CHAPTER TEN

6K 127 3
                                    


"TIMING pala na espesyal ang inihanda ko ngayon. May dapat pala tayong i-celebrate," nakangiting wika ni Ivan. Sumimsim ito ng red wine sa kopita nito.

Magkasalo sila sa hapunan. At dahil pahabang mesa iyon, kaya sa magkabilang dulo sila nakapuwesto. Hindi alam ni Charlyn kung ano ang pakulo nito. May kandila sa gitna ng mesa. Nagprepara ba talaga ito sakaling mag-brownout na naman?

Uuuy, umaasa ang ale! kutya ng maliit na tinig na iyon.

At may sariwang mga rosas pa na nakaayos sa crystal vase.

Talagang kompleto ang loko! sa loob-loob niya.

Sa tingin pa lang ay masasabi na niyang masarap ang mga putaheng iniluto nito—beef steak, chop suey at umuusok na kanin. May dessert pa na hinog na mangga.

Pero kahit na masarap ang mga nakahain ay hindi siya makakaing mabuti. Paano ba naman ay napakaguwapo ng kaharap niya. Gusto niyang matawa dahil halatang nag-shower pa ito. Siguro ay dahil  nahiya ito kung amoy-bawang at sibuyas itong haharap sa kanya. Hindi lang iyon, nagbihis din ito ng pinakadisente na yatang damit nito.

"Walang rason para mag-celebrate," aniyang nilabanan ang kilig na nadarama.

"C'mon, Lyn, don't be a killjoy. Wala namang masama kung paminsan-minsan ay nagkakasundo tayo. Dapat lang, hindi ba?"

Hindi niya naiwasang makaramdam ng frustration. Alam niya kung bakit ganoon na lang ito ka-cooperative sa kanya. Iyon ay dahil sa makukuha nito pagkatapos ng kanilang pagkukunwari.

Sa nakikita rin niya, hindi naman nito iniinda ang pagkasira ng relasyon nito kay Lucy. With his looks and money, madali na lang dito na makarami ng babae.

Parang kinurot ang puso niya sa isiping iyon.

"Mukhang hindi mo ginagalaw ang pagkain mo?"

"H-ha?" Tiningnan niya ito. Paano siya makakain kung parang nagkakabuhul-buhol ang bituka niya sa tensiyon? Lalo kasi itong gumuwapo sa kanyang paningin. Nanunuot sa kanyang ilong  ang panlalaking pabangong gamit nito gayong may distansiyang nakapagitan sa kanila.

Napagbalingan niya ng pansin ang kanyang kopita. Naubos niya ang red wine. Nang muling mapatingin kay Ivan ay nakangiti na ito sa kanya. Maski ito ay tila wala na rin sa pagkain ang atensiyon. Tila nabusog na ito sa katitingin sa kanya.

"N-next week ay sa mansiyon tayo magdi-dinner," aniyang pilit na pinakaswal ang tono.

Tumaas ang isang kilay nito. "Personal mo na ba akong ipakikilala sa papa mo?"

"O-oo."

"Okay," walang anumang wika nito. Tumayo ito at saglit na nawala. Mayamaya ay pumailanlang sa ere ang malamyos na musika. Lumapit ito at inilahad ang palad sa kanya. "Hindi mo naman na-enjoy ang pinaghirapan ko, di sumayaw na lang tayo."

Gusto niyang ipakitang hindi siya apektado ng presensiya nito pero hindi siya nagtagumpay.

"Please?" pagsusumamo nito.

Natagpuan na lang ni Charlyn ang sariling kasama ito sa gitna ng sala. Walang namagitang salita sa kanila. Nanatili lang magkahinang ang kanilang mga mata. Natangay nga ba siya ng malamyos na musika o ni Ivan mismo na wala nang ginawa kundi ang titigan siya?

Pilit niyang pinagagana ang katinuan subalit nabigo lang siya. Hindi na siya umiwas nang lumapat ang mga labi nito sa kanyang mga labi. Nagsalo sila sa masuyong halik. Kasunod niyon ay naramdaman niyang umangat siya sa sahig. Kaipala'y pinangko siya nito at iniakyat sa kanyang silid.

THE STORY OF US 3: CHARLYN AND IVAN (published under PHR1863)Where stories live. Discover now