Fascination

12.7K 331 3
                                    

FASCINATED na pinagmasdan ni Yumi si Ailene, isa sa anim na mga kapatid nila ni Vera sa ama. Maganda itong manamit, typical city girl na may air of confidence sa kilos at tindig. Humahanga siya sa mga babaeng parang fashion model kung manamit at kumilos. Gusto rin niyang maging ganoon ka-confident magdala ng sarili, ngunit hindi niya kinasanayan ang ganoong kilos.
Kadiskusyon ni Ailene si Aunt Carrie at Vera. Tungkol sa mga signiture bags ang pinag-uusapan ng tatlo.
Katatapos lang ng unang hapunan nilang walong magkakapatid, kasama ng kanilang madrasta. Nagtsatsaa na sila noon sa kanlurang bahagi ng overlooking veranda ng mansiyon. Pagkahapunan ay maagang nagpahatid sa silid nito ang Lolo Alfonso nila. Gusto na raw nitong magpahinga, kaya hindi nila nakasalo sa pag-inom ng mountain tea.
Ang ilan sa mga kapatid niya ay noon pa lang nakatikim ng ipinagmamalaking mountain tea ng Sagada.  
Nilapitan siya ni Mabel, ang kapatid niyang laging nakadepende sa mga kasambahay sa mansiyon kahit iilang oras pa lang ito mula nang dumating doon. Mabuti na lang at sweet ito kahit palautos. Ngumingiti lang si Mabel at mabilis pa sa alas kuwatrong sinusunod ito ng pinakabatang kawaksi na si Ana. May palagay siyang lahat ng bagay na gustuhin ni Mabel ay makukuha sa isang ngiti lang. “Ate Yumi, bakit hindi mo sinabi kanina kung anong zodiac sign mo? Lahat kami nagsabi ng sa ‘min. Ikaw lang ang hindi.”
Ngumiti siya kay Mabel. “Hindi ko kasi alam kung anong Zodiac sign ko.”
Tiningnan siya ng katabi ni Vera na si Berry, ang kapatid nilang komportable kaagad sa mansiyon. Kakakain lang ng hapunan ay nilalantakan naman nito ang carrot cake na marahil ay nakita nito sa loob ng refrigerator. Kabaliktaran ito ng fashion sense at kilos ni Ailene. Halatang sanay si Berry na magsuot lang ng pantalong maong at T-shirt. Pero natitiyak ni Yumi na nakatago lang sa smug na mga ngiti ang lalim ng kapatid nilang ito.
“Bakit hindi mo alam ang zodiac sign mo?” tanong ni Berry, dinampot pa ang kapirasong cake na nahulog sa mesa sa ibaba ng platito at walang anumang isinubo.
“Dahil hindi ako naniniwala sa horoscope. At kakambal ng horoscope ang zodiac sign.”
“Bakit, masama bang maniwala sa horoscope at zodiac sign?” may paghahamon ang tono na tanong ni Amira, ang kapatid nilang hindi palaimik. Marahil naintriga lang ito sa paniniwala niya kaya nagawang sumabad sa usapan.
Ngumiti siya kay Amira. “Pinalaki kasi ako nina Lolo sa pananampalatayang Anglican. At hindi noon ine-encourage ang paniniwala sa horoscope. Sama-sama kaming nagsisimba sa Episcopal parish ng Church of St. Mary, The Virgin tuwing Linggo. Pero wala naman tayong pagtatalunan kung naniniwala kayo sa zodiac sign. Tinuruan din kaming gumalang sa paniniwala ng iba.”
“What do you do here for a night life?” Natuwa si Yumi nang maiba ang topic sa pagtatanong ni Sky. Nag-alala siya na baka may makipagdebate pa sa kanya dahil sa nabuksang paksa kanina.
Sultry ang ganda ng kapatid nilang ito. Hindi siguro alam ni Sky ngunit malakas ang appeal nito. Medyo clumsy nga lang si Sky. Kaninang patungo sila sa veranda ay muntik na nitong maibagsak ang takip ng china na pinakialaman nitong alisin para amuyin ang honey lemon na dala ng kasambahay na si Tinay para sa kanilang mountain tea. Mabuti na lang at mabilis ang reflex reaction ni Berry. Ito ang sumalo ng takip ng china ware.
“Walang gaanong night life dito, Sky,” sagot ni Yumi. “Ang totoo nga, pagdating ng alas nuwebe ng gabi, wala ka nang makikitang tao sa lansangan.”
“And why is that?” usisa ni Ailene na mukhang bored na ngayon pa lang.
Si Vera ang sumagot. “May curfew rito pag ten PM. May NPA activities kasi rito minsan. Alam n’yo na, malapit ito sa Apayao. Kaya nag-iingat ang local government ng Sagada. Lalo na ngayon na laging maraming dumadayong turista dito. Sagutin nila kapag hindi na-secure ang safety ng lahat lalo na ng mga turista.”  
Napuna ni Yumi na kanina pa nakahawak ang mga kamay ni Mabel sa tea cup nito na parang umaamot ng init doon. Napansin din niya na sa kanilang lahat, ito lang ang walang suot na hand gloves.
“Ate Yumi, wala bang mumu dito sa mansiyon?”
Napangiti si Yumi sa sinabi ni Eira, ang bunsong kapatid nilang outspoken at masayahin. Patungo na sila noon sa kanya-kanyang silid matapos ang pag-inom ng mountain tea at pagkukuwentuhan. Nalaman niyang hindi pala kumakain ng gulay ang bunso nila. Ang gulay sa ulam na iniluto ni Chef Aklay para sa hapunan ay inihihiwalay nito sa gilid ng plato.
Napaka-fresh ng ganda ni Eira. Hula niya ay pirming campus crush ang bunso nila dahil parang may magnet ang beauty nito. Siguro dahil na rin sa lagi itong nakatawa at magaang kausap. Natitiyak ni Yumi na  maaaliw rito ang lolo nila. Mukhang isa lang ang hindi ikatutuwa sa Sagada ni Eira, at iyon ay kung malalaman nitong may multo roon.  
“Meron,” sabad ni Vera na nasa likod nila. “Multo ni Lola Celestina.”
Napahawak si Eira sa braso niya. “Totoo ba ‘yon, Ate Yumi?”
“Ewan ko d’yan sa Ate Vera mo. Wala pa naman akong nakikitang multo rito mula noong bata ako.”
“Joke lang ‘yon,” tumatawang sagot ni Vera. “Halika, sasamahan kita sa kuwarto mo.”
“Huwag na, nakakahiya sa ‘yo. Kaya ko namang mag-isa sa kuwarto.”
Tiningnan niya si Eira. Puno pa rin ng pananabik ang magagandang mata nito kahit halatang pagod na. Sa kanilang magkakapatid, ito ang mas higit na kakikitaan ng tuwa at interes na nagkakilala at nagkita-kita silang walo. “Mukhang pagod ka na. Magpasama ka na sa Ate Vera mo sa magiging kuwarto mo. She’ll help you settle there. Sige na.”
“Kukuwentuhan pa kita ng bedtime stories kung gusto mo,” tumatawang dagdag ni Vera.
Ngumuso si Eira ngunit nakangiti pa rin. Bumitiw na ito sa braso niya at sumabay sa paglalakad ni Vera.      
Nagtuloy si Yumi sa kanyang silid. Hinugot niya ang ibabang drawer sa closet at inilabas doon ang pinakapaborito niyang hand gloves, isang black leather gloves na may mabalahibong tela sa loob. Binili iyon sa kanya ni Lola Celestina sa isa sa mga biyahe nila nito at ng lolo niya sa Europe noong magtapos siya sa high school.
Katabi ng leather hand gloves ang iba pa niyang guwantes na karamihan ay hand woven sa Sagada Weaving. Kaibigang matalik ng Lola Celestina niya ang may-ari ng habihan. Kapag gusto ng lola niya ng makakakuwentuhan o gusto lang maglakad-lakad ay nagpapasama sa kanya roon. At kadalasan, bumibili ito ng mga gawa roon gaya ng hand gloves at hand woven fabric na ipinatatahi nito para gawing bestida nilang dalawa.  
Dumampot siya ng dalawa pang pares ng guwantes. Muling lumabas ng silid si Yumi at nagtuloy sa silid ni Mabel. Kakatok pa lang sana siya nang bumukas ang pinto at lumitaw ito.
“Ate Yumi! Papunta nga sana ako sa kuwarto mo.”
Itinaas niya rito ang dalang hand gloves. “Alam kong kailangan mo nito kaya dinalhan kita.”
“Oo nga, eh. Ang ginaw pala talaga rito sa Sagada. Kahit nakasara na ang mga bintana, maginaw pa rin.” Pinapasok siya ni Mabel sa loob ng silid.
“Okay ka lang bang mag-isa rito?” Kinuha ni Yumi ang mga kamay nito at ipinaloob sa mga palad niya. Malalamig nga ang mga kamay ng kapatid niya.
Nakadama siya ng tuwa at kapanatagan ng loob. Kailan lang ay nag-e-emote siya na baka kunin na sa kanila si Lolo Alfonso. Nanganganib din ang buhay ng papa niya. Kapag nangyari iyon, sila na lang ni Vera at ang kanilang madrasta ang matitira sa Pamilya Banal.
Ngayon ay heto at anim na mga kapatid pa niya ang nadagdag sa kanilang pamilya. Masaya na sana siya kung wala lang sakit si Lolo at kung gumising na ang Papa niya.
“Oo, Ate,” sagot ni Mabel. “Parang malungkot lang kasi mami-miss ko si Mommy.”
“Tinawagan mo na ba siya?”
“Kaninang pagkarating ko dito saka after ng dinner natin tinawagan ko ulit siya. Nag-aalala lang ako kasi parang hindi maganda ang pakiramdam ngayon ng mommy ko. Pero sabi naman niya okay lang daw siya.”
Ngumiti rito si Yumi. Nang mawala na ang panalalamig ng mga kamay nito ay sinimulan na niyang isuot dito ang hand gloves. “Masarap siguro ang may mommy, ano?” Kahit na masaya siya noon sa piling ni Lola Milagros, at nang mapunta siya sa Sagada ay sa piling naman ni Lola Celestina, hinahanap pa rin ni Yumi ang aruga ng kanyang tunay na ina.
“Oo, Ate Yumi. Lalo na si Mommy, sobrang asikaso niya ako sa bahay namin.” Pinagmasdan nito ang hand gloves. “Ang sarap naman nito  sa kamay. Ang lambot ng tela.”
“Alam mo ba na iyan ang huling bagay na ibinigay sa akin ni Lola Celestina bago siya namatay noon?”
Nagkaroon ng excitement ang mga mata ng kapatid niya na nagpalutang ng ganda nito. Gaya niya ay nakuha rin ni Mabel ang matangos na ilong ng kanilang ama. “Talaga, Ate Yumi?”
“Oo, Mabel. Gusto ko na kahit man lang sa pamamagitan niyan, maramdaman mo rin ang pagmamahal ni Lola Celestina. Kaya sa iyo na ‘yan. At bukas, sasamahan kitang bumili ng iba pa.”
Niyapos siya nito. “Salamat, Ate Yumi.”

Barely Heiressess Book 2 - Yumi  (Published 2015)  COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon