MARANHIG

149 10 0
                                    

UHS HAUNTER FILES
_____
"Maranhig"
(Patay na Nabuhay)
written by: Jerry Gregorio
# Kwentonikakoy
-----
"Ana, apo. Nararamdaman ko nang malapit
na akong mamatay," wika ni Aling Pinyang
sa apo na tangi niya lang kasama sa maliit
na kubo na kanilang tinutuluyan.
Lumapit naman si Ana sa kanyang lolang
maysakit at ginagap ang mga palad nito.
Awang-awa siya dito. Alam niyang matagal
na nitong gustong magpahinga ngunit hindi
magawa dahil sa kanya. Dahil hindi niya
matanggap ang ipapamana nito sa kanya.
"Lola ... kung may magagawa lang ako , para
bumuti ang pakiramdam mo...," naluluhang
turan ni Ana.
Napangiti si Aling Pinyang at hinaplos ang
pisngi ng apo.
"Walang kang magagawa para bumuti ang
pakiramdam ko apo, ngunit may magagawa
ka para mamahinga na ang mahina at
matanda ko ng katawan, ngunit ayaw mong
gawin" mahinang sagot ng matanda.
Napatitig sa kanyang lola si Ana. Alam niya
ang ibig nitong sabihin. Matagal na sanang
gustong magpahinga ng kanyang lola, ngunit
hindi ito mamatay-matay dahil hindi niya
tinatanggap ang binibigay nitong pamana.
Ang pamanang ibinigay nito'y ang pagiging
aswang. Magmula ng magkasakit ito, may
inilalabas itong isang itim na insekto mula
sa bibig nito gamit ang mahahaba at
malagkit nitong dila.
Sa tuwing inaalok siya ng matandang kunin
ito mula gamit ang bibig niya'y tumatanggi
siya. Hindi niya maatim na maging aswang
din siya tulad ng kanyang pamilya. Tutulad
na lamang siya sa kanyang ama na mas
ginusto pang magpakamatay na lang kesa
maging aswang.
Hanggang isang araw...
"Apo, 'di na kaya ng katawan ko.
Magpapaalam na ak--" huling sambit ni
Aling Pinyang.
Namatay itong 'di naipapasa kay Ana ang
itim na insekto.
Sobra ang pagtangis ni Ana.
Binurol ang kanyang lola, hindi na
inimbalsamo ang katawan nito dahil iyon
ang kahilingan ng matanda ng nabubuhay
pa ito. Isa man sa kanilang mga kapitbahay
ay walang nakiramay.
Pangatlong gabi ng burol ni Aling Pinyang,
nang biglang bumangon ang bangkay nito.
Para tong nabuhay muli. Dumilat ang mga
mata, puro puti lang ang makikita mula
roon. Nakanganga ang bibig at nakalabas
ang mahahaba at malalagkit na dila.
Nahintakutan si Ana sa nasaksihan. Hindi
kaya totoo ang sinabi ng kanyang lola. Na
kapag 'di nito naipasa ang itim na insekto
na nasa loob ng katawan nito'y muling
babangon ang bangkay nito. Muling
maninila't papatay. Nagiging maranhig na
ang kanyang lola. Patay na muling nabuhay.
Paatras na sana si Ana para lumabas at
makahingi ng saklolo, ng walang ano-ano'y
hinila siya ng kanyang lola gamit ang
mahaba nitong dila.
"Huuwaagggg loooolaaa!!!" palahaw ni Ana.
"Grrrawwwllll" angil at wika ng matandang
aswang habang nilalantakan ang sariling
apo.
Wala na sa katinuan si Aling Pinyang, dahil
tanging ang itim na insekto na lamang ang
nagmamanipula ng katawan ng matanda.
Patay ito sa umaga ngunit nabubuhay sa
gabi para makasila ng mga susunod na
biktima.
--WAKAS--

Haunter Files (Flash Fiction Horror Stories)Where stories live. Discover now