Chapter 1 - Once Upon a November

939 13 1
                                    

"Sa susunod kung hindi n'yo kayang gawin nang tama ang trabaho ninyo huwag kayong mangako sa mga kliyente n'yo!"

Kasalukuyang hawak ni Alyssa ang telepono at kalmado lang siya nang sumagot kay Mr. Castro na nasa kabilang linya.

"Yes, Sir. We'll remember that."

Bilang quality control manager ay inaalam ni Alyssa lahat ng procedure, sample, recommendation, at ilan pang mga bagay na makakatulong sa maayos na paggawa ng produkto ng kompanya nila. Si Aly rin ang nagre-reject ng mga produktong hindi pumasa sa standard ng kompanya nila.

Hindi iyon ang klase ng trabaho na inaasahang makukuha ni Aly nang matapos niya ang kursong Mass Communication. Ang inaasahan din ng mga magulang at mga kakilala niya ay sa movie industry siya magtatrabaho. Noong nasa kolehiyo si Aly ay mahilig na siyang manood ng iba't ibang pelikula at ginagawan niya iyon ng review sa isang blog.

Pero heto't nasa Earthenware si Aly. Ang Earthenware ay isang kompanyang gumagawa ng iba't ibang mga plato at mga gamit na pangkusina. Karaniwan sa mga kliyente nila ay mga may-ari ng restaurant, chef, o kaya naman ay may-ari ng mga hotel o beach resort. May ilan rin silang mayayamang kliyente na nagpapasadya pa ng disenyo ng mga plato at baso para sa iba't ibang okasyon.

Madaling maunawaan kung bakit halos murahin na si Aly ng kliyente nilang chef na magbubukas ng restaurant nang linggong iyon. Late kasi ang delivery kaya nang sabihin nila iyon sa kliyente nilang si Mr. Castro ay naghuramentado talaga ito. Maihahabol pa naman ang mga plato ngunit ang nais ni Mr. Castro ay sa mismong petsa na sinabi nila madala ang mga produkto.

Nakahanap si Aly ng solusyon sa pamamagitan ni Mr. Ruiz. Matagal na rin nila itong kliyente at nagmamay-ari rin ng restaurant pero dahil ang na-order nitong mga plato ay katulad ng order ni Mr. Castro ay sinubukan ni Aly na pakiusapan si Mr. Ruiz na maghintay nang isang araw pa bago mai-deliver ang in-order nito. Agad namang pumayag si Mr. Ruiz kaya agad na pinalagyan na ng restaurant logo at ipinadala ang mga platong dapat ay kay Mr. Ruiz kay Mr. Castro.

Pagkatapos solusyunan ni Aly ang problema ay tila nakahinga nang maluwag ang mga kasamahan niya sa trabaho. Some of her officemates were thankful to her. While some of her officemates hated their client for being demanding. Alam ni Aly na maaaring magreklamo pa sa amo nila si Mr. Castro kaya kinakabahan pa rin ang iba niyang mga katrabaho. Pero kalmado lang na bumalik sa opisina niya si Aly.

Nauunawaan naman ni Aly kung bakit nagalit si Mr. Castro. Kung siya ang nasa posisyon nito ay malamang na magreklamo rin siya. Abala ang kliyente nila sa pagbubukas ng unang restaurant nito at nais ni Mr. Castro na maging perpekto ang lahat. May nais din itong patunayan kaya hindi lang siguro tensiyon at kaba ang nararamdaman ni Mr. Castro, naroon na rin ang paghahangad na maabot ang expectation ng mga bisita nito.

Pero hindi gusto ni Aly ang naging pakikitungo ni Mr. Castro sa kanya. Tila nakalimutan kasi ng kliyente nila na tao rin ang mga nakakausap nito at maaaring hindi naman kasalanan ng mga nakakausap nito ang nangyari. Kahit pa gustuhin nilang lahat ay hindi naman maiiwasang may pagkakamali na magawa ang isa sa kanila.

Hindi tuloy maiwasang humanga ni Aly kay Mr. Ruiz at maikompara ang kanilang dalawang kliyente. Hindi kasi madaling uminit ang ulo ni Mr. Ruiz kahit pa may espesyal na okasyon din itong pinaghahandaan. Bakit? Dahil masasabi ni Aly na mas advance mag-isip si Mr. Ruiz. Isang linggo bago ang okasyon na pinaghahandaan ni Mr. Ruiz ay ang araw ng delivery nila. Sa madaling salita madali itong nakakapag-adjust ng schedule o timetable dahil ikinokonsidera ni Mr. Ruiz ang lahat ng posibleng mangyari.

Napangiti si Alyssa. Ganoong klase ng pag-iisip din kasi ang natutunan niya habang nagtatrabaho siya sa Earthenware lalo pa at padami na nang padami ang mga kliyente nila. Natutunan din niyang huwag magpadala sa emosyon.

AndrogynousHikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin