Chapter 22

9.2K 141 0
                                    


ILANG araw nang aburido si Galileo. Hindi kasi siya makaalis dahil sa dami ng mga inaasikaso niya sa farm at sa talyer. Idagdag pang kailangan ng titingin sa ipinagagawa niyang bahay.

Ngayon nga ay nasa talyer siya at personal na kumukumpuni ang sasakyan ni Fabio. Nahiya siyang ipaubaya ang sasakyan nito sa tauhan niya dahil isa ito sa magiging ninong sa kasal nila ni Dulce.

Bigla, guminhawa ang pakiramdam niya nang maalala ang dalaga. Nasasabik na siyang makita ito. Kung sana ay malapit lang ang Quezon City sa Alfonso, kahit paano ay masisilayan niya ang magandang mukha nito.

Hindi pa man siya natatapos sa ginagawa ay may ipinasok na namang sasakyan sa talyer niya. Ayon sa tauhan niya, siya ang hinahanap ng may-ari.

Nagulat siya nang makita sa opisina niya ang pinsang si Connie—madalang pa sa patak ng ulan kung magawi ito roon— kasama ang isang seksing babae. Mukha itong bold star dahil sa suot na tube blouse at napakaikling palda. Kaunting liyad lang ay makikita na ang pang-upo nito. Sa dami ng suot na alahas sa katawan ay nagmukha itong Christmas tree.

"Hi, pinsan!" masiglang bati ni Connie sa kanya.

"Naligaw ka?" wika niya habang ipinupunas ang kamay sa basahan.

"Inirekomenda ko ang talyer mo rito kay Jeng. Sinamahan ko na rin siya rito. Jeng, siya 'yong sinasabi ko sa 'yong ipapaba-blind date ko sana sa 'yo, kaso, pareho kayong busy. Sobra kasing sipag nitong pinsan ko. Nagpapayaman."

"Ikaw pala si Galileo. Kung alam ko lang na ganito kaguwapo itong pinsan mo, Connie, noon pa sana ako pumayag na makipag-date sa kanya." Ngumiti ito nang matamis sa kanya.

Natawa na lamang siya. Pilya talaga si Connie. Alam na nitong malapit na siyang ikasal ay inirereto pa siya nito kay Jeng.

"Bueno, ano nga pala ang problema sa kotse mo?" Tumingin siya sa Nissan Sentra na nakabalandra sa harap ng talyer.

"Para kasing palyado ang tunog ng makina. Itinirik na ako niyan no'ng isang linggo."

"O, sige. Patitingnan ko na lang muna sa mekaniko ko," sabi niya. "Dito muna kayo at magpapahanda na rin ako ng merienda."

"Sandali, pinsan," habol ni Connie. "Hindi ako magtatagal. Maiiwan dito si Jeng. Bahala ka nang mag-asikaso sa kanya."

"Luka-luka ka talaga. Alam mo namang ikakasal na ako," sabi niya.

Umingos ito. "Ora-orada ka naman kasing pakakasal sa babaeng 'yon gayong kailan mo lang nakilala. Laking-Maynila 'yon kaya sigurado akong maarte 'yon, walang alam gawin kundi ang magpaganda at gumastos."

"Problema ko na 'yon, Connie," seryosong pahayag niya.

"Sige na naman, pinsan, subukan mo muna kung magkakaigihan kayo ni Jeng. Malay mo naman, compatible kayo. Tutal, may panahon pa naman para—"

"Para kang sira," natatawang putol niya sa sinasabi nito. "Isabay mo na siya. Sabihin mong ipapahatid ko na lang ang sasakyan niya kapag naayos," bilin niya.

Pero nang bumalik siya sa opisina niya, naroon pa rin si Jeng. Wala itong ginawa kundi ang magdididikit sa kanya habang pinapanood niya ang tauhan niyang si Emong na nagsasagawa ng initial checkup sa kotse nito. Panay ang tanong ni Jeng sa kanya tungkol sa negosyo niya. Nag-alok pa nga ito na kung kailangan daw niya ng karagdagang kapital ay nakahanda itong magbigay anumang oras nang walang tubo.

Tinatawanan lang niya ang mga sinasabi nito. Si Emong naman ay ilang beses niyang nahuli na sumusulyap sa nakalitaw na kalahati ng dibdib ni Jeng.

Oo nga at makatawag-pansin ang kalusugan ng dibdib ng babae ngunit sigurado siyang ni isang pirasong balahibo ay hindi tumayo sa kanya. Wala siyang naramdamang pagnanasa rito gayong kung tutuusin ay wala sa listahan ng mga naging girlfriends niya ang nagtataglay ng ganoon kalulusog na dibdib.

"Hindi ka ba nangangawit sa katatayo? Doon ka na lang muna sa opisina. Sandali na lang ito," sabi niya kay Jeng.

Nakahinga siya nang maluwag nang magpaunlak ito.

��Q"u� 

MECHANIC OF THE DAY: MR. SUAVE COMPLETED (Published by PHR)Where stories live. Discover now