7. Satisfaction

5.2K 127 3
                                    

EMPTY na ang charged battery sa lumang cell phone ni Kimi nang kunin niya mula sa pinagkukublihan niyon sa pagitan ng mga tangkay ng decorative dried flowers sa sala.

Tiniyak niya na walang makakapuna ng cell phone doon. Binuksan niya ang voice record ng cell phone kaninang umaga bago siya umalis ng bahay. Gumagana iyon kahit patay ang ilaw ng screen kaya hindi kapansin-pansin. Nang makapasok siya sa loob ng silid nilang mag-ina ay nag-charge agad siya ng cell phone.

Wala sa kanilang silid ang mama ni Kimi kaya lumabas siya para hanapin ito. Nasalubong niya si Ate Zeny. “Nakita mo ba si Mama, Ate?”

“Kanina pa, no’ng manggaling siya sa kuwarto ng Lola Guada mo. Akala ko nga nasa kuwarto n’yo siya. Alam mo na, nand’yan kasing lahat ng—” Bumulong si Ate Zeny sa kanya, “mga buwitre.” “Buwitre” ang tawag nito sa tita niya at mga pinsan.

“Nasaan naman sila?”

“Sino? 'Yong mga ‘B’?”

Natawa si Kimi. “Oo.”

“Nandoon sa family room. Nanonood ng pelikula sa DVD.”

“Pinahihirapan ba nila kayo rito?”

“Ewan ko si Wena,” tukoy nito sa isa pang maid. “Kasi ako, kapag inutusan ako at wala akong ginagawa, sumusunod ako. Pero ibang usapan na kapag may ginagawa ako at uutusan pa.”

Napangiti si Kimi. Mabait si Ate Zeny, in fact, nasa grade school pa lang siya ay naglilingkod na ito roon, pero may-pagkaastig din. “Sige, Ate, hahanapin ko muna si Mama.” Naikot na ni Kimi ang buong kabahayan ay hindi pa rin niya makita ang ina. Lumabas siya sa back door hanggang sa marating niya ang likuran ng storage room. Napatda si Kimi sa nakita. May kayakap na lalaki ang mama niya sa likod ng mayayabong na santan hedge!

MAY ISANG oras na yatang nakikinig si Kimi sa recorded voice ng lumang cell phone ay wala pa rin siyang naririnig na salita o pag-uusap ng Tita Pia niya at mga pinsan. Mas mabuti nang doon siya mag-concentrate kaysa sa nakitang eksena kanina sa likod-bahay.

Nahinto ang pakikinig ni Kimi nang pumasok na sa silid nila ang mama niya.

Kanina pa dapat pumasok doon ang mama niya. Dati-rati, alas-diyes pa lang ay nakahiga na ito para matulog. Ngayon ay alas-onse y medya na. Hinihintay marahil ng mama niya na makatulog muna siya bago pumasok ng silid. Alam ni Kimi na nahihiya ang ina na nabisto niya ang lihim nito. Pero hindi siya mapapalagay hangga’t hindi naririnig sa bibig ng kanyang ina ang tungkol sa lalaking kayakap kanina.

Nahiga na sa kama ang mama ni Kimi. Pumihit ito patalikod sa kanya. Balak pa yatang magsawalang-kibo tungkol sa issue, bagay na hindi niya mapapayagan.

Hindi naman siya hahadlang kung talagang magmamahal uli ang mama niya sa ikalawang pagkakataon. Ang gusto lang niya ay makilala ang lalaking iyon, malaman kung mabuting tao at kung malinis ang intensiyon sa kanyang ina.

Humarap sa mama niya si Kimi kahit nakatalikod pa rin ito sa kanya. “Sino siya, 'Ma?”

Hindi sumagot ang mama niya.

“'Ma, huwag kayong magtulog-tulugan. Sagutin n’yo ang tanong ko. Magkuwento kayo. Hindi ako magagalit, promise.”

Ilang segundo muna ang dumaan bago narinig ni Kimi ang boses ng ina. “Nahihiya kasi ako sa 'yo, anak.”

“'Ma, kung mahal ninyo ang lalaking 'yon, bakit kayo mahihiyang magkuwento? Kilala n’yo ako. Prangka lang ako pero hindi makitid ang pang-unawa ko. Alam ko naman na matagal-tagal na ring patay si Papa. Bata pa naman kayo para hindi magmahal uli, at maganda para hindi mapansin ng iba.”

Adam's Sassy Girl COMPLETEDWhere stories live. Discover now