Sa Piling ng Isang Ina

534 19 1
                                    

Kabanata Disisyete: Sa Piling ng Isang Ina

"May magagawa ka pa upang pakalmahin ang iyong pinakamamahal, Selena," wika ng isang tinig na nagmumula sa isang liwanag sa kanilang harapan.

Lahat ay hindi kumukurap habang pinagmamasdan ang liwanag na unti-unting nagiging malinaw sa kanilang mga paningin. Habol-hininga naman ang mababanaag sa mga mata ni Livia. Sina Starra at Sola naman ay may hindi maipaliwanag na nararamdaman habang paulit-ulit na rumerehistro sa kanilang mga isipan ang tinig na unang beses pa lamang nilang narinig na may bahid ng pananabik.

Si Selena naman ay nanatiling nakatingin sa papalapit na nilalang na ngayon pa lang din niya makikita nang personal.

"Sino ka?" iyan ang katagang lumabas sa bibig ni Selena. Nagtatanong kung sino ang nilalang na nasa kanilang harapan. Nang tuluyan na ngang lumabas ang pigura sa kanila, lahat ay namangha.

Isang diyosang may kakaibang kariktan. Isang nilalang na sa kanilang wari ay kawangis na kawangis ng isang diyosang kanilang kilalang-kilala -- si Selena.

Halos maurong ang kani-kanilang mga dila sa nagkikislapang mga palamuting animo ay bituin sa kalangitang kumikinang. Sa sobrang kaputian nito ay walang panama ang sikat ng araw.

"Ikaw si --" sa wakas ay nakapagsalita rin ang diyosa ng kalikasan na si Livia. Ngunit, hindi nito itinuloy ang nais na sabihin.

"Ikinagagalak kong kayo ay makitang muli, Selena, Livia at mga anak ko," nang marinig ang katagang anak ay lalong rumehistro sa mga utak nina Starra, Solat at Selena ang isang napakalaking tandang pananong.

"Ikinagulat ba ninyo ang aking pagbisita?" nakangiting saad ni Soltera.

"Ikinagagalak kong kayo ay muling makita, mahal na Bathalang Soltera," lahat ay biglang napalingon nang marinig ang sinabi ni Livia sa salitang bathala at pangalang Soltera. Isang banayad at napakatamis na ngiti lamang ang iginanti ni Soltera sa kanilang lahat.

"Uunahin ba ninyong malaman kung sino ako o ang nagwawalang lobong ito ang mas importante para sa inyo -- sa iyo, Selena?" doon lamang sila muling kumurap at napagtantong hindi pa rin pala nalulutas ang suliranin ni Selena.

"Si Adolfo, Selena, Siya ang nakakaalam kung paano maibabalik sa dati si Lovell," hindi makapaniwala si Selena sa kaniyang narinig.

"Si Adolfo? Anong mayroon kay Adolfo? Bakit siya? Hindi ba siya ay isang ---" hindi naituloy ni Selena ang kaniyang nais na sabihin pagkat ang sumagi sa kaniyang isipan ay ang katotohanang anak nga niya ito at kung anak niya si Adolfo, may natatatong kapangyarihan marahil ang kanilang anak, bagay na hindi pa niya natutuklasan.

"Nasa dugo na iyong anak ang susi upang paamuhin ang nagwawalang lobo, Selena. Kung ano man ang kaniyang kayang gawin, matutuklasan natin," muling wika ni Soltera.

"Sola, ikaw ang nakakaalam kung nasaan si Adolfo. Kaya, inuutusan kitang kunin mo ang bata at dalhin mo rito," gulat naman ang mukha ni Sola nang utusan siya ng babaeng tinawag silang mga anak. Kusang sumunod naman ang kaniyang isipan at sa isang iglap ay nawala siya sa kanilang harapan upang kunin si Adolfo.

Si Livia naman ay pansamantalang namaalam upang ayusin ang pinsalang naidulot ng pakikipaglaban nina Lovell at Selena kina Tore at Prima kani-kanina lamang habang si Starra naman ay kusa na lamang na nawala sa kanilang mga paningin.

Ang hindi alam ng mga naroon ay nakita ni Bathalang Kabunian ang hindi inaaasahang pagbisita ni Soltera. Mahigpit man niyang ipinagbawal na magkita ang magkakapatid maging ang kanilang ina ay wala siyang magagawa. Siya ang gumawa ng panuntunan at siya rin mismo ang magdedesisyon kung mauulit pa ang kanilang pagkikita.

A Wolf's Love To The MoonWhere stories live. Discover now