1 - Lunas

27 4 5
                                    

Sa isang malayong lugar, may isang kaharian na kung saan nagkaroon ng malubhang karamdaman ang hari. Isang karamdamang hindi kinayang lunasan ng mga magagaling na manggagamot sa kaharian.

Nagsimulang mabahala ang reyna at ang nag-iisang anak nito dahilan upang isangguni nila ang problema sa isang salamangkero.

Agad pinapunta ang pinakamagaling na salamangkero sa kaharian para subukang pagalingin ang hari gamit ang isang makapangyarihang salamangka.

"Ano Recosta? Kaya ba ng salamangka mo na pagalingin ang hari?" tanong ng reyna sa salamangkerong kalalabas lang ng silid ng hari.

"Sinubukan ko na ang lahat ng aking nalalamang salamangka ngunit sadiyang matindi ang itim na salamangkang nakabalot sa kaniya mahal na reyna." wika ng Recosta na hindi maipinta ang mukha dahil sa kabiguang pagalingin ang kanilang hari.

"Ibig mong sabihin ay dahil sa isang itim na salamangka kaya nagkaroon ng malubhang karamdaman ang aking asawa?" pagkaklaro ng mahal na reyna kay Recosta.

"Tama po ang sinabi ninyo mahal na reyna. Isang itim na salamangka ang dahilan ng kondisyon ng mahal na hari." kumpirma ni Recosta.

"Kung ganoon ano ang maaaring lunas sa sakit ni Ama?" tanong ni Prinsipe Ignasius, ang nag-iisang palalong anak ng hari at reyna.

"Ang mga mahiwagang bato ng pitong araw ang tanging lunas sa karamdaman ng hari, Prinsipe Ignasius." walang gatol na sagot ni Recosta sa prinsipe.

"Ikaw ay sigurado ba sa iyong sinabi, Recosta?" paninigurado ng prinsipe na parang ayaw maniwala sa winika ng salamangkero.

"Nasisiguro kong iyon lamang ang lunas upang gumaling ang hari at kailangan niyo iyong makuha sa lalong madaling panahon."

"Ilang araw ang pinag-uusapan nating madaling panahon Recosta?" kinakabahang tanong ng reyna

"Sampung araw, mahal na Reyna." sagot ni Recosta na bakas sa mukha ang pagkabahala.

"Kung ganun, ipag-uutos ko agad na ipakuha ang mga mahiwagang bato ng pitong araw." wika ng reyna.

Isang tango Lang ang naging tugon ni Recosta sa tinuran ng reyna saka bumalik sa loob ng silid ng Hari.

Agad namang nagpalabas ng kautusan ang reyna sa punong kawal na bumuo ng hukbo na siyang makakasama nito sa paglalakbay papunta sa Bundok ng Linggoreo kung saan makikita ang pitong araw na nagtataglay ng mahiwagang bato.

Lumisan agad ang hukbo ng mga kawal para sa kanilang misyon.

Taimting nagdasal ang reyna habang hawak ang kamay ng butihing asawa na sana'y magtagumpay at makabalik na sa lalong madaling panahon ang hukbo ng mga kawal.

Dalawang araw ang lumipas nang makabalik ang hukbo ng mga kawal. Laking tuwa ang naramdaman ng reyna ngunit napawi ang lahat ng iyon ng malamang walang kahit na isang batong dala ang hukbo.

"Anong ginawa niyo at bigo kayo sa inyong misyon?" agarang tanong ng reyna sa punong kawal na halos humalik na sa sahig sa kakayuko tanda ng paghingi ng paumanhin sa kabiguang dala.

"Hindi po kami nakapasok sa mahiwagang Bundok ng Linggoreo, mahal na reyna." simulang sambit ng punong kawal.

"At bakit hindi kayo nakapasok doon? Kay dali-dali lang ng gawaing iyon pero hindi ninyo magawa." tumaas na ang boses ng kanilang reyna dala ng panghihinayang sa lumipas na dalawang araw na nasayang.

"May bantay po sa bukana ng mahiwagang bundok. Hindi po namin kayang pasukin, mahal na reyna."

"Sa anong dahilan at hindi ninyo kayang pasukin ang bundok? Puro magagaling na kawal ang iyong dala at hindi maikakailang ikaw ang pinakamagaling na kawal ng palasyo kaya ikaw ang naging punong kawal." tanong ng reyna na hindi na maikakaila ang pagkadismaya sa nangyari.

"Isang serpyenteng may tatlong ulo ang nagsisilbing bantay sa bukana ng bundok, mahal na reyna. Ilan sa ating mga kawal ang nabihag nito samantalang ilan naman sa mga nakasama kong nakaligtas ang nagtamo ng mga sugat sa katawan. Wala kaming ibang naging pasya kung hindi ang umatras at umuwi agad dito upang ipaalam sa inyo ang sinapit namin. Patawad po, mahal na reyna kung kami'y nabigo sa aming misyon." rinig ng reyna ang buong pusong paghingi ng tawad ng punong kawal.

"Ipatawag si Recosta. Kailangan nating malaman kung paano magagapi ang sepyenteng iyon upang matagumpay niyong mapasok ang Bundok ng Linggoreo." may diing utos ng reyna sa isang utusan.

Ilang saglit pa ay kasama na ng utusang bumalik si Recosta.

"Recosta, bigo ang hukbo ng mga kawal sa kanilang misyon. Hindi mo nabanggit sa amin na may nakabantay sa bukana ng bundok. May alam ka ba sa serpyenteng iyon?" agarang tanong ng reyna sa kaharap na Si Recosta.

"Mahal na Reyna, patawad kung nakaligtaan kong banggitin ang bagay na iyon. Kahit ako ay walang sapat na kaalaman kung paano magagapi ang serpyenteng iyon. Walang basta-bastang nakakapasok sa mahiwagang Bundok ng Linggoreo dahil makapangyarihan ang pitong araw na nasa bundok na 'yon. Balita ko ay likha mula sa hiwaga ng pitong araw ang serpyenteng iyon kung kaya't walang makapagsabi kung paano ito matatalo." salaysay ni Recosta.

"Kung ganoon, may alam ka bang tao na pwedeng magsabi sa atin kung wala bang ibang paraan para mapasok ang Bundok ng Linggoreo?" sabat ni Prinsipe Ignacio na kampanteng nakatayo sa gilid ng kaniyang Ina.

"May mangangahoy na nakatira sa paanan ng bundok. Matagal na siyang nakatira doon at siguro ay makakatulong siya sa atin, mahal na prinsipe."

"Wala tayong ibang magagawa kung hindi ang makipagsapalaran na lamang upang magkaroon ng lunas ang karamdaman ni Ama. Ina, ipahintulot niyo na ako ay sasama sa hukbo ng mga kawal. Hindi ko kayang manatili dito at maghintay na lamang." pagpapaalam ng prinsipe sa kaniyang Ina.

"Ngunit mahal kong anak, lubhang mapanganib para sayo ang paglalakbay na iyon. Paano kung mapahamak ka?" Pag-aalalang tanong ng reyna na napahawak sa mga kamay ng nag-iisang anak.

"Ina, kahit anong panganib ay kaya kong harapin para sa ikabubuti ni Ama. Pahintulutan niyo na po ako, Ina." pagmamakaawa ng prinsipe.

"Sige, pero ipangako mong babalik ka ng buhay sa piling namin ng iyong ama. Makuha mo man ang mga bato o hindi ay inaasahan kong babalik ka ng ligtas, anak ko. Ipangako mo sa akin 'yan."

"Pangako, Ina. Babalik ako dito sa palasyo at gagawin ko ang lahat para ako'y magtagumpay na makuha ang mga mahiwagang bato ng pitong araw." pangako ni Prinsipe Ignacio sa kaniyang inang reyna.

Nagyakap ang mag-ina bago lumisan ang prinsipe para maghanda sa gagawing paglalakbay. Walang ibang nagawa ang inang reyna kundi ihatid ng tingin ang papalayong anak, kipkip sa dibdib ang kaba ng paglisan nito upang hanapin ang lunas ng karamdaman ng amang hari.

                  ¶¶¶¶¶¶¶¶¶¶¶¶¶¶

Ikasisiya ko kung bibigyan niyo ako ng feedback tungkol sa first chapter na 'to. Medyo nag-aalangan kasi ako kung itutuloy ko ito or ititigil.

Maikli Lang ang kwentong to, more or less nasa mga 10 to 12 chapters Lang.

Bibigyang buhay ko ang pitong araw sa isang buong linggo.

Bet niyo ba o hindi?

Wait ko comments niyo. Salamat!

isang linggo'ng kabiguanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon