Chapter 3 Part 1

7.2K 168 1
                                    

PAPATAYIN kita. Tatapusin ko lang ito pagkatapos papatayin kita. Promise! Habang nagpipiga ng basahan ay karumal-dumal na krimen ang pinaplano ni Carol. Sinasabi na nga ba niya at maitim ang budhi ng lalaki. Halos kakatapak pa lang niya sa beach house na umano ay paglulunggaan nito ng ewan kung ilang araw ay nakapila na ang mga iniutos nito sa kanya. Itinaboy agad-agad niyon anumang masarap na damdaming hatid ng pag-alo nito sa kanya habang mahima-himatay siya sa takot noong papa-landingang chopper. Naisip-isip pa naman niya na kahit paano ay may naibudbod ding kabaitan sa pagkatao nito para pagtiyagaan nitong aluin ang inaakala nitong katulong.

Hindi niya naisip na may fear of heights siyang ganoon katindi. Maliban sa nag-iisang pagkakataong sumakay siya ng ferris wheel at hindi na umulit kailan man ay wala siyang nakitang palatandaan na duwag siya pagdating sa matataas na lugar. Inalo nga siya ni Luis pero agad naman itong bumawi nang nakasayad na ang paa niya sa lupa.

Pinapaghanda siya nito ng meryenda, iyon ang una. Sumunod ang pagpapa-imbentaryo sa kanya ng supplies na nasa titirhan nila. Pinapalitan nito ang mga bed sheets, pinalagyan ng kurtina ang mga bintana. Pinag-isip siya ng iluluto sa hapunan, pati na rin ng pang-agahan bukas saka pananghalian. Kung kelan iniisip niya na puwede na siyang huminga man lang ay sinabihan siya nito na maglinis dahil ayaw daw nito ng maalikabok.

Utak mo yata ang inaalikabok! Walang makapa ni isang butil ng alikabok si Carol pero alangang makipag-debate pa siya sa lalaki. Nagpunas na lang siya. Iyong basang basahan. Ipinakagiit-giit iyon ng lalaki. Para daw makasiguro siya na makukuha lahat ng dumi.

"By the way, after that you can clean the floor," bilin ng hudyo bago ito pumasok sa kuwarto.

Ni hindi pa nito alam ang pangalan niya, nilulunod na siya sa dami ng gawain. Salamat at walang pakalat-kalat na gulok. Kung hindi ay headless Luis na ito ngayon.

Hindi lang basta katulong ang papel niya. Alipin. Pero hindi bale na. Tiyak na lalong mapapasarap ng pinagdadaanan niya ngayon ang pakiramdam niya kapag lumuhod ang mga tala. Sa ngayon ay wala siyang puwedeng gawin kung hindi sumayaw sa tugtugin gaano man iyon kasagwa.

Pasalamat siya at hindi kalakihan ang beach house. Pero nakakapagod pa rin ang maglinis. Nang sa wakas ay matapos siya sa pagpupunas ng sahig ay walang pakundangang humilata sa sofa si Carol.

"Hay, ang saraaap," usal niya. Kailangan pa niyang magluto pero sandali lang. Magpapahinga siya ng konti. Ipipikit niya ng ilang minuto ang mga mata.

DAPAT ay natutulog si Luis. Ang pangako niya sa sarili, ang unang gagawin niya sa sandaling magkaroon siya ng libreng oras ay ang matulog ng isang buong araw. He needed to catch up on his sleep. Hindi biro ang magpalago ng mga negosyo. Kung minsan, kadalasan pala, ay apat na oras lang ang tulog niya. Nabasa niya somewhere ang tungkol sa sleep debt. Naiipon daw lahat ng oras na kulang sa tulog ang isang tao at kalaunan ay puwedeng maging mitsa ng deadly diseases na gaya ng hypertension, diabetes, pati cancer. Kaya nangako siya na babawasan ang naipon niyang utang na tulog.

Kaso ay hindi siya makatulog kahit pa inaantok siya. Bukod sa hindi siya sanay matulog lang ng basta, binubulahaw din siya ng konsensiya. Ni hindi niya pinagpahinga man lang si... Napapalatak siya. Hindi niya alam ang pangalan ng babaeng kasama niya. Pwes, kung sino man ito, at kahit pa siguro ang pakay ay siluhin siya, ay hindi dapat na alilahin niya ito agad-agad, na siya mismong ginawa niya. Pinaulanan niya ito ng utos, walang patlang ang gagawin nito mula pagtuntong pa lang nila sa baybayin ng isla hanggang sa susunod na dekada. Paano siya makakatulog ng mahimbing kung alam niyang sa labas lang ng kuwarto niya ay malamang na kandatuwad sa paglilinis ang babae?

