Kabanata 9

1K 35 0
                                    

WALA nang ibang nagawa si Marissa kundi umiyak na lang habang nakahawak sa malamig na rehas. Maraming ulit na niyang sinipa ang rehas sa pag-asam na masira iyon ngunit nabigo lang siya. Hindi niya alam kung kailan pa siya tatagal. Tila ang labis na pag-aalala para sa kaniyang anak ang papatay sa kaniya at hindi ang karumal-dumal na ipagagawa sa kanila ng magkapatid na Turo.

"Marissa, tahan na," pagsusumamo ni Kevin at ang kamay nito ay nakalusot sa rehas na pilit inaabot si Marissa mula sa kulungan na kaniyang kinaroroonan.

Tiningnan na lang ni Marissa ang kamay ni Kevin at napahagulhol siya dahil nais man niyang mahawakan ang kamay ng kaniyang asawa ngunit wala siyang magawa kung hindi pagmasdan na lang ito. Ang pag-iisa niya sa kulungan ang dumaragdag sa takot na kaniyang nararamdaman. Kahit na ganoon, nagpapasalamat pa rin siya dahil kahit magkahiwalay sila ng kulungan, nasa harapan pa rin niya ito.

Napaupo si Marissa at binato niya ng tingin ang iba nilang kasama sa kani-kanilang kulungan na kinaroroonan ng mga ito. Hindi niya alam kung tulog ang mga ito dahil wala siyang narinig na kahit anong ingay. Muling sinulyapan ni Marissa si Kevin at gaya niya, nakaupo na ito.

"Akala ko kanina, mamamatay na ako," pahayag ni Kevin at tumagilid ito ng upo. "Habang kinakain ko ang mga buhay na ipis, gusto ko nang sumuko. Inisip ko na lang kayo ni Marvin dahil kayo ang lakas ko. Inisip ko rin na kapag namatay ako, paano na kayo ni Marvin? Puwede lang akong mamatay kapag ligtas na kayong dalawa."

"Kevin, makakaalis tayo rito. Makakalabas tayo rito kasama si Marvin."

Humarap si Kevin kay Marissa at matamis itong ngumiti. "Lahat gagawin ko, para sa inyo ni Marvin."

Kinagat ni Marissa ang kaniyang pang-ibabang labi upang pigilan ang muli niyang pag-iyak ngunit hindi siya nagtagumpay dahil kusa nang bumuhos ang luha sa kaniyang mga mata. Kahit hindi na iyon banggitin ng kaniyang asawa, batid niyang lahat ay kayang gawin nito lalo pa at nasaksihan na niya iyon nang minsan silang magpunta sa bayan ng Kalu.

Pinahid ni Marissa ang luha sa kaniyang pisngi at humugot siya ng hininga dahil sa paninikip ng kaniyang dibdib. "Pinakaba mo ako kanina. Akala ko..."

"Akala mo, patay na ako?"

Tanging pagtango ang naging tugon ni Marissa habang patuloy siya sa pag-iyak.

"Namilipit lang ako dahil sa sakit ng tiyan kaya napahiga ako. Ito ang tandaan mo Marissa, hindi ako mamamatay habang nandito pa kayo ni Marvin." Ilang sandaling natahimik si Kevin na tila bumaybay ang diwa nito sa malayo. Muli nitong ibinalik ang tingin kay Marissa at may lungkot sa mga mata nito. "Akala ko, makakatakas na tayo sa oras na matapos ang larong iyon, pero hindi pa pala. Patawarin mo ako Marissa dahil hindi ko nagawa ang pangako ko sa iyo na makakalabas tayo rito."

"Wala kang kasalanan para humingi ng tawad, Kevin. Pare-pareho lang tayong nakatulog dahil sa usok. Hindi man sa ngayon, pero alam kong makakatakas din tayo. Basta, ipangako mo sa akin na hindi tayo susuko, Kevin."

Bahagyang ngumiti si Kevin at malalim itong napabuntong-hininga. "Ako dapat ang nagsasabi niyan, mahal. Matapang kang babae, Marissa, at iyan ang isa sa mga nagustuhan ko sa iyo." Nag-iba ng posisyon ng upo si Kevin ngunit nanatili itong nakaharap kay Marissa. "Naalala ko pa nga noon na sinapak mo iyong lalaki dahil binastos si Claudine. Ikaw pa ang nakipag-away kaysa sa boyfriend niyang si Toffer. Hindi ko nga akalain na kaya mong gawin iyon," pahayag ni Kevin at bahagya itong tumawa.

Bahagyang napangiti si Marissa nang maalala ang sinabi sa kaniya ni Kevin ngunit ang ngiti sa kaniyang labi ay agad ding napawi nang maalala ang pumanaw niyang mga kaibigan at ang kaniyang nobyo. Tila muling bumalik ang sugat sa kaniyang puso at ang malagim na sinapit ng mga ito ay muling naging sariwa sa kaniyang isipan.

Turo GameTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon