Part 16

16.8K 487 24
                                    


Sunod-sunod siyang napaubo. "Papatayin mo ba ako?" singhal niya rito.

"No, I'm sorry," hinging-paumanhin nito habang hinahaplos ang likod niya. Panay pa rin ang pag-ubo niya.

"O-okay na ako," natatarantang wika niya nang hindi na niya matiis ang kamay nitong humahaplos sa likod niya. Meralco ba ito? Bakit may linya ng koryente sa kamay nito? Isa pa iyon sa mga dahilan kung bakit lagi siyang umiiwas dito. Tuwing madidikit siya rito ay ramdam na ramdam niya ang kakaibang init na nanunulay sa bawat himaymay ng kanyang kalamnan. Natatakot din siya sa maaaring kahinatnan ng munting init na iyon.

"Sorry na, please?" wika nito.

"O-oo na nga, pinapatawad na kita. A-aahon na ako," natataranta pa ring wika ni Grace. Gusto na niyang magtatakbo at umalis sa tabi nito dahil tila may mga dagang naghahabulan sa dibdib niya.

Oh, my God! Ano'ng nangyayari sa akin? Bakit umaakto ako nang ganito? Don't tell me... Oh, no! No, hindi puwedeng mangyari ito. Hindi puwede! Puso ko, maghinay-hinay ka dahil hindi mo alam ang pinapasok mo! saway niya sa kanyang damdamin. Oo, matapang siya, pero parang nakakatakot yata na harapin ang damdaming iyon na umuusbong sa dibdib niya para sa binata. He was Mike Villamor and she was definitely out of his league. Baka masaktan lang siya sa huli.

"Grace..."

"H-huh?"

"Samahan mo muna ako rito, puwede ba? Wala akong gagawing masama, promise. Hindi rin kita aasarin o pipikunin. Just stay with me for a little while, please."

Nakagat niya ang ibabang labi niya nang hawakan nito ang kanyang braso upang pigilin siya sa pag-alis. Nakakaengganyo ang boses nito na tila may kakaibang kapangyarihan na mahirap tanggihan. At sino ba naman siya para tumanggi sa isang lalaking tulad nito?

Napapansin niyang lagi nitong ginagamit ang katagang "please" at parang natural lang din dito ang pagsasabi ng "sorry" kapag humihingi ito ng pasensiya. Wala pa siyang nakilalang mayaman na may ganoong ugali. Down-to-earth ba ang tawag sa ganoon?

"S-sige, pero sandali lang, ha?"

"Great! Come here." Tila tuwang-tuwa ito.

Umawang ang bibig niya nang akayin siya ng binata at humantong sila sa isang sulok ng resort kung saan may naglalakihang mga bato. May nakalatag na roong blanket.

"Re-rape-in mo ba ako?!" bulalas niya. Putik na bibig ka, nagbitiw ka na naman agad ng salitang hindi mo muna ipinoproseso sa isip mo! kastigo niya sa sarili. Napangiwi na lang siya dahil doon.

Ganoon na lang ang halakhak na pinakawalan nito. Sa sobrang katuwaan ay napaupo pa ito sa pinong buhangin, hawak ang tiyan habang panay pa rin ang tawa.

Sa halip na mainsulto sa pagtawa nito sa kanya ay naengganyo pa siyang pagmasdan ito at pakinggan ang buong-buong boses nito. Hindi tuloy niya naiwasang mapangiti. So, this is another side of Mikael Henric Villamor. Ni sa hinagap ay hindi niya naisip na makikita niya ito sa ganoong estado. Para itong bata na hindi maka-get over sa ano mang nagpasaya rito. At aaminin niyang nakadagdag pogi points dito ang pagiging totoo nito.

"Tumigil ka na nga, para kang baliw!" maluwang ang ngiting wika niya bago naupo sa nakalatag na blanket.

"You never fail to amuse and amaze me, sweetheart. Ang galing mong magbitiw ng mga joke," natatawa pa ring wika nito bago naupo sa tabi niya. Hindi niya masyadong makita ang mukha nito dahil tanging liwanag ng buwan ang ilaw nila kaya hindi siya sigurado sa emosyong nasa anyo nito. Pero malinaw niyang nakikita ang pagkislap ng mga mata nito sa kasiyahan.

Napailing na lang siya. Pakiramdam kasi niya ay masaya na rin siya na makita itong masaya.

"Hindi 'yon joke, 'no?" nakaingos na sabi niya.

"Suotin mo muna ito para hindi ka ginawin," wika nito na pumunta sa likuran niya at ipinasuot sa kanya ang isang makapal na roba.

"Bakit may ganito ka rito?" tanong niya patungkol sa roba, blanket, at mga pagkain na naroon.

"Pinaghandaan ko ito," mahinang sagot nito bago bumaling sa harap niya at ibinuhol ang tali ng roba. Ilang saglit na nanatili pa ito sa harap niya kaya bahagya siyang nailang. Lumapit pa si Mike hanggang sa halos isang pulgada na lang ang pagitan ng mga katawan nila. Halos manigas na siya, lalo pa at tila sinasakop ng presensiya nito ang buong pagkatao niya. Nahigit niya ang kanyang hininga nang unti-unting lumapit ang mukha nito sa kanya.

"Where have you been all my life?" mahinang sambit nito. Halos manindig ang mga balahibo niya sa mababa at mapang-akit na boses nito. Nanghina maging ang mga tuhod niya. Tumaas ang kamay nito at marahang hinaplos ang pisngi niya.

"I... I was hiding from the likes of you," nagawa niyang sabihin nang makabawi siya sa saglit na pagkatulala. Mabilis siyang umiwas dito at naupo sa blanket. Salamat at nakisama ang kaunting tapang sa kanya para mapaglabanan ang mapang-akit na binata. Ngayon ay lubos na niyang naiintindihan kung bakit hinahabol ito ng kababaihan. Mike knew how to use his charms. Napaisip siya kung natatandaan pa kaya nito ang huling naging girlfriend nito, o baka hindi na nito mabilang.


Dare To Love You (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon