Chapter 16

10.2K 151 0
                                    

SA ISANG kainan sa loob mismo ng palaisdaan inihinto ni Galileo ang kanyang kotse. Nagpa-reserve na siya roon ng isang mesa. Ang mismong may-ari ng restaurant—si Fabio—ang nakausap niya. Kaibigan niya ito. Ang farm niya ang nagsu-supply sa restaurant ng mga poultry products.

Mabilis siyang lumabas at saka lumigid sa kabila para pagbuksan ito ng pinto. Parang namamalikmatang umibis ito ngunit tumayo lang doon.

"Papasok po tayo sa loob, baby."

"Bakit mo ba ako dinala rito? Tingnan mo nga'ng hitsura ko, nakakahiya," pagmamaktol nito na parang paslit. "Gusto mo talaga akong ipahiya, ano?"

Tiningnan niya ito mula ulo hanggang paa, pagkuwa'y muling ibinalik ang tingin sa nakasimangot na mukha nito. Ang totoo ay inaalihan siya ng kapilyuhan dahil sa attire nito. Kung hindi lamang siya nagpipigil, mas type niyang idiretso ito sa kanyang silid at hindi sa lugar na iyon.

"Okay naman ang hitsura mo, ah. Ang cute nga ng dating mo, kakaiba."

Pinukol siya nito ng matalim na tingin. "Akala mo siguro madadala mo ako sa pambobola mo—"

"Aminin mo na kasi na kayong mga babae ay gustung-gustong binobola namin." Abot-tainga ang ngiti niya. "Ano pa'ng hinihintay natin dito? Umaandar ang oras kaya tara na sa loob."

Umiwas ito nang tangkain niyang hawakan ito sa siko. "Hindi mo na kailangang hawakan pa ako."

"Ganoon talaga. Maginoo itong kasama mo."

"Maginoo ka riyan. Gusto mo lang 'kamong manantsing."

Humalakhak siya.

"Tumigil ka nga!" asik nito. "Ano'ng nakakatawa?"

Tumigil siya sa pagtawa. "Pasensiya na, tao lang. Ganoon talaga, mababaw lang ang kaligayahan ko. Makita ko lang ang mukha mo, natatawa na ako."

"Nang-aasar ka ba?" Kulang na lang ay lumabas ang usok sa ilong nito.

"Okay, easy. Tara na sa loob."

"Mauna ka," utos nito.

Nagpatiuna na siyang lumakad patungo sa isang kubo. Bawat mesa ay may kanya-kanyang kubo. Parang overlooking iyon dahil kailangan pang panhikin ang mataas na hagdan bago nila marating ang kubo.

Hindi nagtagal ay narating nila ang pakay na mesa. Medyo hiningal siya kaya nang lumapit ang waiter ay tubig lang ang hiningi niya.

"Dumayo pa tayo rito, 'tapos tubig lang ang o-order-in mo. Huwag kang mag-alala. Ako ang nagyaya kaya sagot ko."

"Sinabi ko bang pumunta tayo rito?" Umirap ito.

"Ano ba? Tigilan mo na ang kakaaway sa akin. Malapit na akong mapikon," babala niya rito, saka bumaling sa waiter. "Bigyan mo na kami ng sisig, grilled hito, at dalawang San Mig Light."

Pinukol siya nito ng matalim na tingin. Tiyak niyang dahil iyon sa in-order niyang beer.

Hindi siya nagkamali. Nang makaalis ang waiter ay agad siyang sinita ni Dulce. "Ba't ka um-order ng beer?"

"Pampa-relax, masyado kang tense," naa-amuse na sagot niya. "Nahahawa tuloy ako." Kinuha niya ang kamay nito at dinala sa tapat ng kaliwang dibdib niya. "O, 'ayan ang katibayan. Ang lakas-lakas ng kabog ng puso ko. Parang may nagkakarerahang kabayo sa loob, 'di ba?"

Binawi nito ang kamay. "Nababaliw ka na yata. Kung anu-ano ang pinagsasasabi mo."

"Bakit ba ayaw mong maniwala sa akin? Nagpa-palpitate na nga ang puso ko, eh."

MECHANIC OF THE DAY: MR. SUAVE COMPLETED (Published by PHR)Nơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