Wala Lang Pala

19 1 1
                                    

Sa dakong kung saan hindi ko alam kung saan lulugar, sa tama ba o mali.
Dahil minsan nadarama ko na ang mali ay tama at ang tama ay mali.
Oo, alam ko ang mga limitasyon ko sa iyo
Ngunit ibig bang sabihin nito na tanggap mo ang mga pagsisikap ko?
Napasakit malaman sa taong iyong minamahal na hindi niya kayang suklian ang pagmamahal na ibinigay mo na

Ang lahat ng pagdarahop mo ay nabalewala lang pala
Ang mga oras at araw na kausap mo siya ay wala lang pala
Ang mga rosas at tsoklate ay wala lang pala
Ang mga papel at tinta ay wala lang pala
Ang mga matatamis mong salita ay wala lang pala

Sa mga iginugol kong panahon ay nasayang lang sa maling tao, sa maling pag-ibig
Tama nga, nagiging mangmang ang isa kapag umiibig kung paiiralin lang ay ang puso
Nanghihinayang ako na hindi ko ginamit ang utak ko
Pakiramdam ko naging tapunan ako, wala na akong maihaharap na mukha sa magulang ko

Nagsisisi ako sa mga nabitawan kong salita sa kanila
Masyado akong naging kumpiyansa na siya na nga ang lalaki na mapapangasawa ko
Siya ang makakasama sa pag-aalaga ng aming mga anak
Di pala ako ang laman ng puso niya

Nagsisisi ako na mas pinili pa kita kaysa sa mga kaibigan ko
Nagsisisi ako na hindi ko pinakinggan ang mga payo nila
Nagsisisi ako na nagpauto ako sa mga sinabi mo, sa mga sinabi mo
Nagsisisi ako sa lahat ng mga katangahan ko sa iyo

Ni hindi ko magawang patawarin ang sarili ko sa mga katangahan na nagawa ko
Bawat gabi iniiyakan pa rin kita na sana hindi na kita nakilala pa
Ang mga litrato na sinunog ko, hindi na dapat panghinayangan pa
Ano ba naman ako sa iyo? Isang laruan na kapag pinagsawaan itatapon na lang
Ganun na lang ba ang tingin mo sa akin? Ganun na lang ba kababa ang turing mo sa akin?
Na para akong linta na dikit ng dikit sa iyo dahil may mahal ka ng iba!
Ibabalik ko ba ang damdamin na itinapon na at iniwan durugan?

Ang mga mata mong malamlam akala ko sa akin lang nakatuon
Akala ko namamalikmata ka lang, Yun pala nakatingin na sa iba
Ang mga mata mong malamlam huwag mo ng idilat pa
Sa pagtingin mo sa iba kasabay nito ang pagkawasak ng puso ko sinta
Hiling ko hindi kana makakita pa, pangarap kong dukutin iyang makasalanan mong mga mata

Umagos ang mga luha, lumuhod ang mga tala, ngunit wala ka pa rin sinta
Kasabay ng paglubog ng araw ay ang paglubog ng pag-asa hindi na babalik pa siya
Hindi alam kung kailan ang huling umagahan, tanghalian at hapunan
Katabi lamang ang basang unan na yakap sa malamig na tahanan
Ang kawalan ng pag-asa mabuhay pa ang siyang magtatapos sa buhay ko at niya

Maraming beses sinubukan magpakamatay gamit ang sariling mga kamay
Di ko magawa sa dala dala kong buhay sa sinapupunan
Oo, magiging isa ka nang ama at magiging isa na rin akong ina
Hindi magiging masaya ang pamilya dahil wala ka at wala na siya

Inaabutan ako ng umaga sa isang puting silid laging inaalok ng gamot
Laging kinakausap ng mga doktor
Pagkagising ko isang umaga nandoon kayo sa isang sulok masayang naglalaro
Nakisali ako, salamat buo na tayo



Spoken Words CollectionWhere stories live. Discover now