2 - Prinsipe Ignasius

15 4 5
                                    

Naging abala sa paghahanda si Prinsipe Ignasius para sa gagawing paglalakbay kasama ang piling hukbo ng mga kawal. Buo na ang kaniyang desisyon sa gagawing pagsama sa hukbo upang pasukin ang Bundok ng Linggoreo para kunin ang mga mahiwagang bato ng pitong araw.

"May ilang oras ka pa para magbago ng pasya, mahal na prinsipe." wika ng punong kawal sa binatang prinsipe sa gitna ng kanilang pagsasanay ilang oras bago ang tuluyang pag-alis nila sa palasyo.

"At bakit ko gagawin 'yon Vesturo? Ika'y wala bang tiwala sa aking kakayahang makipaglaban?" medyo nainsulto ang prinsipe sa tinuran ng pinagkakatiwalaang punong kawal.

"Hindi ganoon ang ibig kong sabihin, mahal na prinsipe. Ipagpaumanhin niyo po kung naging mapangahas ang inyong lingkod."

"Kung ganoon, ano ang gusto mong ipahiwatig sa iyong sinabi? Bakit kailangan kong magdalawang-isip sa aking naging pasya?" tanong ng prinsipe

"Iniisip ko lang na hindi maganda ang lagay ng hari at kailangan kayo dito sa palasyo. Bakit kailangan niyo pang isugal ang inyong buhay?"

"Anak ako ng hari, Vesturo at tungkulin ko ang gawin ang lahat para sa ikagagaling ng aking ama. Hindi ako maaaring tumunganga t maghintay na lamang. Tumatakbo ang oras at hindi ko pwedeng hayaan na mamatay ang aking ama ng wala man lang nagawa para sa kaniya." seryosong wika ng prinsipe.

Mataman siyang tiningnan ni Vesturo na parang tinatantiya ang lalim ng kaniyang mga winika. Hindi akalain ng punong kawal na may malasakit din pala ang kanilang prinsipe sa kaniyang ama kahit na may ugali itong walang pakialam sa mga nangyayari sa kaharian.

Mas pinipili nitong magliwaliw sa labas ng palasyo kaysa lumahok sa mga pagdiriwang at mga gawaing may kinalaman sa pag-unlad ng buong kaharian lalo na sa mga taong nasasakupan.

May angking kayabangan din ang binatang prinsipe kaya walang prinsesa mula sa ibang kaharian ang nagkakagusto sa kaniya. Ugali nitong magbuhat ng sariling bangko lalo na kung sa larangan ng pakikipaglaban ang usapan. Dumarating sa puntong kinukumpara niya ang kaniyang sarili sa ibang mga prinsipe lalo na kung pisikal na anyo at tindig ang basehan.

"Ako'y natutuwa na ikaw ay tunay na nagmamalasakit sa kapakanan ng iyong amang hari, mahal na prinsipe. Maghanda ka na't ilang oras na lang at lilisanin na natin ang palasyo para simulan ang ating paglalakbay." wikang utos ni Vesturo saka magalang na yumukod sa harap ng prinsipe at umalis.

Minabuti ng prinsipe na puntahan ang maysakit na ama sa kaniyang silid para makapagpaalam. Naabutan niya doon si Recosta. Nagbigay daan siya kay Prinsipe Ignasius at akmang lalabas sana ng silid ngunit pinigilan niya ito.

"Dito ka lang Recosta. Nais kitang makausap." utos na wika ng prinsipe sa salamangkero.

"Hinggil po saan, mahal na prinsipe?" tanong ni Recosta.

"Tunay nga bang hindi mo alam ang tungkol sa kung paano talunin ang serpyente sa may bukana ng bundok upang kami ay makapasok?" tanong ng prinsipe kay Recosta na mataman siyang tiningnan ng mag-angat ito ng tingin mula sa pagkakayuko.

Pinakatitigan muna siya nito bago magsalita sa kalmadong boses.

"Nasa kalooban mo ang susi, mahal na prinsipe." makahulugang sagot ni Recosta.

"Anong ibig mong sabihin, Recosta? Maaari bang pakilinaw nang iyong sinabi upang mas maintindihan ko." pakiusap ng binatang prinsipe.

"Isang tunay na puso ang susi para matagumpay na mapasok ang bundok ng Linggoreo, mahal na prinsipe."

Hindi nagsalita ang prinsipe. Kumalat ang pag-aalinlangan sa kaniyang mukha. Iniisip niya na marahil ay alam ni Venturo and tungkol dito kaya siguro siya hinikayat nitong magbago ng pasya.

Pero hindi niya na mababawi ang kaniyang pasya kahit pa sa puntong iyon ay nagkaroon siya ng alinlangan kung magagapi ba niya ang serpyenteng bantay ng bundok gamit ang pusong taglay niya sa kasalukuyan.

"Hindi makakatulong ang pag-aalinlangan mo ngayon, mahal na prinsipe. Ibayong tatag ng loob at tiwala sa sarili ang baunin mo sa iyong pag-alis. Iyan ang tiyak na ibibilin ng iyong amang hari kung sakaling gising siya ngayon." wika ni Recosta na nagpabalik ng kaunting lakas ng loob sa prinsipe.

Naisip ni Prinsipe Ignasius na tama si Recosta sa kaniyang bilin dahil alam niyang malaki ang tiwala sa kaniya ng kaniyang amang hari. Iwanan na siya ng lahat ng tao ngunit alam niyang nariyan Lang palagi ang kaniyang mga magulang.

"Nagagalak akong marinig ang iyong mga sinabi, Recosta. Marahil ay tama ka. Hindi ikasisiya ng aking ama na makitang nababalot ako ng pag-alinlangan at takot dahil siya ang humubog sa akin mula pagkabata upang maging malakas at magaling na prinsipe." saad ng prinsipe na ikanangiti ng matipid ni Recosta.

"Alam kong para sa iyong amang Hari ang iyong gagawin, mahal na prinsipe at nasisiyahan akong malaman na gagawin mo ang lahat para makuha ang lunas sa kaniyang sakit."

"Kahit ano basta gumaling lang ang amang hari, Recosta. Hindi ko makakaya kung may mangyaring masama sa kaniya kaya gagawin ko ang lahat para makuha ang mga bato."

"Handa ka na, mahal na prinsipe. Sana'y magtagumpay kang makuha ang mga bato at makabalik ng ligtas dito sa kaharian."

"Sana nga, Recosta."

Matapos makapagpaalam sa kaniyang ama ay nilisan na ni Prinsipe Ignasius ang silid ng kaniyang ama at pinuntahan ang kaniyang inang reyna na kasalukuyang nagpapahangin sa hardin ng palasyo.

"Mag-iingat kang maigi, anak ko. Hihintayin ko ang iyong pagbabalik." bilin sa kaniya ng kaniyang inang reyna na bakas sa boses ang pag-aalala at lungkot sa gagawing paglisan ng nag-iisang anak na prinsipe.

"Ingatan niyo din ang inyong sarili, Ina. Ikaw na ang bahala kay Ama. Pinapangako kong mag-iingat ako at babalik akong buhay at dala ang panlunas ni Ama." wika ng prinsipe na umaasang maibsan ng kaniyang binitiwang mga salita ang pag-aalala at lungkot ng kaniyang ina.

Bago magtakip-silim ay lumisan na ng kaharian ang hukbo ng mga kawal kasama ang prinsipe. Kabisado na ng punong kawal ang mga dadaanan kaya madali sa kanila ang maglakbay. Umaasa silang nagpapahinga ang serpyenteng bantay ng bukana ng bundok kaya pinili nilang gabi lumisan sa kaharian.

Ang mga sulo lamang na kanilang dala ang tanging tanglaw sa kanilang daraanan. Hindi man lang sumilip mula sa mga ulap ang haring buwan simula ng silay humayo ngunit kayganda pa ring masdan ng nagkalat na mga bituin sa kalangitan.

Ang lamig ng simoy ng hangin ay ramdam na nila sa kanilang mga mukha at nagbigay ng dagdag na ginhawa sa kanilang paghinga. Hindi nila alintana ang mga tunog ng kulisap at palaka sa paligid, bagkus ay nakakasiyang pakinggan ang kanilang ingay dahil ramdam nila na hindi sila nag-iisa sa kadiliman ng lugar na kanilang tinatahak.

Ang kapayapaan ng kanilang paglalakad ay nabulabog ng isang sanga na nahulog mula sa itaas ng isang malaking punong kahoy. Naging alerto ang lahat na magmatyag sa paligid at para protektahan ang prinsipe na kasama.

"Maghanda kayo! Malapit na tayo sa bukana ng bundok!" may diin na wika ng punong kawal.

Kumilos ang lahat at umusbong ang sabay-sabay na tunog ng espada at kalasag na siyang hudyat ng pagiging handa ng lahat sa maaring umatake sa kanila anumang oras.

Isang dagundong na tunog ang kanilang narinig mula sa di kalayuan. Nakita nila ang isang malaking bato na rumaragasa papunta sa kanilang deriksyon. Itinuon ng lahat ang kanilang sulo sa direksiyon na pinagmulan ng malaking bato.

Bumalot ang takot sa mukha ng lahat ng makita ang isang nakakatakot na nilalang na sa anumang oras ay kayang-kaya silang lamunin ng buhay.

isang linggo'ng kabiguanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon