Realidad, 2008
"PENGE namang juice diyan, Gracing, oh—"
"Ay punyemas ka, Dodong Puti! Nagka-letse letse na nga ang oras ko sa mga papasukan kong raket, may pa-juice juice ka pang nalalaman? Kung dumating ka ba naman ng maaga, eh, 'di sana maayos ang lahat! Pero anong ginawa mo? Alas dose na! Ano, tutustahin mo ako sa initan? Layas!"
"Tubig na lang, Gracing. Sige na. 'Wag ka nang magalit. Minsan lang naman akong ma-late—"
"Minsan? Minsan ang tawag mo sa isang linggong kapalpakan? Ako, 'wag mong pinipikon, ha? Baka gripuhan ko ang tagiliran mo, sayang 'yang gandang lalaki mo! 'Layas na! Kahit tubig, wala kang mapapala sa akin! Daday! 'Labas na riyan! Ang kupad-kupad mo! Sumabay ka na sa tri-bike ni Dodong Puti nang hindi ka mainitan! Hoy, ikaw, Dodong! Ihatid mo ang anak ko sa eskuwelahan. 'Wag ka nang tumagay sa daan. 'Pag 'yan nahuli sa eskuwela, sasamain ka! At—'wag mong paarawan si Daday. Ayokong mas umitim ang anak ko!"
Mula sa loob ng bahay ay naririnig ni Daday ang argumento ng dalawang boses sa labas—ang kanyang inang si Gracing at ang raketerong kargador sa kalye nila, si Dodong Puti. Sa hula niya, mga beinte anyos o mahigit na si Dodong Puti. Bilad man lagi sa initan ay maputi pa rin ito. Likas kasing maputi. Anak yata ng Amerikano. Naisip niyang baka gaya nila ng ate Cacay niya, iniwan rin ng banyagang ama ang ina nito. Si Dodong Puti ang tinatawag ng lahat sa kalye nila kapag kailangan ng utusan. Walang inaayawang trabaho si Dodong Puti. Laman ito ng kalye nila mula umaga hanggang gabi. Parang walang kapaguran. Hanga siya sa sipag ng lalaki.
Si Dodong ang inuutusan ng nanay niya na kumuha ng mga labada sa iba't-ibang bahay kung saan naglalabada ang kanyang ina. Kapag nale-late ang dating nito gaya ngayon, katakot takot na talak ang inaabot sa ina niya. Pagkatapos talakan, uutusan pa ng nanay niya si Dodong Puti na ihatid siya sa eskuwelahan. Ang ate Cacay niya kasi ay binibigyan nito ng pang-tricycle. Ayaw ng ina niya na mainitan ang magandang anak. Siya naman, sa tri-bike lang ni Dodong Puti. Siguro, dahil sunog na rin naman ang balat niya o baka wala nang perang maibibigay sa kanya ang ina na pamasahe sa tricycle.
Tahimik na lumabas si Daday ng bahay bitbit ang gamit sa eskuwela. "Aalis na ho ako, 'Nay."
"Uwi agad pagkatapos ng klase, Daday!" sigaw ng ina niya, nasa harap na ng poso, abala sa paghihiwalay ng mga puting damit sa de kolor.
Tahimik na tumango si Daday. Hindi na nagreklamo kung bakit siya ang laging kailangang umuwi nang maaga habang ang Ate Cacay niya ay walang problema kahit gabihin. Sabagay, highschool na kasi ang ate niya. Baka maraming gawain sa eksuwelahan.
"Sakay na sa chedeng ko, Daday!" si Dodong Puti na nakangisi, sunod nitong binuksan ang payong na tagilid na. "Pasensiya ka na sa payong ko. Kontra init din 'yan, pagtiisan mo na kaysa mas umitim ka pa."
Inabot niya ang payong. Sa lahat ng mga tao sa kalye nila, si Dodong Puti lang yata ang nag-iisang hindi nilalait ang hitsura niya. Hindi rin siya pinagtatawanan nito kahit mata at ngipin na lang ang maputi sa kanya. Pinagbabantaan pa nga nito ang mga kaklase niyang nahuhuling inaasar siya. Kaya naman tuwing kasama niya si Dodong Puti, pakiramdam niya ay prinsesa siyang nakasakay sa magandang kalesa. Si Dodong ang kanyang prinsipe at ang karag-karag at kinakalawang nitong tri-bike ang kanilang magarang kalesa.
"Ayos ka na ba diyan?"
"Ayos na."
Ang bilis ng pagpedal ni Dodong Puti. Kung hindi nga naman nito bibilisan, mahuhuli na siya sa klase. Malapit nang mag-ala una. Pero dahil magaling si Dodong Puti at sanay na sanay sa pasikot-sikot sa lugar nila, kinse minutos bago ang pasok niya ay nasa tapat na sila ng eskuwelahan.
"Salamat, 'Dong," inabot niya rito ang limang-piso sa beinte pesos na baon niya. "Pambili ng ice tubig," sabi ni Daday. "Narinig kong hindi ka binigyan ni Nanay kahit pambili man lang ng tubig."
"Ang kuripot talaga ng nanay mo, lalo na kapag mainit ang ulo."
"Kaya nga. Kunin mo na 'to."
"Sigurado ka? Baka wala ka nang pamasahe pauwi."
"Siyempre meron pa. Sakto pa naman. Sige na."
Inabot ni Dodong Puti ang limang piso mula sa kanya.
"Salamat, Daday. Ang bait mo talaga."
Ngumiti lang siya. "Mag-iingat ka."
"Susunduin kita kapag maaga akong natapos sa trabaho."
"'Wag na! Ipahinga mo na lang ang oras na gagamitin mo para sunduin ako."
Pero hindi nakinig si Dodong Puti. Sinundo pa rin siya sa oras ng labasan sa eskuwela. Naitaboy na naman nito ang mga nang-aasar sa kanya.
Ganoon ang eksena sa realidad ko. Walang sosyal na bahay. Walang sosyal na ina. Walang sosyal na eskuwelahan. Walang sosyal na kalesa at si Dodong Puti lang ang crush. Si Dodong Puti na kontento na sa limang pisong pambili ng ice tubig. Si Dodong Puti na hindi prinsipe.
Sa realidad, ako si Daday Negra. Maitim ang balat na namana ko raw sa aking ama. Ngipin lang ang maputi kaya madalas inaasar na mas bagay sa dilim. Walang angking ganda. Hinuhusgahan dahil sa kulay ng balat. Pangalawa ako sa apat na anak ni Inay na iba-iba ang ama.
At ang pag-ibig? Ah, parang isang makislap na tala sa kalangitan. Tala na sa pangarap ko lang magagawang abutin.
Pag-ibig?
Hindi 'yan para sa akin.
BINABASA MO ANG
Si Santa at Ako (Published. 2015) PREVIEW ONLY
RomanceUnedited version. Ako si Maria Adelaida Matimtiman Brown. Daday Negra ang tawag sa akin. Childhood wish ko ang mayakap si Santa Claus sa Pasko pagkatapos akong bigyan ng regalo. Sir Amante ang tumupad ng wish na iyon. Ang kapalit ay pakiusap na tu...