CHAPTER 5

7.3K 143 0
                                    

"Oh bakit? Nagkakagusto ka na sakin no?" biro ni Lance kay Marivic nang sa pagbaling ng una ay makita siya nitong titig na titig dito. Sumaglit sila ng drive thru dahil napag-alaman niyang hindi pa pala nakakapag-almusal ang binata. Kunot ang noo nito pero may kasamang pagkaaliw sa ginagawa niya.

"Sigurado ka bang okay lang talaga?" sa halip na pansinin ang biro nito ay tanong niya.

Biglang tumawa ang lalaki. Nagulat siya sa sagot nito.

"Anong nakakatawa sa tanong ko?"

Walang sabi-sabing pinisil nito ng marahan ang ilong niya bago siya sinagot. "Ikaw." Humarap ito sa kanya. Ipinatong ang isang siko sa manibela. "Kanina mo pa tinatanong yan at kanina ko pa din sinasagot. Hindi ka ba nagsasawa?"

Umingos siya. "Naniniguro lang ako. Ayokong makaabala ng ibang tao."

"Hindi ka nga nakakaabala." pinandilatan siya nito ng mata. "Kahit pala nahihiya ka, makulit ka pa rin ano?" binuntutan nito iyon ng tawa. Saglit muna itong tumigil para kunin ang inorder nilang pagkain. Ibinigay nito sa kanya ang para sa kanya. Nagpasalamat siya dito.

Kumain muna ito ng ilang piraso ng french fries bago muling nagsalita. "Dapat pala dalasan natin yung ganito."

Umigkas ang isang kilay niya. "Anong ganito?"

"Iyong ganitong set-up." tukoy nito sa pagbibigay ng pabor sa kanya.

"At bakit?"

Ngumisi ito. Malapad na malapad. "Kasi nawawala ang pagka-amazona mo kapag nahihiya ka. Ilang oras na tayong magkasama at ilang beses na kitang inaalaska pero hindi mo pa pinagbabantaan ang buhay ko hanggang ngayon."

Nag-init ang pisngi niya. Humalukipkip siya at umirap para magkaroon siya ng dahilan para hindi tumingin dito. Well, kung ikaw ba naman, magkakaroon ka pa ba ng lakas ng loob na awayin ito gayong ikaw na nga itong binigyan ng pabor? Hindi naman ganun kakapal ang pagmumukha niya.

"Mas lalo ka palang gumaganda kapag nagba-blush ka no?"

"Gusto mong mag-almusal ng sampal?" itinago niya ang pagpitlag ng puso niya sa pagsusuplada dito. Bakit ba lately ay parang tanga ang puso niya at panay ang react sa mga pambobola ng lalaki?

Malakas na humalakhak ang binata.

"Alam mo, balak ko pa sanang magpasalamat sayo. Kaso nagbago ng isip ko. Di bale na lang." umirap siya.

Kumibit ito ng balikat. "Para din naman to sa drama natin eh. Remember, acceptance week starts today right?"

Oo nga pala. Ngayon pala magsisimula iyon ayon na rin sa sinet niya. Pero hindi niya alam kung bakit nakaramdam siya ng panghihinayang dahil sa pagpapaalala ng binata. Umaasa ba siya ng ibang bagay? Like, ginagawa iyon ng binata dahil gusto nito at hindi dahil sa usapan nila?

Asa ka pa Marivic. Ikaw rin naman ang may pakana nito diba?

"Halika na nga." yaya niya na kunwari ay naiinis pa din.

Hindi na nangulit pa ang binata at pinaandar na ulit ang sasakyan.

======================================

Pagkatapos ng mahigit-kumulang na tatlong oras na byahe ay nakarating din ng Pampanga sina Marivic. Wala pa doon ang kaibigan niyang si Ninay at mukhang male-late ng kaunti. Kinailangan kasi ng mga itong bumalik ng bahay ng mga ito para kunin ang make up kit dahil nga hindi natuloy si Mellot. Mabuti na lang at naiintindihan ni Ninay ang hindi inaasahang problema niya at nagboluntaryong ito na lang ang magmemake up sa sarili nito at sa fiancé nito. Iyon ang malaking advantage kapag kaibigan mo ang kliyente mo. Maiintindihan nito kung magkaroon man ng aberya sa parte mo.

The Unscripted Love (UNEDITED & COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon