3 - Serpyente

4 4 2
                                    

Mala-higanteng serpyenteng may tatlong ulo ang walang kakurap-kurap na nakatunghay sa kanila. Nanlilisik ang kulay dilaw nitong mga mata na nagliliwanag sa gitna ng kadiliman ng gabi.

Nakaramdam ng matinding takot ang hukbo ng mga kawal dahil ang inaakala nilang natutulog na halimaw ay gising na gising at nakatunghay sa kanila na parang nakaantabay sa bawat kilos na kanilang gagawin at handang sakmalin sila anumang oras na magkaroon ito ng pagkakataon.

''Huwag kayong kikilos.'' halos pabulong na wika ni Prinsipe Ignasius na kasalukuyang nakakapit sa hawakan ng kaniyang espada na nakasabit sa gilid ng kaniyang beywang.

Walang kakilos-kilos ang mga kawal na kasama ni Prinsipe Ignasius habang nakakapit din sa hawakan ng kanilang mga espada.

Bumundol ang kaba sa dibdib ng prinsipe. Batid niyang isang maling galaw lang nila ay gagawin silang hapunan ng serpyenteng ito. Napalunok siya ng sunod-sunod dahil sa naramdmang panunuyo ng kaniyang lalamunan na hatid ng ibayong kaba na nararamdaman.

"Isang tunay na puso ang susi para matagumpay na mapasok ang bundok ng Linggoreo, mahal na prinsipe."

"Hindi makakatulong ang pag-aalinlangan mo ngayon, mahal na prinsipe. Ibayong tatag ng loob at tiwala sa sarili ang baunin mo sa iyong pag-alis. Iyan ang tiyak na ibibilin ng iyong amang hari kung sakaling gising siya ngayon."

Naalala niya ang mga tinuran ni Recosta sa kaniya noong kausapin niya ito.

Tama si Recosta sa kaniyang sinabi, walang puwang ang takot at pag-aalinlangan sa mga oras na ito. Hindi sila maaring pamayanihan ng takot at alinlangan lalong-lalo na siya dahil iyon ang ikakapahamak at ikakabigo ng kanilang misyon.

"Magpakahinahon kayong lahat." mahinang wika ng prinsipe sa kaniyang mga nasasakupan habang pilit inaaninag ang mga mukha ng mga kasama kahit sa dilim na bumabalot sa kanila na ang tanging tanglaw ay ang sulong hawak ng bawat isa.

"Kaya ba nating gapiin ang halimaw na 'yan, mahal na Prinsipe Ignasius?" narinig niyang tanong mula sa isa niyang kawal.

"Magtiwala kayo sa inyong kakayahan. Kaya nating lampasan ito kapag sama-sama tayo." wika ng prinsipe

Kung hindi lamang nila kilala ang ugali ng kanilang prinsipe ay aakalain nilang sa ibang tao nagmula ang mga salitang iyon. Ngunit heto sila sa harap niya nakikinig sa mga tinuran nito.

Kilala sa pagiging mapagpahalaga sa sarili ang binatang prinsipe at walang pakialam sa mga tao sa paligid maliban sa mga magulang nito. Kaya naman namangha ang mga kawal sa narinig at mahirap man aminin sa kanilang mga sarili ay nabuhayan sila ng loob na kakayanin nila ang labanang susuungin nila na magkasama.

"Vesturo, hatiin mo sa tatlong pangkat ang lahat ng kawal. Katulad ng stratehiyang ginamit natin sa paglusob sa kuta ng mga rebelde noong nakaraang buwan ang ating gagawin." masinsinang wika ng prinsipe sa pinuno ng mga kawal na mabilis na tumango at sinunod ang kaniyang utos.

Maingat na pinagpangkat-pangkat Ni Vesturo ang mga kawal at dahan-dahang naghanda sa kanilang gagawing pag atake.

Nasa isang daan bilang ng kawal na dala nila maliban pa kina Prinsipe Ignasius at Vesturo. Tig aapat napu sa dalawang pangkat habang ang natitirang bilang kawal ay kasama nila Vesturo at ng prinsipe.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Nov 05, 2019 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

isang linggo'ng kabiguanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon