5. Asaran

5.8K 132 12
                                    


PARANG bumagsak na troso ang katawan ni Kimi nang magpatibuwal siya sa sofa. Pagod na pagod siya sa maghapong pag-aalaga kay Adam. Kahit medyo payat ito ay matangkad naman at malaki ang body frame, kaya mabigat pa rin.

Gusto rin sana ni Kimi na magpanggabi na lang gaya ng sinabi ni Adam. At least, hindi na siya ang magpapaligo kay Adam. Hindi na rin siya ang magdadala sa binata sa front yard para paarawan sa umaga. Mas mapapadali ang trabaho ni Kimi dahil matutulog lang si Adam sa gabi at aalalayan na lang ito kapag magbabanyo. 

Hindi nga lang pumayag ang kapalitan niyang si Ardy. Wala raw susundo sa anak nitong pumapasok sa school dahil may day job ang ina ng bata.

“Kimi, ipinapatawag ka ng Lola Guada mo,” sabi ng lumapit na kawaksing si Ate Zeny. Half-paralyzed si Lola Guada, ang matandang dalagang tiyahin ng namayapang papa ni Kimi. Si Lola Guada ang nag-alaga at kumupkop noon sa ama niya mula nang maulila sa mga magulang. Na-stroke ang matanda may tatlong taon na ang nakararaan.

Tutol si Kimi dahil wala pang dalawang minutong nakalapat ang likod sa sofa ay kailangan na agad niyang bumangon. “Bakit daw, Ate?”

“Hindi ko alam. Basta ang bilin sa akin, kapag dumating ka, papuntahin kita sa kanya.”

Walang magawa si Kimi kundi ang bumangon.

Hindi sumagot ang lola ni Kimi nang kumatok siya sa silid ng matanda. Tahimik na pumasok siya. Silang lahat ay laging ganoon kung makitungo kay Lola Guada. Ayaw nito ng maingay, ng malakas na boses at ng kumakalabog na yabag. Nakita niyang nakaupo ito sa ibabaw ng cushioned stool at nakaharap sa malawak na salaming kaharap ng dresser. Nasa ibabaw ng dresser ang malaking jewelry box ng matanda. “Lola… pinapatawag n’yo raw po ako?”

“Nasaan 'yong perlas kong hikaw na kulay-itim?” matigas na tanong ni Lola Guada. Naapektuhan man ng stroke ang kabiyak ng katawan ay hindi ito nagkaroon ng speech impediment.

Napaisip si Kimi. Sa pagkakaalam niya ay iisang pares lang ang black pearl earrings ng matanda. At hindi pa namamatay ang papa niya nang ibigay sa kanya iyon ni Lola Guada. Na ibinigay lang ng matanda dahil nasagip niya sa pagkalunod sa drainage ang tuta na kabibili lang nito noon. “Eh, Lola, may binili pa po ba kayong ibang hikaw na itim na perlas bukod doon sa ibinigay ninyo sa akin dati?”

Pinandilatan siya ni Lola Guada. “At kailan kita binigyan ng perlas? Wala akong binibigyan ng mga alahas ko! Kahit sino sa inyo, wala!”

Kimi’s heart sank. Nag-uulyanin na ba si Lola Guada? “Lola, buhay pa po si Papa nang ibigay ninyo sa akin ang hikaw.”

Lalong tumaas ang boses ng lola niya nang muling magsalita. “Ginagawa mo ba akong sinungaling?!”

“Hindi po, Lola. Pasensiya na po,” mapagpakumbabang sagot ni Kimi. Natakot siya na baka atakihin ang lola niya kapag napagalit niya nang dahil lamang doon. “Hayaan n’yo po, ibabalik ko na lang sa inyo 'yong hikaw.”

Ganoon nga ang ginawa ni Kimi. Kinuha niya sa kanyang silid ang black pearl earrings at ibinigay sa matanda.

Hindi masama ang loob niya na bawiin nito ang isang bagay na matagal nang naibigay sa kanya. Ang ikinasasama lang ng loob ni Kimi ay ang undertone sa salita ng lola niya. Parang pinalalabas ni Lola Guada na pinakialaman niya ang alahas nito kaya iyon napasakanya.

“O, anak, nandito ka na pala,” sabi ng mama ni Kimi na kadarating lang. Ang kanyang ina na ang naging caregiver ni Lola Guada mula nang ma-stroke ang matanda. Apatnapu’t isang taong gulang lang ang mama ni Kimi. Katatapos lang daw mag-debut noon ng mama niya nang mabuntis ng kanyang amang si Froilan. Kaya ngayon, kung titingnan silang mag-ina ay parang magkapatid lang. “Magpalit ka na ng damit. Maaga tayong magdi-dinner para makapagpahinga ka na.”

Adam's Sassy Girl COMPLETEDWhere stories live. Discover now