Chapter Twenty Four

892 96 33
                                    

PS: I apologize for super late update, guys. Enjoy this chapter. :) Feel free to beep my notification. Vote and comments are overwhelmingly appreciated. Sa mga hindi ko pa nadi-dedicate, let me know. Sayang naman yung nakatenggang dedication feature ng wattpad oh. (Haha. Kidding.) Thank you for the love and support, guys, my beloved readers!


*     *     *


Ang kagubatan ay tuluyan nang nilamon ng makapal na dilim at tanging mga nilikhang apoy lamang ang nagsisilbi naming liwanag. Ang ilan ay nagsisimula nang itayo ang kani-kanilang hugis hating-bilog na tolda—Tent. Hindi na kailangan pa ng pampa-init sa loob nito dahil kaya nitong gawing katamtaman ang temperatura sa tulong ng init na nagmumula sa katawan ng tao.

Ang ila'y naka-upo lamang at pinapalibutan ang isang mumunting apoy sa gitna. Binawi ko ang aking tingin at muli itong itinuon sa aking harapan, direkta sa mga tahimik at kasindak-sindak na dahan-dahang nilalamon ng itim na kulay.

"Alam kong hindi tumigil ang mga biglaan mong pagkahilo noong nasa Training Ground at Barrack Building pa tayo," wika ni Aurora sa mababang boses matiyak na walang ibang makakarinig. "'Yon ang dahilan kung bakit ka nalaglag sa mabababang ranggo." Hindi kami natatamaan ng liwanag ng apoy mula sa aming kinaroroonan, subalit sa tulong ng liwanag sa kalangitang bahagyang natatakpan ng mga sanga, kahit papaano'y nawawari ko ang kanyang ekspresyon. Kita kong hindi siya masaya sapagkat tama ang kanyang tinuran, ngunit mayroong kaunting pag-aalala sa kanyang itim na mga mata.

Sandali kong inilibot ang aking mata sa paligid sa huling pagkakataon, saka ako tumugon. "Dahil nga sa mga bagay na iyon, Aurora." Huminto ako at pinaghandaan ang mahinang boses na aking makakaya. "Ngunit ikakagulat mo ang mga sumunod na nangyari."

Nagbago ang kanyang ekspresyon. Naglaho ang kaunting inis at pag-aalala at napalitan ng pagtataka. Muli niyang siniguro kung may tao ba sa aming paligid, at nang makumpirmang ligtas ang aming magiging usapan, binatuhan na lamang niya ako ng nangungwestiyong titig. Nagtagpo ang kanyang kilay. "Anong ibig mong sabihin?"

Huminga ako ng malalim. "Biglang nagbago ang daloy ng aking mga panaginip." Sandaling katahimikan. Lubos pang nagtaka ang kanyang mga itim na mata. "Kung noon ay puro bangungot at ako'y nasa kapahamakan, sa mga nakaraan kong panaginip nitong mga nagdaang araw, hindi na."

"Naaalala mo ba kung kailan iyon nag-simula?"

Sandali kong hinalungkat ang aking alaala. At matapos ang ilang segundo . . . "Oo. Noong gabi matapos ang unang araw ng ikalawang yugto. Iyon 'yong araw na nagkaroon tayo ng ingkwentro kay Knox sa Circle." Nanatili siyang tahamik habang inalala ang lahat. "Sinubukan kong maibahagi ang bagay na iyon sa 'yo subalit naging mailap ang pagkakataon."

Sa mga sumunod pang minuto ay ikinwento ka na sa kanya ang mga panaginip kong iyon. Ang panaginip ko kung saan kasama ko si Sonder sa mga bubungan, doon ay sinabi niya ang mga katagang hindi mawala-wala sa aking isipan. "Dawn. Huwag kang susuko. Hinihintay kita . . . Hinihintay ka nila."

Sumunod iyong panaginip na ako'y nasa gubat at nasilayan ang kulay hindi-normal na puting Sonder. "At ang panghuli," salaysay ko sa mababang tono. "Kasama ko siya sa isang tinatawag niyang dalampasigan, o karagatan." Taimtim lamang na nakikinig si Aurora. Inuusisa ang bawat salita na aking sinasambit habang ang mga magkakahalong larawan ay pumipinta sa kanyang imahinasyon—bakas na bakas iyon sa kanya mga malalayong balintataw.

Nagpatuloy ako. "Katulad iyon ng lawa, subalit higit pang malawak at higit pang kulay-asul. Kami ay naka-upo sa mala porselanang buhangin." Sa pagkakataong ito, alam kong ang mga kulay na pumipinta sa kanyang utak ay nawala na sa kaayusan. Ngunit ninais pa rin niya akong magpatuloy. "Sa mga sumunod niyang sinabi, tinukoy ang ang malawak na lawa. Sinabing niyang, sa ilalim ng dagat na iyan . . . may mga nakakulong. At maaring ikaw ang makakapagpalaya sa kanila."

Living Pawns (Wattys 2019 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Where stories live. Discover now