CHAPTER THIRTEEN

8.2K 165 0
                                    


Nagmistulang zombie si Princess hanggang sa makarating siya sa inuupahang condo.

Laman pa rin ng isip niya ang napag-usapan nila ni Jack. Alam niyang alam na ng binata ang tungkol sa naudlot na love affair niya kay Romano Perez noon.

Hindi naman imposible iyon kay Jack dahil lahat ng bagay na may kinalaman sa kanya ay interesado ito.

Totoong nabigla siya sa nalaman. Mabanggit lang ang pangalan ni Romano'y sapat na upang gumapang ang kilabot sa gulugod niya.

All the while, inakala ni Princess na ganap na siyang nakalaya sa anino ng kahapon. Hindi pa pala.

Maingat niyang iginarahe sa medyo masikip na parking space sa basement ang kanyang kotse, pagkuwa'y nagmamadaling tinungo ang elevator.

Nasa ikatlong palapag ang unit niya. Sa pagkakataong iyon, lihim siyang umasam na sana'y nakauwi na si Say.

Tila naman nakakita siya ng anghel nang mabungaran sa sala ang babae. Nagkukutkot ito ng kuko sa paa at nakasalampak ng upo sa carpeted na sahig.

Pagkakita sa kanya ni Say ay tila ito asong mabilis na dumamba at mahigpit na yumapos sa kanya.

"Good to see you again, Prinsesa!"

"Ang OA mo, ah!" bulalas niya nang magbitiw sila.

Sumimangot ang kaibigan niya. "Paano naman kasi, dumating ka kahapon, pero hindi naman tayo nagpang-abot. Kaya sinadya kong um-absent ngayon para lang magkita tayo. Ang aga mo yata sa studio ninyo. Nagising akong wala ka na."

Ibinagsak niya ang pagal na katawan sa malambot na sofa. "Nabuksan mo na ba ang mga pasalubong ko?" paibang sagot niya. "Ipinasok ko na lang ang mga iyon sa kuwarto mo kaninang umaga bago ako umalis. Hindi na nga lang kita ginising."

Nangingislap ang mga mata ni Say. "Ako pa, pahuhuli. Salamat, ha! Madadagdagan na naman ang koleksiyon ko ng mga pabango. Pati 'yong damit, fit na fit sa akin."

Ngumiti lang si Princess. "Say..."

"Yes?" Mababakas ang pagtataka nito sa pag-iiba ng tono ng pananalita niya.

Alam niyang nagtataka si Say, ngunit nangingibabaw pa rin sa kanya ang kuryusidad na malaman ang pangyayari na may kinalaman sa kasong sinabi sa kanya ni Jack, kaya hindi niya pinansin ang reaksiyon nito.

"O, bakit?" untag ng kaibigan saka mabilis na lumingon sa kanya.

"M-may balita ka ba kay... kay—"

"Kanino?" agap nito.

"Sa parents ko." Hindi iyon ang gusto niyang sabihin. Oh, God, what's happening to me? It's been two years...

Subalit nakapuna naman sa kanya si Say. "Hindi ako naniniwalang wala kang balita kina Tita. Sa akin mo pa sila kukumustahin, alam mo namang matagal na akong hindi umuuwi sa atin."

Iniwas ni Princess ang tingin sa kaibigan. Tumayo siya at lumapit sa kinalalagyan ng VCD component saka sinalangan ng disc.

"Sino ba talaga ang itatanong mo sa akin? Hmm, hindi kaya si Romano? Umamin ka na."

Wala sa loob na tumango siya.

Bumuntong-hininga si Say. "Akala ko pa naman, eh, mapapanindigan mo nang kalimutan siya. Kunsabagay, mahirap talagang gawin iyon."

"I'm healed now, Say."

"Hmm, totoo kaya?"

Tumango si Princess.

Midnight Blue Society 1 - Romano Perez aka Roman (COMPLETED)Where stories live. Discover now