Hindi siya matahimik. Padabog siyang bumangon at tinungo ang pinto ng sild niya. Lumabas siya.

Kandatuwad pala sa paglilinis ha? Nag-init ang ulo niya. Nakonse-konsensiya pa siya, wala naman palang dahilan. Ang babaeng inakala niyang hindi magkandatuto sa pagsunod sa ipinag-uutos niya ay hayun, ang sarap ng higa sa sofa. Yakap nito ang isang throwpillow, nakanganga ng bahagya at naghihilik pa.

Bubulyawan dapat niya ito. Kung nag-aambisyon itong masungkit siya, baka sakaling ma-turn off na ito ng tuluyan sa kanya, magpumilit na ipasundo na niya ito sa piloto at iiwan na siya. Pero hindi niya natuloy ang planong pagbulalas ng mapanindak na and what do you think you're doing nang mapansin niya ang paligid. Makintab na ang sahig. Nakahawi ang mga kurtina na nakabuhol sa gitnang bahagi sa paraang pinaghugis rosas ang buhol. Pinadaanan niya ng palad ang pasamanong malapit sa kanya at wala ni katiting na aligasgas siyang nasalat. Tapos na ang babae sa mga ipinagagawa niya?

Wonder Woman, ikaw ba iyan? He was impressed. Hindi kaya tutoong katulong nga ito?

Napapakunot, naglakad siya palapit pang lalo rito. Tinunghayan niya ang natutulog nitong anyo na para ba namang malalaman niya sa pamamagitan lang ng pagsipat dito kung sertipikadong katulong ito o pirated lang.

Naghihilik talaga ito. Mahina lang pero hilik pa rin. Hindi niya maalala kung may nakasama na siyang babae na naghihilk. Parang wala pa. Kaya siguro naaliw siya sa naririnig ngayon.

Mukhang nagpakaabala nga ito ng husto at napagod din ng todo. Kahit yata magpasabog siya ng bomba sa tabi nito ay hindi man lang ito matitinag sa sobrang himbing. May bahid pa ng dumi sa mukha nito, nakasabog ang buhok nito at ang damit, nakalilis na sa bandang tiyan. Makinis, maputi ang kutis na nasilip niya bago siya nahiya sa sarili at sapilitang pinaiwan sa paningin ang tanawing nakatuwaan ng kanyang mga mata.

She definitely doesn't look like a maid. Mas lalong tumindi ang suspisyon niya na pakawala ni Gen ang babae.

But my sister seem to be getting desperate. Dati ay mga babaeng poised at sophisticated ang mga isinusugo nito. Mga babaeng alam nito na sanay siyang makahalubilo at mas malaki ang tsansang mabihag siya. Pero nagkaka-ubusan na siguro ng mga ganoong tipo sa mga kakilala, kaibigan at kaututang-dila ni Gen kaya nag-iba na ngayon ang kalidad ng inihahampalang nito sa daanan niya.

This woman lying before him is neither poised nor sophisticated. Kahit nakabihis ito kanina na pang-opisina ay halatang miyembro ito ng working class at hindi ng alta sosyedad o iyong mga nagpupumilit magpanggap na tiga-alta sosyedad. Kaya nga siguro hindi ito takot sa trabaho. At kahit paano ay naantig nito ang pansin niya.

The women he knows, well, hindi pa niya nakitang humawak man lang ng walis ang mga ito. Katulad yata ni Gen, magkaka-nervous breakdown kapag nawalan ng katulong. Mapapatawad pa niya iyong mga ipinanganak talaga sa yaman at lumaking lima ang yaya. Pero iyong mga kagaya ng kapatid niya na minsan din namang naging miyembro ng middle class at yumaman lang kalaunan, ah, hindi tamang umasta na gagalisin kapag gumawa ng trabahong bahay.

Hindi umastang gagalisin ang babaeng ito kaninang utusan niya. Napakurap ito, oo. Halatang nalula, at iyon naman talaga ang balak niya. Ang hiluhin ito sa dami ng ipapagawa niya rito. Pero ginawa nito. And did it well, if I may add.

Nandito lahat ng karapatan ngayon na maghilik sa sobrang pagod. And it was that little snore that is tickling his fancy.

Napangiti ang babae, mukhang nananaginip ng maganda. Sapat ang ngiting iyon para gumanda rin ito ng isang hibla sa kanyang paningin. Mukhang sa pagkakataong iyon ay may potensiyal ang ipinadala ng kapatid niya.

Potensiyal na ano?

Lumuhod Ka, Tala by :  Kayla Caliente  (unedited) completedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon