third card

42.2K 1K 41
                                    

Nawala sa normal ang pagtibok ng puso ko.

Limang taon... Limang taon na ang nakalipas, pero bakit ganito pa rin ang epekto niya sa akin?

Napatitig ako sa kanya. Napakalaki na ng pinagbago niya. Mula sa makakapal niyang mga kilay, papunta sa napakaganda niyang mga mata, napakatangos na ilong, at manipis at kaakit-akit na labi. Mas nadepina rin ang kanyang panga. Mayroon na rin siyang facial hair na bumagay sa kanya, hindi naman iyon kahabaan, parang kakaahit lang na bahagya nang tumubo. Mas tumangkad na rin siya, kung dati ay hanggang baba niya lang ako, ngayon ay hanggang balikat na. At ang katawan niya, tila naging suki ng gym. Dati ay katamtaman lang naman iyon, ngayon ay bakat na bakat na ang kagandahan ng katawan niya sa suot na puting long sleeves na tinupi hanggang siko, pati ang magandang hubog ng binti niya ay kitang-kita sa suot na itim na slacks.

Napalunok ako. Masyado akong naging halatado na pinagmamasdan ko ang pagbabago niya, kaya kaagad kong binalik ang tingin sa kanyang mga mata. Pero halos mahuli ko ang sariling hininga nang makitang pinagmamasdan din ako nito.

Gusto kong malaman ang nasa isip niya. Ano kaya ang masasabi nito sa akin ngayon?

Pilit ko iyong winaksi sa isipan. Kung ano man ang nasa isip niya, hindi no'n mababago ang katotohanang galit siya. Galit siya sa akin.

"What a small world," ayan na naman ang baritono niyang boses.

Napaiwas ako ng tingin. Hindi ko makayanan ang intensidad ng pagtitig niya sa akin.

"N-Nakauwi ka na pala, J-Javier."

Napakapait sa aking bigkasin ang kanyang pangalan, pero pinilit ko iyong pagmukhaing normal.

"Yeah, it's good to be back."

Pinigilan ko ang mapait na ngiting gustong kumawala sa aking labi. Dahil para sa akin, hindi maganda ang pagbabalik niya.

Bakit kailangan ko pa siyang makita? Bakit sa ganitong sitwasyon pa?

Bumalik ang tingin ko sa kanya. Mabibigat pa rin ang titig niya sa akin pero pilit ko iyong nilabanan.

Nakamit na kaya niya ang pagiging CEO? Panigurado, mukha ngang kagagaling niya lang sa opisina. Masaya ako para sa kanya.

Napakagat ako sa sariling labi. Hindi ko na matagalan ang presensya niya, hindi ko na kakayanin pang mas makasama siya ng matagal. Kailangan ko nang umalis.

Akmang magpapaalam na ako nang muling bumukas ang pinto sa ICU. Pareho kaming napatingin doon.

Naalarma ako nang makitang nagsilabasan na ang mga nurse mula sa ICU. Kaagad kong nilapitan ang isa sa kanila dahilan para bumitaw ang pagkakahawak ni Javier sa aking braso. May kailangan pa akong itanong.

"M-Magtatagal ba si Gael sa ICU?"

"Hindi pa po natin alam. Pero hanggang ngayon ay under observation pa rin po siya kaya kailangan niyang manatili muna sa ICU."

Malungkot akong napatango rito. Binigyan naman ako nito ng isang tipid na ngiti bago tuluyang umalis.

Pinigilan ko ang nagbabadya na namang mga luha. Nag-aalala ako para kay Gael. Paano kung hindi niya kayanin? Paano kung sukuan niya ako? Paano kung— napapikit ako ng mariin. Hindi... Hindi dapat ako nag-iisip ng ganito. Lalaban si Gael. Lalaban siya para sa akin.

Nang muli akong dumilat ay bumungad sa akin ang pinto ng ICU. Lumapit na ako roon. Gusto ko na siyang makita. Kahit nasasaktan ako sa kalagayan niya, gusto kong mapanatag na ayos lang siya.

Naabot ko na ang seradura nang muling nagsalita si Javier mula sa aking likod. Napahinga ako nang malalim. Oo nga pala, narito pa siya.

"I saw everything." Napalingon ako rito, nangungunot ang aking noo sa pagtataka. Seryoso lang naman ang ekspresyon nito habang diretsong nakatingin sa akin. "I saw you begging."

House of CardsWhere stories live. Discover now