HINDI ko gustong maalala ang mga eksenang nasasaktan ako kaya sinadya ko talagang isulat ang mga eksenang kahit paano ay mapapangiti ako kapag binuklat ko ang aking notebook. Kung eksena ng kaapihan ang pag-uusapan, marami akong reserba. Hindi na bago sa akin ang mapagtawanan. Hindi na bago sa akin ang masaktan. Nakasanayan ko na lang.
Sumuko ba ako? Hindi. Kasi wala naman akong mapapala kapag nagpatalo ako. Samantalang kung titiisin ko lahat, kung patuloy kong lalabanan ang sakit at tuloy-tuloy lang ako sa pag-aaral, may pupuntahan ang pagtitiis ko. Posibleng magbago ang buhay ko sa mga susunod na araw. Kaya nga sabi ko na lang sa sarili ko: Sige pa, Daday. Tiis tiis lang, ha? Magsasawa rin ang mga 'yan. Bukas o sa susunod na araw, may iba na silang aasarin. May iba na silang lalaitin. Hayaan mo lang. Mag-aral ka lang. Mag-aral ka nang mabuti. Highschool ka na ngayon, mas pagbutihan mo pa. Isang araw, makikita mo, Daday, magbabago rin ang buhay mo.
High school. Ang Unang 'Sawi-moment' ni Daday Negra
Pantasya 2009
GUSTONG pagsisihan ni Mary Dee ang ginawa niyang pananatili sa library para tapusin ang report niya sa unang subject nila kinabukasan. Ngayon tuloy ay heto siya, mag-isa dahil nauna ng umuwi ang mga kaibigang kasama kanina. At kapag ganitong mag-isa siya, nahuhulaan na ng dalagita ang mga susunod na eksena.
"Hi, my pretty babe!" pagbati ng boses lalaki na kilalang-kilala niya. Parang walang narinig si Mary Dee, nilampasan niya ang grupo ng mga lalaki sa dinaanang canteen pagkababa niya ng library. Ito na ang sinasabi niyang hindi kanais nais na eksena na gusto niyang takasan. Ang nagsalitang iyon ay si Patrick, ang kaklase niyang guwapo sana at mula sa kilalang pamilya pero saksakan naman ng yabang. Kumukulo ang dugo niya sa sobrang angas nito.
Narinig niyang nagtawanan ang mga kaibigan ni Patrick nang hindi man lang siya lumingon.
"Basted, tol!"
"Wala talagang epekto kay Mary Dee ang gandang lalaki mo!" at mas lumakas pa ang kantiyawan at tawanan nang mga sumunod na sandali. Binilisan ni Mary Dee ang mga hakbang patungo sa gate.
"Mary Dee!" malakas na pagtawag ni Patrick. Hindi nag-aksaya ng oras ang dalagita para lumingon. Patuloy siya sa malalaking paghakbang. Palabas na siya ng gate nang maabutan siya ni Patrick; mahigpit siyang hinawakan sa braso at hinila. Napapihit si Mary Dee paharap sa binatilyo.
"Ano ba, bitawan mo nga ako!" inis na singhal niya rito kasunod ang sana ay paghablot sa bisig pero mas humigpit ang hawak ni Patrick sa kanya. "Gusto lang naman kitang makausap, babe. Nakikipagkaibigan lang ako, bakit ba ang sungit mo? Ipinahiya mo pa ako sa barkada."
"Ipinahiya?" nakataas ang kilay na susog ni Mary Dee. "Wala akong ginagawa sa iyo, Patrick! Ngayon kung napahiya ka, problema mo iyon! At saka puwede ba tantanan n'yo ako. Ang daming babae sa Campus ah, bakit ba ako ang ginugulo mo?"
"Ikaw ang gusto ko, eh. C'mon, babe—" naningkit ang mga mata niya nang pumulupot ang isang braso nito sa kanyang baywang.
"Babe your—" nagpreno siya ng sana ay malutong na foul words. Itinulak na lang ni Mary Dee si Patrick at walang lingon siyang lumabas ng gate. Dinig niyang humahabol pa rin ang kinaiinisang binatilyo.
"Nagmamadali ka, Mary Dee?" pamilyar na boses ang awtomatikong nagpahinto sa hakbang ng dalagita. Bigla niyang nilingon ang pinanggalingan niyon. Si Prince Roi, panatag na nakasandal sa tagiliran ng kotse nito ilang metro ang layo mula sa exit gate ng eskuwelahan. Nakasalikop sa dibdib ang mga braso sa anyong may hinihintay. Buhay pa ang makina ng sasakyan.
Nagmamadaling lumapit si Mary Dee at kaagad na ipinulupot ang mga bisig sa braso ni Prince Roi bago niya tinapunan ng tingin ang napahintong si Patrick. Tinaasan pa niya ito ng kilay—para hamunin kung magagawa nitong lumapit sa kanya ngayong naroon si Prince Roi. May ilang pagkakataong sinundo na siya ng lalaki kaya kilala ni Patrick ang guwapo niyang knight. At tulad ng inaasahan ng dalagita, umatras si Patrick, nag-iba ng direksiyong tinungo, palayo na sa kanya.
"Duwag..." usal ni Mary Dee, sinundan ng matalim na tingin ang papalayong si Patrick.
"Wala na siya. Umalis na ang babe mo kaya puwede mo nang luwangan ang kapit mo sa akin, Babe," narinig niyang sabi ni Prince Roi, may sobrang diin sa 'babe' "Babe huh?" panunukso pa nitong lalo niyang ikinainis.
"He's a pest!"
"Guwapo naman. Hindi mo gusto?" kaswal na tanong nito, binuksan na ang pinto ng passenger seat para sa kanya. Sa halip na sumagot ay bumusangot siya. "Hindi mo ba nakitang tinatsansingan na ako ng bastos na iyon? Nakuha mo pang mang asar!"
"O, hindi ako ang kaaway mo," natatawang sabi ni Prince Roi, hinila ang braso niya para pumasok na siya sa kotse. Naiinis na tinabig niya ang kamay nito.
"Ngumiti ka na," sabi nito mayamaya. "Nasa safe zone pa naman ang nakita kong hawak. Kung hindi, baka bali na ang buto ng bagitong 'yon ngayon." Pormal na ang anyo nito. "Ihahatid kita," at masuyong tinapik ang pisngi niya.
Nasa kalsada na sila nang mga sumunod na sandali.
"Bakit mo ako naisipang sunduin?" tanong ni Mary Dee habang matulin ang takbo ng sasakyan.
"Tumawag sa akin ang Mommy mo, tinatanong kung dumaan ka bahay. Hindi mo raw sinasagot ang mga text niya kaya nagpa-panic na naman. Kung hindi po kayo aware sa oras, mahal na prinsesa, pasado alas singko na, kailangang pagpatak ng alas sais nasa loob na ng bahay ang mga bata."
"Hindi na ako bata! Nakakainis ka!" Protesta ni Mary Dee. Lalong bumusangot. Kung magsalita si Prince Roi, para bang paslit lang siya.
Tumawa naman ang lalaki, dinagdagan ang speed ng kotse.
"Sinusundo mo nga ako si Mommy naman lagi ang dahilan..." sambit niya, hindi na nawala ang pagkakabusangot. Bakit ba laging ang Mommy niya ang dahilan kaya siya sinusundo ni Prince Roi? Bakit hindi na lang dahil gusto nito? At bakit sunod-sunuran ang lalaki sa lahat ng sabihin ng Mommy niya?
"May gusto ka ba kay Mommy?" matigas na tanong niya kay Prince Roi.
"Ano'ng gagawin mo kung meron nga?"
Napasimangot na lang si Mary Dee. Ang first and only crush niyang parang prinsipe, ang kanyang Mommy ang gusto.
Sa aking pantasya, si Roi ang unang 'heartbroken experience' Naha-heartbroken ba ang isang babae sa crush niya? Siyempre hindi. Mababaw na damdamin lang ang crush. Pero dahil gusto kong markahan ang mga karanasang iyon, at dahil hindi pa naiintindihan ng isang nasa edad ko ng panahong iyon ang kaibahan ng 'crush' at 'love', tinawag ko na rin na 'heartbroken experience iyon.
BINABASA MO ANG
Si Santa at Ako (Published. 2015) PREVIEW ONLY
RomanceUnedited version. Ako si Maria Adelaida Matimtiman Brown. Daday Negra ang tawag sa akin. Childhood wish ko ang mayakap si Santa Claus sa Pasko pagkatapos akong bigyan ng regalo. Sir Amante ang tumupad ng wish na iyon. Ang kapalit ay pakiusap na tu...