"Kamusta ang pananatili mo rito? Mas maayos naman ba?"
"Sobra, Farrah! Mas mababait ang mga nars at talaga namang mas komportable rito. Ngayon ko lang naranasan maospital nang mag-isa ko lang sa isang silid! Napakalaki rin ng kwarto na 'to, mas malaki pa ito sa bahay namin, eh. Tingin ko rin ay mas epektibo ang mga gamot nila, ramdam ko iyong paglakas ko. Hindi katulad sa dating ospital."
Napangiti ako sa sagot ni Gael. Mukha ngang lumalakas na siya, hindi na siya katulad noon na mukhang hirap na hirap kahit sa pagsasalita. Bahagyang lumuwag ang loob ko. Ibig sabihin ay may pinatutunguhan naman ang mga pinaggagagawa ko.
"Halatang napakamamahalin ng ospital na 'to. Ano ba talaga ang trabaho mo, Farrah? Parang napakalaki yata ng sweldo mo."
Napalunok ako sa biglang tanong niya. Napaiwas ako ng tingin pero hindi ko pa rin pinahalatang tinablan ako ng kaba.
"A-Ano, nakakuha lang ako ng mataas na posisyon kasi kakilala ko iyong may-ari ng kompanya. Sinuwerte lang ba."
Napatango-tango naman ito. Bumalik ang kanyang tingin sa pinapanuod na telebisyon habang kumakain ng ubas, habang ako ay nakaupo lang sa tabi niya.
Himala nga at pinayagan ako ni Javier na magpunta rito. Hindi siya nagalit, siguro pakunswelo niya na rin sa akin sa mga ginawa namin kagabi. Mukhang nasatisfy ko siya nang todo kaya heto at hinayaan akong bisitahin si Gael.
Nakokonsensya pa rin ako pero ayoko nang masyadong isipin ang mga kaganapan. Ang problema ay problema pa rin naman kahit anong isip ang gawin mo.
Napunta ang tingin ko sa pinto nang may kumatok doon. Kaagad din iyong bumukas at pumasok mula roon ang isang lalakeng nars.
"Good morning. Inform ko lang po na ngayon ang chemotherapy ni Mr. Aligan. Magsisimula po tayo pagkadating ni doc."
"Sige, salamat."
Tumango lang ito at bahagyang ngumiti bago agad ding lumabas.
"Farrah..." Bumalik ang tingin ko kay Gael. May pag-aalala sa ekspresyon niya habang nakatingin sa akin. "Natatakot ako."
Mas lumapit ako sa kanya para hawakan ang kanyang kamay. Bahagya ko iyong pinisil saka ko siya nginitian ng nagpapakas-loob.
"Wala kang dapat ikatakot. Nandito ako." Alam kong iyon lang ang gusto niyang marinig.

YOU ARE READING
House of Cards
General FictionWarning: Mature Content "Don't... please stop." She shut her eyes tight as thick set of tears roll down her porcelain cheeks. She even bit her lip to refrain herself from sobbing. While he... he just ignored her pleas and continued caressing her inn...