Chapter 3

16.1K 245 3
                                    


TAMBAK ang mga reports ng mga subordinates ni Rico sa mesa niya subalit hindi niya iyon hinaharap. Buhat sa private room niya ay natatanaw niya ang expressway. Nakatingin siya sa tila nagkakarerahang mga sasakyan pero wala rin naman doon ang konsentrasyon niya.

"Sir, 'eto na po iyong comparative sales report for the quarter," wika ng sekretarya niya na lumapit sa kanya.

"Akina." Ipinatong lang niya iyon sa mesa pero kagaya ng ibang mga papeles ay hindi rin niya iyon agad hinarap.

Mahigit pitong taon na ring naging pangalawang tahanan niya ang Pampanga. Nang i-assign siya roon, kahit na promotion ang kapalit ay parang ayaw pa niya. Hindi niya ma-imagine na madedestino siya sa lugar na iba ang salita ng mga tao. Wala siyang alam na salitang Kapampangan noon kundi "mekeni."

Pero madali rin siyang nakapag-adjust at dahil iyon kay Audrey. Malaking bagay na naging magkapitbahay sila nito. Kapwa sila laking-Maynila at marami silang common interest. Kagaya niya ay kalog din itong kausap. Sa maikling panahon ay naging magkaibigan sila.

Hindi lang naman pulos kalokohan ang pinagsamahan nila nito. Hindi naman palaging masasayang sandali ang nangyari sa nakalipas na pitong taon. There were ups and downs. Parang iyon nga ang lalong nagpatibay sa friendship nila.

Tatlong taon na siya sa Pampanga nang masawi sa isang aksidente ang kanyang ama. Ininda niya iyon nang husto sapagkat close siya rito. Kung hindi sa matiyagang pagsuporta sa kanya ni Audrey, malamang ay mas matagal pa bago siya naka-recover sa pagkawalang iyon ng kanyang ama.

Kapag nagkakasakit siya, walang makakauna rito sa pag-aasikaso sa kanya kahit na nga may mga nobya rin naman siya. Kung minsan, pati paglalaba at pamamalantsa ng damit niya, ginagawa na rin nito kapag hindi puwede ang taong inupahan niya.

Kulang ang mga daliri kung bibilangin niya ang mga tulong na ibinibigay nito sa kanya, malaki man o maliit.

Kaya naman kapag may problema ito, tinitiyak niyang palagi rin siyang nasa tabi nito. Kahit independent siya at malaki ang tiwala sa sarili, nakita niya kung paano ito nasaktan nang husto nang iwan ito ng boyfriend nito. Unang kita pa lang niya sa lalaki ay mabigat na ang dugo niya rito.

He knew it was unfair. Hindi naman tamang agad na magpakita ng kagaspangan sa isang tao, lalo at hindi pa ganap na kilala kaya naman nagpakasibil siya. Pero hindi niya maialis sa sarili ang hindi magandang pakiramdam sa nobyo ni Audrey. Marami na siyang naging nobya kaya naman napapakiramdaman din niya na mukhang palikero din ito.

Hindi nga siya nagkamali. Sa kabila ng matigas na paniniwala ni Audrey na siguradong ito lang ang babae sa buhay ng nobyo nito, napatunayan din naman nila pareho na mali ito ng paniniwala. Iniwan din ito ng lalaki at ipinagpalit ito sa runner-up ng Miss Pampanga.

Nakita niya kung paano nasaktan si Audrey. Bagama't hindi niya tiyak kung talagang puso nito ang nasaktan o masyado lang natapakan ang pride, para sa kanya ay nasaktan pa rin ito.

But that was four years ago. Halos magkasunod lang na nangyari iyon at ang pagkawala ng kanyang ama. Kapwa sila noon may ginagamot na sugat sa sarili.

Naalala niya ang anyo nito nang nagdaang gabi. Matagal na rin buhat nang makita niyang ganoon ang ekspresyon nito. Parang mahirap isiping napikon ito nang husto kaya naman iniisip niya kung ano ba ang nasabi niya na sukat ikinapikon nito nang husto.

Dati naman nilang napag-uusapan ang tungkol sa nonexistent na lalaki sa buhay nito. Nagiging biruan na nilang dalawa iyon. Pero ngayon ay hindi niya alam kung bakit parang nainsulto ito.

After The Kiss COMPLETED (Published by PHR)Where stories live. Discover now