Chapter 1 - Ang Bakasyunista

491 21 0
                                    

Nakaka-good vibes ang matitinis na tawanan ng mga preschoolers na naratnan ni Eula sa classroom. Awtomatikong gumaan ang bigat sa kanyang dibdib at hindi niya napigilan ang mag-selfie na naka-background ang mga bata. Sure siya na mag-e-enjoy siya sa pagmamasid sa Dedicated Heart Kiddie School - eskwelahang pag-aari ni Belinda Villar, tiya niya.

"Pwede kang magturo para hindi ka mainip," anang nakababatang kapatid ng mommy niya na napataas-kilay sa ginawa niya. Ito rin ang acting principal ng paaralan.

"Ma-magtuturo po?" Hindi niya gusto ang ideya. "I.D.K. –"

Nakangiting iginiya siya nito para sa hallway, palabas sa classroom ng mga preschoolers. First time niya sa Santa Catalina, home town ng ina sa Laguna kaya noon lang din siya nakatapak sa eskwelahan ng kamag-anak.

"I mean... IDK, 'I don't know'. Magsa-sightseeing lang po sana ako. Pero, a-ano po... ano po ang grade ang gusto n'yong i-handle ko?"

"Mana ka nga sa amin ng grand, grandfather mo. Spoken like a true teacher," proud na puri ng kausap. Ikinangiwi niya ang mga sumunod na sinabi nito. "Walang kyeme, walang hesitasyon. To think bagong graduate ka pa lang at hindi pa nakakapag-board exam." Niyakap siya ng babae. "So, glad dinalaw mo kami rito."

Tumikhim si Eula, awkward sa tunay na rason niya sa pagdalaw sa tiya. Nakonsensyang ikinalas niya rito ang sarili; nagkataong sumulpot ang dalawang estudyanteng lalaki sa dulo ng pasilyo. Sa tantiya niya, mga pa-grade four o five ang mga ito at parehong pinamumutlaan.

"Teacher Bella!" halos sabay na tawag ng dalawa. "Si Joy po ay nasa stockroom at nagsisigaw po! May mumu raw po at maraming dugo!"

"Ano na namang kalokohan?" narinig niyang ibulong ng tiya.

Nasa late thirties si Belinda at dalaga pa. Mestisa beauty ito taliwas sa kutis nilang morena ng ina. Pero nasa 5'2" rin ang taas, petite at balingkinitan katulad nila ng mommy niya. At ang pamimilog ng cat-like eyes nito ay hawig din sa ekspresyon nila kapag naalarma.

Tinunghayan siya nito na composed pa rin ang mukha. Sinikap itago ang magkahalong ekspresyon ng pagkaasar at pag-aalala. "Hintayin mo na muna ako sa office, Ursula."

Ursula? Muli siyang nag-cringe. At sa pagkakataong iyon, dahil sa itinawag nito. Iko-correct pa niya na 'Eula' na lang, tinalikuran na siya ng principal; kabuntot ang mga estudyante nito.

Alam ni Eula ang kinaroroonan ng faculty office. Nasa bungad iyon, sa may entrance pero nagpadala siya sa pares ng kanyang loafers sa direksyong tinahak ni Belinda at ng mga mag-aaral nito. Hindi niya dapat ginawa. Na-curious siya dahil sa narinig na 'mumu'.

Ayon sa tiya, namana nito ang eskwelahan sa binanggit na great, great grandfather niyang si Armando Villar na isa ring guro at founder nito. Sampung taon na ang gusali at nang nakaraang buwan lang ito ipinaayos. Habang payapang asul at maliwanag na krema ang kabuuan nito, amoy bagong pintura pa ang mga pasilyong dinaanan at nilibot niya paloob sa paaralan. Malayong pag-iisipang may multo roon.

Hanggang ikalwang palapag ang eskwelahan. Pero hindi na siya umabot doon. Sa pagliko niya sa mas malaking hallway, patungong hagdan pa-second floor ay nagulat siya sa matinis na tili ng isang batang babae. At nakita niya ang mga sinusundan sa harapan ng isang saradong pinto, sa isang gilid ng staircase.

May dalawang batang babaeng nasa labas ng makitid na pinto. Inaalo ang mga ito ng tiya habang kapwa umiiyak. Nagkakakatok naman ang sumisigaw na bata mula sa loob ng silid.

"Palabasin n'yo ako! Tulong!" May pagka-bossy ang tono pero halata ang pangamba sa munting tinig ng nito. "Maraming dugo rito! May mumu... may mumu!"

"Huminahon ka Joy." Sa kabila ng pagkataranta, kalmadong kinausap ni Belinda ang paslit. Hinawakan nito ang seradura ng pinto at tinangkang pihitin. "Naka-lock mula d'yan sa loob itong pinto -!"

Si Wayna (Published by Bookware)Where stories live. Discover now