5

4.5K 94 0
                                    

TATLONG linggo nang ipinapalabas ang pelikulang iyon pero hindi pa iyon napapanood ni James. Kaya nandoon siya sa sinehan para panoorin ang romance-drama na iyon.

Siya ang nag-compose ng mga background music para doon. At isa sa mga iyon ay naririnig niya sa pinakaumpisa ng pelikula.

"Let's go," narinig niyang sabi ng lalaki sa tabi niya, sa kanyang kanan.

"Honey, mamaya na," tanggi naman ng babaeng katabi nito. Halatang magnobyo ang dalawa.

"Napanood mo na rin naman 'yang pelikula noong isang linggo, pati noong isa pang linggo. Hindi ka ba nagsasawa?"

"Gusto ko kasing pakinggan 'yong mga music ng pelikula. Wala kasi ang mga 'yon sa unang album ni James Erik. Sige na, honey, pagbigyan mo na ako," malambing na sabi ng babae.

"Ano pa'ng magagawa ko?" pagsuko ng lalaki.

"Kailan kasi magkakaroon ng kasunod na album ang guwapong composer na 'yon?"

"Nagseselos na ako sa James Erik na 'yan, ha."

"Ano ka ba, honey? I just love his music. Masarap pakinggan. Nakaka-inspire."

Napangiti siya sa sinabi ng babae. Hindi lang iyon ang pagkakataong narinig niya ang komentong iyon. Hindi lang ang babaeng iyon ang nagsabi niyon. Sikat na nga talaga siya siguro. Ayaw niyang sumikat noong una. Gusto lang niyang tumugtog at makilala ang mga musika niya at hindi ang siya ang makilala. Pero hindi naman yata puwede iyon dahil siya ang nasa likod ng mga musikang iyon.

Kaya mula ngayon ay sasamantalahin na niya ang pagkakataon. Tatanggapin na niya ang ano mang offer na ibibigay sa kanya.

Umalis ang nakaupo sa kaliwa niya. Pero mayamaya ay naramdaman niyang may umupo uli sa bakanteng upuan. Nawili siya sa panonood kaya hindi niya nagawang lumingon.

"'Care for a bite?" Boses iyon ng babae. At kanina lang ay parang narinig niya ang boses na iyon. Nakita niya ang iniaabot nitong popcorn.

Nang nilingon niya ito ay nakita niya si Celine. Ito pala ang pumalit sa nakaupo kanina sa kaliwa niya. Hindi niya ipinahalata ang kanyang pagkagulat.

"C-Celine, ikaw pala."

"Kaya pala parang may nag-uutos sa akin na panoorin ang pelikulang ito. Hindi lang pala pangalan mo ang makikita ko sa opening credits kundi ikaw mismo," nakangiting sabi nito. "You made great music."

"Thank you." Muli siyang tumingin sa big screen.

"Ayaw mo ng popcorn?"

Bumaba ang tingin niya sa iniaabot uli nitong pagkain. Pinilit niya ang sariling huwag lumingon. "No, thanks."

"Kung ayaw mo, di huwag," narinig niyang bulong nito.

Hindi niya ito pinansin. Pero sa loob-loob niya ay natatawa siya rito.


SUPLADO! Ganyan ka na por que kilala ka na at guwapo? ani Celine sa isip niya. Nakatutok siya sa pelikula pero wala ang konsentrasyon niya roon.

Tumingin siya rito. Tutok na tutok ang mga mata nito sa palabas. Magsasalita na sana siya pero hindi niya maibuka ang bibig niya. Huli na niya napansin na puno na ang bibig niya ng popcorn. Subo lang pala siya nang subo nang hindi iyon nginunguya at nilulunok.

Once Upon A Time In High School [PUBLISHED under PHR]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon