Chapter 26

107 6 0
                                    

Mabibigat ang talukap ng mga mata ko. Maski ang paghinga ko ay mabigat. Malakas na dumagundong ang puso ko nang sa aking pagdilat ay impyerno kaagad ang bumungad sa akin.

Napaatras ako nang umihip ang nakakapasong hangin. Ang init dito, sobra. Nilibot ko ang mata ko sa buong paligid at tila nasa kaharian ako ni Satanas. Puno ng nag-aalab na apoy ang paligid. Gawa sa bato ang kahariang ito at kay raming demonyo sa paligid.

Sobrang daming demonyo rito. Ang kanilang mga balat ay matitindi ang pagkakapula, pati na mismo ang kanilang mga mata. Malalaki ang katawan nila at ang kanilang mga sungay ay tila kasing tibay ng bakal. Malalakas ang paghataw ng kanilang mga pakpak sa hangin at dahil doon, nakalilikha iyon ng nakakatakot na tunog.

Hindi ako makapaniwala. Sa tinagal-tagal kong paninilbihan sa masasama, ngayon lang ako nakaapak dito sa impyerno. Ngayon ko lang nakita ito gamit ang dalawa kong mata. Ngayon ko lang naramdaman ang tunay na kasamaan ng mga demonyo.

Kakaiba ang pakiramdam ko. Puno ng kaba at takot ang dibdib ko, siguro dahil may naglalaban sa harapan ko?
Lahat ng demonyo ay umaatake kay Mensahero. Galit na galit sila. Nanlilisik ang kanilang mga mata habang nakatingin kay Mensahero. Mukha pang hindi na nila palalagpasin pa ang pagkakataong ito at tutuluyan na nila si Mensahero. Nakaramdam ako ng takot dahil doon.

Nang biglang may tumilapon na demonyo sa gilid ko ay mabilis akong napakaripas ng takbo papunta sa isang malaking bato upang magtago. Nanginginig ako. Nangangatog ang nga tuhod ko dahil sa takot. Nasa impyerno ako, natatakot ako sa mangyayari rito!

Malakas ang bawat pintig ng puso ko. Hindi ko ito mapakalma kaya mas lalo akong nataranta. Parang malalagutan ako ng hininga dahil doon. Hindi ako makahinga nang maayos. Kailangan kong kumalma ngayon dahil mukhang nasa panganib si Mensahero!

Mariin akong pumikit at pilit na kinalma ang sarili. Kinagat ko ang ibabang labi ko at wala sa sariling napaupo sa sahig. Mainit ang sahig kaya mabilis akong napatayo.

Dumilat ako at dahan-dahang dumungaw sa bato para matignan si Mensahero. Hinanap ko rin sa paligid sina Jaric at Serria at nakita kong nasa gilid lamang sila, namamangha sa itsura ng impyerno. Ngayong nasa tunay na tahanan na nila sila, babalik pa kaya sila sa lupa?

Itinuon ko ang mata ko kay Mensahero'ng nakikipaglaban sa sobrang daming demonyo. Bakit? Bakit ganito ang mga demonyo kay Mensahero? Bakit ba galit na galit sila? Bakit ganito kainit ang dugo nila kay Mensahero? Anong ginawa ni Mensahero sa kanila para magalit sila nang ganito sa kapwa nila demonyo?

Tumilapon si Mensahero sa isang gawi kung saan may mga matutulis na bato. Impit akong napasigaw nang makitang bumaon ang ilang bato sa likod ni Mensahero. Nanghina ako nang makita ko ang katawan niya. Puno ng sugat. Puro gasgas. Kaya ba? Kaya ba tuwing bumabalik siya sa lupa galing impyerno ay ganoon ang kanyang itsura? Dahil lagi siyang nakikipaglaban? Ano bang pinaglalaban niya! Bakit ganito!

Napapikit ako nang sabay-sabay ‘yung mga demonyo na inatake si Mensahero. Nasasaktan ako sa nakikita ko. Tila binibiyak ang puso ko sa tuwing nakikita kong nasasaktan si Mensahero. Ayokong makita siya nang ganito. Ayoko siyang makitang nasasaktan. Ayoko nang masaksihan pa ito. Nasasaktan na si Mensahero! Isa laban sa lahat? Hindi niya kaya ‘to!

“Isuko mo ang hangal na ‘yan at tatanggapin ka pa rito, Mensahero!” Nagimbal ako nang makarinig ako nang malakas na sigaw.

Muli akong dumungaw sa malaking bato at halos mabiyak ang puso ko sa nakita. Puno ng dugo si Mensahero. Nanghihina na ang mahal ko!

Nakahawak sa kanya ang ilang mga demonyo at ang iba’y nakapalibot sa kanya. At sa harapan ni Mensahero ay si Taga-bantay na marahas ang bawat pagsigaw kay Mensahero. Gusto kong sumugod doon at sigawan silang tumigil na sa ginagawa nila kay Mensahero pero natatakot ako.

Amethyst's Blood (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon