Chapter Four

6.9K 106 4
                                    

TAHIMIK na nakikinig si Ladylyn ng music sa mumurahing MP3 niya. It was Magic by Colbie Caillat playing. Nagbabasa rin siya ng Tagalog romance novel na nirentahan niya. Hindi pa niya natatapos iyon kagabi dahil nakatulog siya habang binabasa iyon.

Kaya dinala niya sa school ang libro at binabasa niya iyon ngayon habang hinihintay ang pagdating ng professor nila sa unang subject nila nang araw na iyon. Wala pa ang dalawang kaibigan niya kaya wala siyang katsikahan. Male-late na naman siguro ang mga ito. As usual.

Hindi niya pinapansin ang mga kaklase niyang nag-iingay. Mayamaya, napansin niyang hindi na masyadong maingay ang buong classroom. Bulung-bulungan na lang ang naririnig niya. Hindi naman kasi ganoon kalakas ang volume ng music niya kaya nakikiramdaman pa rin niya ang mga nagyayari sa paligid.

Nang iangat niya ang mukha, namilog ang mga mata niya nang makita ang isang lalaking hindi na bago sa paningin niya—si Princeton! Nakatuon dito ang atensiyon ng lahat ng naroroon, kabilang siya. Ano'ng ginagawa nito rito?

Ang musikang nanggagaling sa MP3 niya ay hindi na niya naririnig. Tanging naririnig niya ay ang pagtibok ng puso niya sa sobrang lakas niyon. Ano ba ang nararamdaman niyang iyon?

Hindi niya dapat nararamdaman iyon dito. Inis siya sa lalaking iyon. Galit siya rito. Nadaig yata ng pagkamangha niya rito ang inis na dapat ay una niyang naramdaman dito.

Ang akala niya ay dininig ang panalangin niyang huwag na uli silang magkita nito. Pero hindi pala. It was five days ago when they first met. Tatlong beses pa silang nagkita nang araw na iyon. Akala niya, hindi na iyon masusundan pa. Pero muli silang nagkita nito ngayon. At gaya nang dati, guwapo at malakas pa rin ang dating nito.

Nabitawan niya ang binabasang libro sa pagkamangha niya rito. Sa totoo lang, parang ayaw na niyang ialis ang pagkakatitig dito. Hindi niya alam kung kumurap ba siya o hindi.

Nang napansin niyang nakatitig ito sa kanya, kaagad siyang umiwas ng tingin. Nakaramdam siya ng hiya, ng pagkailang. Gusto niyang tingnan ito uli pero kinontrol niya ang sarili. Saka niya napansin ang nahulog na librong binabasa niya kanina. Pinulot niya iyon at muling binuklat.

Sandali pa'y naramdaman niyang may umupo sa bakanteng upuan sa kanan niya. Nang tingnan niya kung sino ang umukupa sa upuan, namilog ang mga mata niya sa pagkagulat.

Oh, my God! sigaw ng isip niya. Hindi niya inaasahang uupo ito sa upuang katabi ng inuupuan niya.

"Hi, Ladylyn!" bati nito sa kanya.

Naririnig niya ang mga bulung-bulungan sa paligid. Lalo na ng mga babaeng kaklase niya. Kilala raw siya ng lalaki. Magkakilala raw kaya sila nito. Ang suwerte naman daw niya at may kilala siyang ganoon kaguwapong lalaki.

Tinanggal niya ang earphone sa magkabilang tainga niya at inilapag sa desk ng upuan ang MP3 at ang librong hawak niya.

"I-ikaw—" Hindi niya natapos ang sasabihin niya nang magsalita ito.

"Ako nga. Si Princeton. Remember?"

"Ikaw na naman? Yes, I remember. Paano ko naman makakalimutan ang isang bastos, walanghiya, mapang-asar at makulit na lalaki?" mataray na sabi niya. Ganyan nga, Ladylyn! pang-e-encourage niya sa sarili.

"Ouch! Ang sakit mo namang magsalita. Hindi mo ba ako nami-miss?" Nag-uumpisa na naman itong mang-asar.

Narinig niya ang pag-"oh!" ng mga kaklase niya.

Anything To Make You Mine [PUBLISHED under PHR]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon