Ang Mga Enerhiyang Hinigop ni Prima

537 14 1
                                    

Kabanata Bente Uno: Ang Mga Enerhiyang Hinigop ni Prima

Sa pagpanaw ng dalawang magkapatid na imortal na sina Kidlat at Tore ay lalo lamang nadagdagan ang kapangyarihang mayroon si Prima. Taliwas sa nararamdamang kasiyahan ni Prima dahil sa tagumpay niyang makamit at makuha ang enerhiya ni Tore ay nanggagalaiti naman sa galit si Galaxia.

"Maghunus-dili ka, Galaxia! Wala tayong laban kay Prima," pagpipigil ni Galantino sa kapatid habang sina Sola at Starra ay matalim na mga titig lamang ang ipinukol sa humalakhak na si Prima sa 'di kalayuan.

"MGA HANGAL KAYONG MGA NILALANG!" lahat ay napalingon nang marinig ang tinig ni Prima na nanggagaling sa kanilang kaharap na si Macupo - ang higanteng dragon sa karagatan.

"Hindi ninyo ako matatalo! Ngayon, Galaxia, ihanda mo ang sarili mo dahil ikaw at kayong lahat ang isusunod ko!" muli ay nagpakawala ng isang mala-demonyong tawa si Prima. Hindi na napigilan ni Galaxia ang nag-uumapaw na galit sa kaniyang katawan nang mga sandaling iyon. Agad siyang tumalon paitaas upang simulang kalabanin si Macupo na kontrolado ni Prima.

Hindi pa man siya nakakalapit sa kalaban ay natikman niya ang hagupit ng buntot nitong nagpatalsik sa kaniya. Katulad ng isang malaking pamaypay na may malakas na puwersa ng hangin ay tumilapon at nagpagulong-gulong si Galaxia pabalik sa baybayin.

"GALAXIA!"

Isang malakas na sigaw sa pangalan ng kapatid ang pinakawalan ni Galantino at sinundan ang direksyon kung saan tumilapon ang kapatid. Subalit, nang akmang pupuntahan si Galaxia sa kinaroroonan niya ay natikman naman ni Galantino ang kulay asul na apoy na lumabas sa bunganga ni Macupo at tinamaan siya sa likuran.

Maagap naman si Sola sa pagsagip kay Galantino upang hindi ito tuluyang masunog ng apoy gamit ang kaniyang kapangyarihang puksain ang apoy. Tiniis na lamang ni Galantino ang hapdi at sakit na dulot ng pagkakapaso sa kaniyang likuran nang mga sandaling iyon.

"Mag-iingat ka, Galantino!"

"Ipagpaumanhin mo, Sola ngunit kailangan kong puntahan ang kapatid ko."

"Ako na ang bahalang puntahan siya. Si Starra na muna ang haharap kay Macupo. Dito ka lang."

Hindi na nakasagot si Galantino dahil agad na nawalang parang bula si Sola sa kaniyang harapan matapos nitong patayin ang apoy.

Si Starra naman ay nasa alapaap na at kaharap ang higanteng tubig-dragong si Macupo. Sa kauna-unahang pagkakataon ay ngayon pa lamang ipapamalas at ipalalabas ni Starra ang kaniyang kapangyarihan. Ngunit, nang itataas na niya ang kaniyang mga kamay ay biglang nagsalita si Macupo sa tinig ni Prima.

"Hindi ako nasisiyahan sa mga ipinakita ninyong mga mahihinang imortal! Kaya pagmasdan ninyo ang aking gagawin upang lipulin kayong lahat!"

Ang higanteng si Macupo ay biglang nawawala at naging isang maliit na bolang mabilis na lumipad patungo sa kinaroroonan ni Prima. Ang pagkawala ni Macupo ay nasundan ng paglaho din ng tikbalang sa harapan ng lobong si Lovell at naging isang bola ng itim na enerhiyang pumaitaas at napadpad kay Prima. At ang panghuli ay ang kaniyang alagang si Arimaw na unti-unti ring naglaho sa harapan ni Selena at gaya nang nangyari kina Macupo at sa tikbalang ay hinigop din iyon ni Prima.

Lahat ay natulala.

Lahat ay nagulat sa kanilang nakita.

Lahat ay naghihintay sa panibago na namang pagbabagong-anyo ni Prima sa kanilang harapan.
...
NATAGPUAN naman ni Sola ang katawan ni Galaxia sa kapatagan at mabilis niya itong binuhat at dinala sa kinaroroonan ni Galantino. Sugatan at walang malay ang katawan ni Galaxia nang makita ito ni Galantino.

A Wolf's Love To The MoonWhere stories live. Discover now