CHAPTER EIGHT

6.3K 123 3
                                    


PAKIRAMDAM ni Charlyn ay bahagi pa rin ng isang panaginip ang nagaganap. Lumuwas siya sa Maynila kasama si Ivan. Dalawang araw silang naglagi sa bahay niya sa Project 6, Quezon City. Pinalabas nila sa kanyang kapatid na ikinasal na sila sa huwes.

Habang magkasama sila ay matindi ang naging tensiyon sa kanilang pagitan. Lalo pa nga at sa iisang silid sila natulog. Siya sa kama, ito naman ay nagtiyaga sa couch.

Nagpasya kasi siyang ilihim kay Ian ang totoo. Ayaw niyang bigyan pa ng alalahanin ang kapatid lalo pa at madadalas ang uwi niya sa Cagayan Valley.

Ipinakiusap din niya sa kapatid na wala muna itong pagsasabihan sa mga kaibigan niya hinggil sa estado niya. Inunawa naman siya nito bagaman alam niyang nababaghan ito at labis na nagtataka kung bakit ayaw niyang ipagsabi na ikinasal na siya.

Pagkalipas ng talong araw ay bumalik na sila ni Ivan sa Cagayan Valley. Gamit nila ang pickup nito. Habang nasa biyahe ay kumibo-dili ito. Inisip na lang niyang baka nangangamba itong itirik sila ng pickup nito. Pero nakaabot naman sila sa San Bartolo nang walang nangyaring anumang aberya.

"Tumawag nga pala ako sa opisina. Nagbilin ako kay Goryo na maghanda ng munting salo-salo sa bahay. Gusto mo bang papuntahin ang family mo?" sa wakas ay tanong nito.

"Huwag na," tanggi naman niya.

"Paano niya malalaman na kasal na tayo?" Alam niyang ang kanyang ama ang tinutukoy ni Ivan. "Kuno," dagdag pa nito, napakapormal ng mukha.

"Alam niyang magkasama tayo sa Maynila. Nakita niyang sinundo mo ako sa mansiyon."

Hindi na ito kumibo pang muli hanggang makarating sila sa bahay nito.

Nagilalas siya pagkakita sa ayos ng bakuran. Ang sinasabi nitong "munting salo-salo" ay malaking handaan pala. Halos naroroon yata ang lahat ng trabahador nito. Mistulang may fiesta sa maluwang na bakuran nito. May mahabang mesang nalalatagan ng dahon ng saging at iba't ibang putahe. Sa pinakagitna niyon ay may lechon na may nakasupalpal na mangga sa bibig.

Namamanghang napatingin siya kay Ivan nang alalayan siya nito sa pagbaba ng pickup.

"I never thought na ganito kagarbo ang paghahandang gagawin nila." Mukhang hindi rin ito makapaniwala sa kanilang naabutan. "Ang bilin ko kay Goryo ay dalawang kilong pancit at dalawang putaheng ulam lang ang ipaluto niya. Palagay ko'y nagbayanihan ang mga tauhan ko."

Naunahan ng paglapit sa kanila ni Goryo ang tangkang pagsasalita niya. Parang may pagmamayabang pa sa anyo ni Goryo nang batiin sila.

"Maligayang pagdating, mga Bossing!" nakangiting bati ng lalaki, nakatuon ang mga mata sa kanya. "Ang akala namin ay magtatagal pa kayo sa Maynila. Natuwa sila nang sabihin kong darating na kayo. Kaya hayun, naging aligaga sina Manong Titong sa paghahanda. Tamang-tama raw pala ang pag-aalaga nila ng manok at baboy."

Ginantihan niya ng ngiti ang pagbati sa kanya ni Goryo. Na-touch naman siya sa ipinamalas na pagmamalasakit nito. Ganunpaman, na-realize niyang hindi pala siya dapat magpadala sa emosyon dahil alam naman niyang walang dahilan para magsaya ang mga tauhan ni Ivan.

"Maligayang bati, anak," bati sa kanya ng isang may-edad na babaeng sumunod na lumapit sa kanila. "Hindi mo na nga ako matatandaan dangan kasi'y maliit ka pa no'ng umalis kayo ng nanay mo sa bayang ito. Ako si Nanay Hulya."

Napatingin siya rito, saglit na hinagilap sa imbakan ng memorya ang pangalan nito.

"Sa akin ka noon madalas iwan ng nanay mo," dagdag pa nito.

Sukat sa sinabi nito ay naalala na niya ang babae. Pagkatapos itong pasalamatan ay inakay na siya ni Ivan papasok sa bakuran. Binati sila ng mga nakasalubong nila. May mga may-edad na babae at ang ilan ay kasing-edad niya at nakilala niyang mga kalaro niya noon. Hindi niya napigilan ang pangingilid ng mga luha pagkatapos makausap ang mga dating kaibigan.

THE STORY OF US 3: CHARLYN AND IVAN (published under PHR1863)Where stories live. Discover now