Chapter 22

14.3K 195 6
                                    


"AUDREY!" malakas na tawag ni Rico sa kanya. Sa halip na pinto ang katukin nito ay ang salaming bintana. May tabing iyong kurtina kaya hindi naman niya ito nakikita.

Nasa likod siya ng mismong pintuan. Nakasandal siya roon at unti-unti siyang dumadausdos pababa. Kung hindi pa nanlabo ang paningin niya dahil sa pag-apaw ng mga luha ay hindi niya mapapansing umiiyak na siya.

Galit na galit siya rito. Hindi niya matanggap na aabot sa ganoong punto ang biro nito sa kanya. Pakiramdam niya ay nainsulto siya nang buung-buo.

"Audrey, buksan mo itong pinto!" malakas na tawag nito sa kanya.

"Umalis ka na!" basag ang tinig na sabi niya. "Galit ako sa iyo! Ayaw kitang makita!"

"Audrey, do you think I'm just kidding you? Seryoso ito!"

Padaskol siyang tumayo. Padaskol din niyang hinawi ang kurtina. "All these years, Rico, nasikmura ko ang lahat ng kalokohan mo sa akin. But this is too much! I can't take this! Umalis ka na!"

Determinado itong umiling. "Hindi ito kalokohan, Audrey. Liligawan talaga kita. Look, I took time to make myself presentable. Kahit magkaibigan tayo, gusto kong maging pormal sa pag-akyat ng ligaw sa iyo. I even bought these flowers. Hindi ba, isa ito sa pinakapaborito mo?"

"Wala akong pakialam kung nag-aksaya ka man ng panahong magbihis," sabi niya habang pilit na pinaaampat ang luha na tila naman lalong bumibilis ang pagbalong. "You know me too well pero ito ang sasabihin ko sa iyo, hindi mo ako mapapaniwala kahit may props ka pang cattleya!"

"Audrey, papasukin mo ako. Pag-usapan natin ito nang maayos."

"Ayoko! Sobra ka na, Rico. Bakit, mukha bang patay na patay ako sa iyo kaya ginaganito mo na lang ako? Pinaglalaruan mo na ako."

"Audrey, ano ka ba?" tila mauubusan na ito ng pasensiya. "Buksan mo ang pinto. Mag-usap tayo nang mahinahon."

"No! Umuwi ka na, Rico at huwag ka munang magpapakita sa akin. Galit ako sa iyo!" Binitiwan na niya ang kurtina, saka pabagsak na naupo sa sofa. Yakap niya ang tuhod na umiyak nang umiyak.

Matagal ding halos maghalo ang luha at sipon niya. Talagang nasaktan siya sa ginawa nitong iyon. She was really in love with him pero hindi ibig sabihin niyon ay malaya na siya nitong mabibiro nang ganoon katindi. Ano ba naman ang akala nito? Na maniniwala siya sa ginawa nito?

Napatanga siya. She really wanted that to happen pero nang makita niya ito na bihis na bihis, humahalimuyak sa cologne at may dala pang bulaklak, hindi ang katuparan ng pangarap niya ang pumasok sa isip niya.

Sigurado siya sa mga kilos niya. Imposibleng may mahalata ito sa totoong damdamin niya rito. Kahit na mismong ina nito ang nagbukas sa kanya ng paksang iyon, ni pahiwatig ay wala siyang ginawa. Ang Ate Haidee lang niya ang talagang pinagsabihan niya ng sekreto, at tiwala naman siyang safe iyon dito.

Pero paano kung nagkamali pala siya at ipinagkanulo siya nito?

Napabilis siya ng tayo at sumilip pero wala na ito. Ang nakikita na lang niya ngayon sa terrace ay ang paso ng cattleya. Napagmasdan niya ang bulaklak. Kombinasyong dilaw at violet iyon. Iyon ang variety na binabalak pa lang niyang magkaroon.

"Sino ang sinisilip mo sa labas?"

Halos mapatalon siya sa gulat nang marinig niya ang tinig nito. Nasa loob na ito ng bahay. Tiyak na sa back door ito nagdaan sapagkat sa pintong iyon ito may hawak na susi.

After The Kiss COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon