Depresyon

6 1 21
                                    

Entry 019 - 07/12/19
DEPRESYON

Sa unang tingin ay tila walang inaalala.
Nagpapanggap na masaya kahit na may dinadala.
Nais mapag-isa dahil sa sobrang lumbay
Wala man lang makaintindi--walang makaramay.

Sa likod ng kanilang ngiti at mga tawang pilit
Hindi mapapansin ang kanilang mga hinanakit.
Nahihirapang huminga dahil sa nadaramang sakit--
Tila kadenang nakabalot nang sobrang higpit.

Laging iniisip na sila'y ‘walang kwentang tao.’
Pananaw nila sa buhay ay laging negatibo.
Hindi nila kailanman ginustong magkaganito.
Nais lang maging maligaya, ngunit kailan--at papaano?

Kahit na ikuwento ang hinanakit sa iba
Hindi iintindihin, bagkus tatawanan pa nga.
“Masyado kang madrama, tigilan mo nga iyan,”
Tanging maririnig mula sa mga kakuwentuhan.

Kanilang puso'y nababalot ng matinding kalungkutan.
Kinakain--inuubos lahat ng masasayang kaisipan.
Tingin sa sarili'y isang depektibong kagamitan--
Walang may gusto dahil hindi mapakinabangan.

Dahil 'di kayang tulungan ang sariling nakalugmok
Sa lungkot na nadarama'y madalas nag-aamok.
At kung wala mang papansin, sa isip ay may solusyon--
Kikitilin ang sariling buhay dahil sa sobrang depresyon.

DEPRESYON--hindi ito isang kakatwang ilusyon.
Hindi rin likha ng malikot na imahinasyon.
Hindi ginawa upang makahatak lang ng atensyon,
Bagkus ito'y isang napakaseryosong kondisyon.

Hindi ito isang usapang pangkatuwaan
Hindi rin maaaring isawalang-bahala na lang,
Panlalait? Pagkutya? Wala kayong anumang karapatan!
Dahil ni minsan, di niyo inalam ang kanilang pinagdaraanan.

Kailan kayo matatauhan? Kailan niyo susubukan
Na pakinggan man lang ang kanilang mga nararamdaman?
Hihintayin niyo bang buhay nila ay biglang wakasan
Bago pa man mapagtantong kayo'y kanilang kinakailangan?

Hanggang kailan niyo balak magsasawalang-kibo
Sa kanilang panaghoy--paulit-ulit na pagsusumamo?
Dahil tulad niyo, sila'y mga ordinaryong tao lamang.
Inyong tenga at kalinga, sa kanila sana'y maibahagi naman.

---o---

Last year ko pa 'to sinulat, pero ngayon ko lang natapos. Hehehe medyo nalungkot ako kaya ayun.

A Loner's Random ThoughtsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon