Part 11

22.7K 776 35
                                    


NAGPAKAWALA ng malalim na hininga si Miro bago ibinaba ang hawak na telescope. Naroroon sila ngayon sa ikapitong palapag ng Business Administration Building, sa isang bakanteng silid na naging tambayan na ng kanilang grupo. Mula roon ay tanaw ang halos kabuuan ng campus, lalo na ang bahaging madalas tambayan ni Margaux at ng kaibigan nito na napag-alaman niyang Clarice ang pangalan.

"Hindi mo pa rin malapitan?" tanong ni Randall na noon ay kapapasok lang sa silid kasabay si Art. Si Pierro naman ay abala sa pagkalikot ng cell phone nito, si Mike ay naggigitara, at si Jared ay nakatutok na naman ang mga mata sa larawang nasa wallet nito.

Nagkibit-balikat siya bago muling kinuha ang telescope at tinutukan ang mukhang hindi niya pagsasawaang titigan. Margaux had grown into a beautiful lady. Mahaba pa rin ang buhok nito. Nagtataglay ito ng malalantik na pilik-mata at mga labing tila kay lambot. Kunsabagay, noon pa man ay nakikita na niya ang ganda nito na nakatago lamang sa simpleng kasuotan at salamin sa mga mata. Kung may nagbago man sa dalaga, iyon siguro ay ang mga mata nitong animo laging iiyak. Nawala na iyon at napalitan ng mga matang tila punong-puno ng katuwaan. Nawala na rin ang pagkamahiyain sa aura nito. Now she looked self-assured and confident. Iyon marahil ang epekto ng isang Roy sa buhay nito. Napatiim-bagang siya pagkaalala sa bagay na iyon.

"Ewan ko nga ba riyan kay Miro, ni hindi rin nakadiskarte no'ng ihatid si Margaux sa bahay gamit ang taxi ng DeLA. Dapat idineretso mo na agad ang taxi sa bahay mo, brod, hina mong dumiskarte!" kantiyaw ni Art sa kanya.

Nasa kalagitnaan siya ng annual meeting sa Lagdameo Holdings nang tumawag si Art at sabihin sa kanyang darating nang araw na iyon si Margaux. Mabilis pa sa alas-kuwatrong umalis siya ng meeting. Hindi pa naman siya ang humahawak sa buong kompanya. Ang isang tito niya ang acting CEO habang hindi pa siya nakakapagtapos ng pag-aaral. Pero sa bawat meeting ay kailangan ang presensiya niya dahil kasama siya sa pagbuo ng mga desisyon sa mga usapin sa kompanya.

Tumawa nang malakas si Randall. "Nagsalita ang magaling dumiskarte! Eh, ikaw, nakakadiskarte ka ba kay Adallene?" kantiyaw nito kay Art. Si Ada ang ampon ng mommy ni Art at halos itinuturing na ring anak ng mag-asawang De Luna.

Umasim ang mukha ni Art. "Sino naman ang nagbigay sa inyo ng ideya na may gusto ako sa amasonang iyon? Para iyong tigre sa gubat!" Tulad ng dati ay kuntodo deny na naman ito. Pero buking na nila ang lihim na damdamin nito kay Ada. Hindi na nila mabilang ang mga pagkakataon na nahuhuli nila itong nakatitig sa dalaga.

"Huwag n'yo ngang sirain ang araw ko. Hayan si Miro, siya ang problemahin ninyo!" ani Art.

Napuno ng tawanan ang silid.

"Hindi ka pa rin makalapit kay Margaux, Miro? Okay, sige, gagawan ko iyan ng paraan. Ako na ang bahala," ani Pierro na pumutol sa pagmumuni-muni niya.

Nakakunot ang noong binalingan niya ito. Nakita niya nang ihagis nito sa ere ang telepono nito at sambutin din iyon, pagkatapos ay nag-dial doon. "Organize a masquerade ball for tomorrow night. Make sure to invite a certain Margaux Santillan. Sa pagdalo niya sa party nakasalalay ang trabaho mo," maawtoridad na wika nito bago agad na pinatay ang telepono. Ni hindi man lang yata nakapagsalita ang taong kausap nito sa kabilang linya.

"Jesus, Pierro! Pinaaandar mo na naman 'yang kalokohan mo. Huwag mo siyang sesantihin!" saway niya sa kaibigan. Ito ang pinaka-bad boy sa grupo nila. Ginagawa talaga nito kung ano ang sinasabi nito. Malamang ay empleyado ng Alvarez Group ang tinawagan nito at binantaang tatanggalin sa trabaho. Nasa pangalan na kasi nito ang kompanya ng pamilya.

Humalakhak si Lance Pierro. "Terrorizing is my game, Miro," anito na tila ipinagmamalaki pa sa kanya ang pagiging bully nito. Pero kahit ganoon ito, nauunawaan niya ang dahilan niyon. Kulang ito sa pagmamahal ng magulang. Sa kanilang anim, ito lang yata ang hindi ganoon kaganda ang kabataan. Pero hanggang pagiging bully lang naman ito dahil pagdating sa pag-aaral ay wala siyang masasabi rito. Matalino ito, patunay roon ang pagiging dean's lister nito.

"Masquerade ball? Hmm, gusto ko 'yan," sabad ni Mike. "Sige, ituloy mo 'yan, Pierro. Baka sakaling makatagpo roon ng babae si Jared."

"At bakit napunta sa akin ang usapan?" natatawang tanong ni Jared.

"Malapit na kasing matunaw 'yang litrato sa wallet mo. Wala ka nang ibang ginawa kundi titigan 'yan. Bakit kasi hindi mo pa sundan sa Seattle? Masyado mong pinahihirapan ang sarili mo." pumalatak na sabi ni Mike.

Malungkot na ngumiti si Jared. "Hindi pa puwede, eh. Kristina is doing good in school. Hindi ko puwedeng sirain ang konsentrasyon niya," anito at muling sinulyapan ang litrato sa wallet nito.

"Oh, di habang hindi pa puwede, magpakasaya ka muna sa piling ng iba," natatawang wika ni Pierro.

Humalakhak si Jared. "Hindi ko kailangang magpakasaya sa piling ng iba. Masaya na ako sa paghihintay kay Kristina."

"Oo na, ikaw na ang dakilang martir!" napapailing namang wika ni Randall. "Hindi ko yata kaya 'yan, brod—loving a woman without letting her know about it."

"When you fall in love, you'll know how it feels. It's magical. Hindi ba, Miro?" baling ni Jared sa kanya na tila nais sabihin na siya ang nakakaintindi sa sitwasyon nito.

Tumango siya dahil naiintindihan niya ang sinasabi ng kaibigan.

Isa iyon sa mga bagay na ipinagmamalaki niya sa kanilang grupo. Nakakapag-usap sila nang malaya at naipapahayag ang kanilang mga damdamin. Napag-uusapan nila ang lahat ng puwedeng pag-usapan kahit iyong pinaka-corny na bagay sa mundo. Walang mag-aakala sa mga hindi nakakakilala sa kanila nang lubos na nag-uusap-usap sila nang ganoon. Yes, they bore the powerful names of their families but that didn't mean they couldn't act and talk like normal individuals. With each other, they could be themselves. Isa iyon sa ipinagpapasalamat nila, natagpuan nila sa isa't isa ang tunay na kahulugan ng pamilya at pagkakaibigan.



Hit VOTE! Thank you. :D

Written In The Stars (Completed!)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon