Chapter VII + Note

2.8K 37 3
                                    

Thanks again Gian for making this awesome book cover for SU2! Wabyou! ♥♥

__________________________________________________

Chapter VII

Nang ibaba ni Skye ang kanyang tingin ay nagitla siya nang makita ang isang kamay na nakapatong sa kanyang hubad na dibdib. Maliit iyon, siguradong hindi iyon kamay ng isang lalaki. Pero...hindi ba masyado iyong maliit para maging kamay ng babae? Ah! Wala na siyang pakialam kung kanino mang kamay iyon! Basta gusto na niyang makauwi. Sinubukan niyang bumangon ng kama ngunit nang kumilos siya ay nakarinig siya ng isang ungol na galing sa kanyang tabi. Tuluyan niyang inalis ang kumot na bumabalot sa ibabang parte ng kanyang katawan, naroon pa rin naman ang pantalon niya, ngunit nang tignan niya ang kanyang tabi ay tumambad sa kanya ang isang batang lalaki. Himbing na himbing ito sa pagtulog at bahagya pang nakabuka ang bibig nito.

Napahilot ng sentido si Skye nang muli na naman niyang maramdaman ang pagkirot ng kanyang ulo. Wala siyang gaanong matandaan sa mga nangyari kagabi. Ang huli lang niyang naaalala ay ang biglaang pagsulpot ni Mhira sa bar at ang maikling pag-uusap nila. Pagkatapos n'on ay blangko na, wala na siyang natatandaan. Masyado na siyang natangay ng kalasingan. Inilibot niya ang kanyang mga mata sa apat na sulok ng kwarto, nakatitiyak siyang hindi iyon bahay ni Mhira. Alam niyang mayaman iyon kaya imposibleng ganito ang itsura ng kwarto niya. Maliit lang ang silid, medyo nangangalawang na ang kisame, at wala pang pintura ang sementadong dingding niyon. May isang malaking drawer sa gilid, iyon lang ang nag-iisang gamit na nasa loob maliban sa kamang hinihigaan niya.

"Gusto ko ng ice cream...chocolate flavor." Bumalik ang tingin ni Skye sa tabi. Hay, malamang nananaginip ito. Kanino kayang anak ito at na kaninong pamamahay kaya siya?

Inalis niya ang nakapatong na kamay ng batang lalaki saka tuluyang bumangon ng higaan. Masakit ang likuran niya, palibhasa ang tigas-tigas ng kama, pero hindi na niya iyon ininda. Sinubukan niyang hanapin ang kanyang pang-itaas ngunit bigo siya. 'Di naman pwedeng umalis na lang siya nang naka-topless. Hinawi niya ang manipis na kurtinang tumatakip sa pasukan ng kwarto at saka sumilip sa labas, walang tao kaya naisipan niyang tuluyang lumabas ng silid. Sinuri niya ang kabuuan ng bahay. Maliit lang iyon at masikip, may maliit na sala na kadugtong lang ng maliit na kusina, at ang mga gamit sa tantya niya ay may kalumaan na. Ngayon lamang siya nakatungtong sa ganoong klase ng bahay. Buong buhay niya, sa maluwag at komportableng lugar siya nanahan kaya bago sa paningin niya ang gan'ong uri ng lugar.

Napunta ang tingin niya sa kahoy na pintuan, iyon ang daan palabas kaya agad niya iyong tinungo. Akmang hahawakan pa lang niya ang susian niyon nang makarinig siya ng isang maliit na tinig.

"Gising ka na pala." Natigilan si Skye at napalingon. Nakatayo na sa labas ng kwarto ang batang lalaking nakatabi niya kanina. Payat ito at sa tingin niya'y hanggang baywang niya ang tangkad. Nakasuot ito ng manipis na puting sando na naka-tuck in pa sa asul na shorts nito.

"Ah..." Hindi alam ni Skye kung ano ang dapat niyang sabihin sa paslit. Dapat ba niyang itanong rito kung ano ang nangyari sa kanya kagabi? "Bata..."

"Hindi na 'ko bata! Magna-nine na kaya ako!" maktol naman nito na nakatulis pa ang labi. Napakamot na lang ng batok si Skye.

Pinuntahan niya ang pwesto ng paslit saka lumuhod upang pantayan ang tangkad nito. "Ano ba'ng pangalan mo? Sabihin mo, bakit ako nandito?" Namilog ang mga mata ng bata habang nakatitig sa kanya. Mukha yatang wala itong balak na sagutin siya.

"Uy bata, sagutin mo naman ako," pangungumbinsi pa niya.

Napalabi naman ang musmos. Patay. Mukhang iiyak pa yata ang isang ito. Pero wala naman siyang ginawa para paiyakin ito, nagtatanong lang naman siya kaya papaanong bigla itong nalungkot? "K-kuya Jeremy..."

She's Ugly 2Where stories live. Discover now