I

39 3 2
                                    

Isang tunog ang naging hudyat,
Sa pagbabago ng lahat.
Alas-dose,
Ang oras na pinakahihintay ng lahat.

Abala ang bawat isa
sa kani-kanilang ginagawa.

Mayroong nagsisindi ng paputok,
Mga batang nag-iingay gamit ang torotot.

May iba na hawak ang batya upang lumikha ng ingay
Sa abot ng kanilang makakaya.

Mababakas ang ngiti sa labi ng bawat isa

At pagkamangha sa mga paputok na nakikita

Nagagalak ang bawat isa,
Subalit hindi ko magawa.

Pinilit kong ngumiti,
Ngunit luha ang naging sukli.

Masaya SANA,
Kung naririto ka pa.

Sabay SANA nating maririnig,
Ang ingay na nanggagaling sa paligid.

Sabay SANA nating mapagmamasdan,
Ang makukulay na paputok na sa kalangitan makikita.

Nagbago na ang lahat,
Ang nakaraan ay 'di na maibabalik.

WALA NA,
Ang kasabay ko sa pagtalon
Pagsapit ng bagong taon.

WALA NA,
Ang tagapagtanggol ko sa tuwing nag-aaway kami ng aking Ina.

WALA NA,
Ang nagsasabi sa akin na "Kaya mo iyan" sa tuwing gusto ko ng sumuko.

WALA NA,
Ang nag-iisang tao na nakakaunawa sa nararamdaman ko.

WALA NA,
Ang nag-iisang tao na nagpapalakas ng loob ko.

WALA NA,
Ang siyang nakakapagpatahan sa'kin sa t'wing ako'y lumuluha.

Bakit bigla ka na lang lumisan?
Hindi ka man lang sakin nagpaalam.

Bakit kailangang may mamaalam?
Hanggang ngayo'y 'di ko pa rin maintindihan.

Ilang buwan na nga ba ang nakalipas?
Ngunit ang sakit ay patuloy ko pa ring dinaranas.

IKAW LANG,
Ang nakakakilala kung sino talaga ako.

IKAW LANG,
Ang naging takbuhan ko sa tuwing may problema ako.

IKAW LANG,
Ang tanging nakababatid kung totoo o hindi ang pinapakita ko.

Ngayon, WALA KA NA.

Hindi ko na ulit maririnig ang iyong tawa,
Tawa na parang walang tinatagong problema.

Hindi ko na ulit makikita ang pagguhit ng ngiti sa iyong labi,
Mga ngiti na nagbigay sa'kin ng inspirasyon sa kabila ng aking pagkasawi.

Hindi ko na ulit makikita ang iyong bibong pag-indak,
Sa tuwing maririnig ang iyong paboritong tugtog kahit na ika'y nakayapak.

Mga ala-ala mo na lamang ang natira,
Na pilit kong inaalala.

Natatakot ako sa posibilidad,
Na makaligtaan ko ang iyong turo,
Turo kung paano mabuhay sa reyalidad ng mundong ginagalawan ko.

Sa bawat ngiti at tawa na pinapakita ko,
Nakakubli ang lungkot na nadarama ko.

Ang unang Bagong Taon na wala ka,
hindi ko mawari kung dapat ba akong magsaya.

Bagong Taon,
Unang araw ng Enero.
Araw ng kapanganakan mo.

Maligayang Kaarawan, Mahal kong Lola.
Hangad kong masaya ka na
Sa piling ng ating Ama.

- J
Enero 1, 2018

Tulaarawan ni JTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon