Chapter 8

6.7K 223 5
                                    

Isang malakas na hiyaw ang narinig ko. Naging marahas ang mga tunog. Subalit hindi ako dumilat. Ayaw kong makita ang karahasan nila. Ayaw kong makita kung paano nila ako lalapain. Parang nabingi ako sa mga sigawan at mga angil sa loob. May mga kalabog. May tila hampasan. May matinis na daing akong narinig, mga daing na parang ungol ng asong sinasakal o kinikitil ang buhay.

Umiyak na lang ako sa labis na takot. Hindi ko alam kung nagkakasiyahan ba sila sa paraang hindi ko na inintindi o nagbubuno ba sila, nagtatalo kung sino ang unang lalapa sa akin. Nanginginig ang buong kalamnan ko sa sobrang takot. Alam ko na anumang segundo ay mararamdaman ko na ang pagpunit nila sa balat ko. Para bang nabingi na rin ako. Nagmanhid ang buong katawan ko habang inaabangan ang paglapastangan nila sa aking pagiging tao.

Ilang minuto na yata ang nagdaan. Labis pa rin ang kaba ko. Pero tila ba ay walang nagaganap. Humina ang mga ungol sa paligid ko hanggang sa wala na akong marinig. Natatakot akong dumilat. Natatakot akong sa pagdilat ko ay bulagain ako ng mga nakakagimbal na madungis, mabaho, at duguang mukha ng mga halimaw na hayok sa karne ng tao.

Subalit wala na nga akong narinig na kung ano maliban sa huni ng mga kulisap. Dahan-dahan kong dinilat ang mga mata ko. Madilim ang silid. Nawala ang lamparang kanina lang ay nasa ibabaw ng mesang kinalagyan ko. Nakiramdam ako, binaling ang tingin ko sa magkabilang gilid ng kinaroroonan ko. Inusisa ko ang aking sarili kung bakit nawala ang mga nilalang na kanina ay nakapalibot sa akin.

Mabilis akong bumangon. Kinapa ko ang aking suot na pantalon at sa bulsa nito'y kinuha ko ang aking cellphone. Ginamit ko ang ilaw nito upang makakita. Agad kong hinablot ang bag ko. Hindi ko na masuot ang mga damit kong pinunit ng mga hayop. Ang nasa isip ko ay kailangan kong makaalis sa impyernong lugar na iyon.

Sandaling ginambala ng mga patak ng dugo sa paligid ang aking atensiyon. Doon ko nakita nang husto ang ilang bangkay sa paligid. Isa sa mga iyon ay iyong batang naghatid sa akin sa tanggapan ni kapitana noong kararating ko sa pook na ito. Halos masuka ako nang makita ang wasak na dibdib nito. Sa tabi niya ay ang kanyang puso. Dilat ang kanyang mga mata. Ilang talampakan mula sa kanya ay ang duguang punyal. Hinablot ko ito at madiing hinawakan.

Tinungo ko ang pinto. Hindi ako makatakbo nang maayos dahil sa sakit ng balakang ko. Wala na ako noong pakialam sa itsura ko. Suot ko ang backpack ko sa isang balikat. Hawak ko ang cellphone na nagsilbing ilaw ko sa madilim na daan. Alam kong wala akong saplot. Hindi ko na inisip kung paano ko ipapaliwanag ang kalunus-lunos kong itsura sa kung sino mang makakakita sa akin. Ang mahalaga noon sa akin ay makatakas.

Tiniis ko ang mabatong daan. Hindi ko na ininda ang mga matutulis na bato na tumutusok sa mga paa ko. Ngunit tao din lamang ako, may hangganan ang tibay, napapagod. Hindi din kinaya ng mga binti ko ang pagod. Kinailangan kong magpahinga. Tagaktak ang aking pawis. Mabilis ang aking paghinga. Mabilis ang kabog sa dibdib ko. Gusto kong umiyak, pero nanaig ang kagustuhan kong makaalis sa lugar na ito.

Natigilan ako nang umalulong ang isang aso. Inikot ko ang tingin. Doon ko lang napagtanto ang eerie na itsura ng paligid. Inilawan ng bilog na buwan ang daang pakurbada. Napaangat din ang tingin ko sa mga nagtataasang puno ng niyog sa paligid ko.

Muli akong nakarinig ng pag-alulong. Sinundan pa ito ng isa pang alulong. Muling bumilis ang tibok ng puso ko. Muli kong tiningnan ang telepono ko. Laking tuwa ko ng magkaroon ng kaunting signal. Agad kong dinial ang numero ng mamang naghatid sa akin. Nagring lang ang kanyang telepono, subalit walang sumasagot. Ilang beses kong sinubukan. Pero wala. Sinubukan kong tawagan ang numero ng himpilan ng pulisya sa munisipyo. Hindi pumasok ang tawag, at nang tingnan kong muli ang telepono ay wala na pala itong baterya.

Sinakluban ulit ako ng matinding takot. Ang tanging paraan ko para makahagilap ng tulong ay wala na. Binigo ako ng tanging susi ko sa sibilisasyon. Tinahak ko na lamang ang daan na minsan ay pumapaibaba at minsan naman ay tumataas. Gusto kong sumigaw ng tulong. Pero wala akong masigawan. Natakot din ako na baka marinig ako ng mga halimaw. Tanging ang malamlam na liwanag mula sa buwan ang nagbigay ilaw sa daan.

Ang Lalaki sa SitioTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon