Ako so Sofia, 21 taong gulang . Mag-isa sa buhay. Dati akong may pamilya, pero ngayon, ngayon ewan ko kung bakit mag-isa na lang ako. Dati akong masigla, masiyahin, at palakaibigan. Ngayon, mas pinili ko ang mag-isa.
Nawala ang pamilya ko sa isang trahedya. Hindi ko alam kung swerte nga bang maituturing na ako ay nakaligtas. Swerte nga ba? Sana minalas na lang ako.
Nagdesisyon akong magpakalayo. Malayo sa syudad, sa magulo at maingay na pamumuhay. Umuwi ako sa probinsya ng aking mga magulang. Doon magsisimula muli ako ng bagong buhay, ng tahimik na buhay ng mag-isa.
Simple lang dito. Simple lang ang bahay ko na gawa sa pawid. Napapalibutan ng mga puno at halaman. Hindi ka magugutom dito basta masipag kang magtanim. Karaniwan sa mga tanim ko ay mga gulay at prutas. Ang tanging dinala ko mula sa syudad ay ang aking mga libro. Paminsan-minsan ay bumababa ako sa bayan at nagdadala ng mga prutas at gulay at ibinibenta. Ang pinagbilhan ay ibinibili ko ng bigas at iba ko pang pangangailangan. Sa ilog ako naglalaba at naliligo. Sa isang bukal naman ako kumukuha ng inuming tubig.
Kuntento na ako sa ganitong buhay. Pakiramdam ko ligtas ako sa lugar na ito. Ngunit sa di inaasahang pagkakataon, nagulo ang matahimik kong mundo.