Prologo

7.3K 212 21
                                    

ASTRAEA

Book 2 (sequel) of Adrasteia

~This story is a work of fiction. The characters, names, scenes and places are pure imagination of the author. Any resemblance to actual person, living or dead is purely coincidental.

Written by: cgthreena

Date started: May 18, 2017

Date Finished: September 03, 2018

-------------------------------

Prologo

Sa muling pagbabalik ni Ceres sa kagubatan, isang gintong binhi ang nagbunga sa inaalagaang puno ng Narra ng mga maliliit na diwata sa tirahan nina Dia. Nagliwanag ang buong puno dahil sa saya ng mga maliliit na diwatang nangangalaga sa kalikasan sapagkat isang maharlikang nagmula sa kanilang lahi ang isinilang ngayong gabi.

Hindi mabura ang ngiti sa mukha nina Kaps at ng tatlong duwende habang pinagmamasdan ang kanilang reyna na si Ceres habang nasa palad nito ang sanggol na singlaki lang ng hinlalaki. Narito silang lahat sa bakuran nina Dia at nagkakasiyahan dahil sa diwatang sanggol.

Bumukas ang gate at niluwa nito si Dia na may malawak na ngiti. Napatingin ang lahat sa kanya at sinalubong din siya ng ngiti.

"Mabuti at nakaabot ako," aniya.

Lumapit ang tatlong duwende sa kanya at tinulungan siyang bitbitin ang maletang dala niya. Nilibot ni Dia ang kanyang paningin at natuwa siya sa liwanag na likha ng mga diwata.

"Maligayang pagbabalik, Adrasteia," bati ni Ceres sa kanya.

Ngumiti naman ito.

"Dapat ay sa susunod na linggo pa ang uwi ko ngunit nang magpakita ka sa aking panaginip at binalita ang pagkasilang ng unang maharlikang diwata ay umuwi agad ako kahit na abutin ako ng dilim," anito.


Agad na lumapit si Dia kay Ceres upang makita ang sanggol. Ito ay nakabalot sa telang puti dahilan upang matago nito ang kumikinang na maliit na gintong pakpak ng diwata. 

"Ngayon lang ako nakakita ng sanggol na diwata. Sobrang liit niya," ani Dia habang nakangiti. 

"Anong pangalan niya?" Dagdag niya.

Napaisip si Ceres dahil doon. Pinagmasdan lang ni Dia ang sanggol. Namangha siya sa mukha nitong napakaamo at inosente dahil do'n, nakaisip siya ng pangalang bagay na bagay rito.

"Kung iyong mamarapatin, nais ko siyang bigyan ng pangalan," ani Dia.

Ngumiti si Ceres at tumango. Tumitig muna si Dia sa sanggol, manghang-mangha pa rin siya sa gandang taglay nito.

"Astraea," sambit ni Dia.

Napatingin si Ceres kay Dia dahil doon.

"The virgin goddess of innocence and purity," ani Ceres.

Agad namang tumango si Dia at tumingin kay Ceres.

"Iyon ang ipapangalan ko sa kanya dahil sa maamo at inosente niyang mukha at naniniwala akong ang kalooban niya'y busilak at walang bahid ng kahit na anumang kasamaan," nakangiting wika ni Dia.

"Astraea," nakangiting banggit ni Ceres habang pinagmamasdan ang sanggol.

"Bagay na bagay sa kanya," dagdag nito.

"At bibigyan ko rin siya ng palayaw. Tatawagin ko siyang 'Sea' sa mundo ng mga tao," dagdag ni Dia.

Napakunot naman ang noo ni Ceres dahil doon. Tila hindi nagustuhan ang pagbibigay ng palayaw ni Dia sa sanggol.

"Adrasteia, alam mong hindi gumagamit ng palayaw ang mga engkanto," seryosong wika ni Ceres.

Dumiretso ng tayo si Dia at saka humalukipkip.

"Ganoon ba, Ms. Mayla?" nakataas ang kanang kilay na wika ni Dia kaya naman agad na sinamaan siya ng tingin ni Ceres.

"Hindi magagamit ni Astraea ang palayaw na 'yon," mariing sambit ni Ceres.

Napailing na lang si Dia at natawa.

"Kung gayon, kami ni Dentrix ang tatawag sa kanya nito. Okay na ba?" nakangising wika ni Dia.

Inirapan na lamang siya ng engkanto at tinalikuran na si Dia upang mailapag na ang sanggol na ngayo'y mahimbing na mahimbing na ang tulog. Napatitig lamang ang dalaga rito habang nakahalukipkip at bigla na lamang dumaan sa kanyang isipan ang kanyang panaginip kanina nang makatulog siya sa bus. Malinaw na malinaw sa kanya na nakita niya ang maharlikang diwata na nakikisalamuha sa mga tao at hindi lamang sa kanila ni Dentrix kaya naman agad siyang napapikit at dumilat ding muli.

Kung anuman ang hiwagang bumabalot sa panaginip niyang iyon, hiling na lang niyang maging maayos ang kalagayan ng diwata kapag nangyari na ang kanyang panaginip.

"Gabayan ka nawa ng Tagapaglikha," bulong niya.

***

Ito po ay sequel ng istorya ni Adrasteia. Kung nais niyo siyang mas makilala, nasa external link po ang istorya niya o kaya naman magtungo na lamang sa aking profile at hanapin ang istoryang may pamagat na "Adrasteia."

Maraming salamat nga pala kay Nheczxo sa paggawa ng pabalat ng Astraea!

-CG

AstraeaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon