryosong sabi ni Dok.

Kinilabutan siya sa narinig. Ibig sabihin naging target na siya ni Snip? Ang pinakamagaling nilang snipper?

"Wag mong sabihing hinubaran mo 'yong lalaking may dala ng tray kanina?" Biro ni Joker.

Natawa na lang siya dahil iyon mismo ang ginawa niya. Asahan mo si Wilson na magbiro sa sitwasyon nila ngayon. Kaya nga joker ang bansag nila dito.

Inalalayan siya  ng mga itong maupo. "Anong ginagawa nyo dito? Paano nyo ko nahanap?"

"Ano sa tingin mo ang ginagawa namin dito? We're here as your back up at nahanap ka namin dahil sa kanila." Sagot ni Snip at tumango sa kabilang direksyon.

Nilingon niya ang tinutukoy nito at nagulat siya sa nakita. Halos dalawang dosena yata ng mga Amerikanong sundalo ang nandoon at lahat ay armado ng mga highclass na armas.

Isang babaeng may limang star sa balikat ng uniporme ang lumapit sa kanya, kasunod pa ang isang babaeng nakasuot ng salamin at isang lalaki na kahawig na kahawig ng lalaking sinalubong ni Savannah ng halik sa lobby ng SEC hotel.

Agad siyang tumayo para salubungin ang mga ito. Awtomatikong sumaludo silang lima nang makalapit ang babae sa kinatatayuan nila.

Inilahad nito ang kamay.

"Agent Sandra Nichols from Central Intellegence Agency. It's a pleasure to meet you, Agent Felizardo." Anito.

Tinanggap niya ang kamay nito. Anong ginagawa ng CIA dito?

"This is, Elisa Collins and Agent Zachary Grant." Pakilala nito sa dalawang kasama.  "Alam kong nagtataka ka kung bakit nandito ang CIA but as much as I would like to continue this pleasantries, I believe we don't have enough time for this. Let's get down to business." Anito.

Humakbang ang tinawag nitong Elisa, lumuhod at inilabas sa dala nitong bag ang dalawang laptop, isang tablet at kung ano-ano pang gadget na hindi na niya alam kung ano ang tawag.

Seryosong nag-angat ito ng tingin sa kanila nang makitang hindi pa sila kumikilos. "Magtititigan na lang ba tayo o ano? Five minutes lang ang kailangan ko para ipaliwanag ang lahat. Now, shall we?"
Agad silang kumilos. Lahat ng atensyon ay itinuon nila sa dalaga at sa mga gadgets na hawak nito.

"I've secured this area. From here to here." Itinuro nito ang lugar sa hawak na tablet. Minarkahan nito ng asul ang safe area na tinutukoy nito. "Hindi nila namalayan na nandito na tayo dahil lahat ng Surveillance camera sa lugar na 'to ay kontrolado ko na. Ang problema natin ay ang lahat ng nasa labas ng safe area. Hindi ko na kayang kontrolin 'yon ng hindi nila ko nakikita."

Tumango-tango sila.

"What we have to do is to reach this area." Itinuro nito ang isang lugar. May limang kilometro ang layo non sa kanila. "Nakahanap ako ng blind spot kung saan pwedeng dumaan para marating ang lugar na 'to. Ang isa pang problema ay ang mga gates nila. There are four highly secured gates. Lahat may bantay. Kaya kong patayin ang alarm nila, but only for three minutes. Kapag lumampas malalaman nila na nahack ko ang system nila. Ang problema nyo ay ang mga bantay ng gates."

Lumipat ito sa isa nitong laptop.

"This is the image from Kira..."

"Who's Kira?" Singit ni Joker at lahat sila ay napaungol. Hindi talaga nito kayang isara ang bibig kahit na ilang minuto lang.

"My mom." Bulong ni Elisa tsaka umiling at muling nagsalita. "She's a satellite. Panorama. My Dad's the one who created it and he named it after my Mom." Huminga ito ng malalim at tsaka nagpatuloy.

Mula sa kuha ng satellite ay nakita nila kung ilan ang nga bantay ng bawat gate at kung ano ang armas ng mga ito. Minarkahan din ni Elisa ang lugar na may mga landmine at ang mga lugar na may mga trap.

Saktong limang minuto ang lumipas at lahat sila ay handa na. Naipaliwanag na nito ang lahat ng dapat nilang gawin at kung sino ang Belial. Binigyan sila ni Elisa ng maliit na gadget kung saan pwede nilang makausap ang bawat isa. Nilagyan din sila ng tracking device at sensor kung saan makikita sila ni Elisa gamit ang Kira.

Kargado ng armas at lakas ng loob ay handa na silang tumulak para tapusin ang mission nila na hulihin ang lider ng Belial.

Bago pa man siya tumalikod ay hinuli ni Elisa ang braso niya. Nabigla  siya nang makita ang luha sa mata nito.

"Save her, please!" Anito.

Natigilan siya. Hindi na niya kailangang itanong kung sino ang tinutukoy nito. Hell, ni hindi na nga siya nagtaka kung bakit kilala ng isang CIA hacker si Samantha. Sa lahat ng nangyari ay kaya na niyang sabihin kung ano ang nasa likod ng pagkatao ni Savannah.

Tumango siya. "I will." Ngumiti siya at tumalikod na para sundan ang grupo.
Kung ganun miyembro ng CIA si Samantha. Isa ba itong undercover agent? Front lang ba ang grupo ni Lupin?

Umiling siya. Matapos ng nalaman niya tungkol kay Marcus at ngayon naman kay Samantha, wala na sigurong bagay na gugulat pa sa kanya.

"Let's move" Aniya na ang tanging nasa isip ay iligtas si Samantha at hulihin ang lider ng grupo.

Walang kamalay-malay na ang naghihintay sa kanila ay hindi lang basta gugulat sa kanya kundi babago sa buhay nilang dalawa ni Samantha.

Dangerous KissWhere stories live. Discover now