Chapter 15

8.9K 150 0
                                    


HINDI maintindihan ni Adam ang sarili kung bakit parang nayayamot siya kay Majoyce dahil iyak ito nang iyak. Nakita lang ni Majoyce ang daddy niya ay nagkaganoon na ito. Naroon sila sa kasal ng kapatid ng babae. Dinala na lang niya si Majoyce sa veranda sa gusali ng wedding venue upang hindi makakuha ng pansin ng mga tao.

Rejected na naman ang pakiramdam ni Adam. Inaalo niya s Majoyce ngunit tumatanggi naman. Basang-basa ang mukha nito sa pag-iyak na parang batang iniwanan ng ina.

Tumingin siya sa labas, sa nagsasalimbayang mga sasakyan sa kalsada. Umuulan ngunit hindi gaanong malakas. Isang babaeng matangkad at voluptuous ang nakita niyang naglalakad sa sidewalk habang walang ano mang karga ang isang marahil ay dalawang taong gulang na bata. May hawak na payong sa kabilang kamay ang babae.

Si Kimi ang naalala niya sa nakita. Magkasingkatawan at length ng buhok ang mga ito kaya akala niya ay si Kimi ang babae. Sariwa pa rin sa isip ni Adam ang ginawang paghalik sa kanya ni Kimi bago ito umalis. Madalas pa ring sumingit sa isip niya ang halik na namagitan sa kanila sa mga walang kaabog-abog na pagkakataon— kung minsan ay kapag kaharap niya ang ibang tao, kapag bago makatulog sa gabi o kapag nakakakita ng mga bagay na magpapaalala rito gaya ng gummy candy o ng puting uniporme ng isang nurse.

Parang nayanig ang mundo ni Adam dahil lang sa halik na iyon. Parang hinahanap-hanap na niya. At hindi iyon tama. Si Majoyce ang mahal niya. Hindi si Kimi.

Binalingan ni Adam si Majoyce. Namamaga na ang mga mata nito sa pag-iyak. Nakokonsiyensiya na naman siya. Parang naririnig pa niya ang sinabi ni Kimi na siya ang sumisira sa buhay nina Majoyce at ng kanyang ama.

Alam niya kung ano ang makapagpapasaya kay Majoyce ngunit hindi siya makapagpasyang gawin iyon. Hanggang ngayon ay kalaban pa rin niya ang sarili—ang pagiging makasarili.

Siya ang naapi, iyon ang palagay ni Adam sa sarili. Dalawang aksidente ang pinagdaanan niya, ang matangay ng buhawi at ang mahulog at mabalian ng mga buto. Pero ang pinakamalagim na trahedya para sa kanya ay ang malamang pag-aari na ng kanyang ama ang babaeng pinakamamahal.

Kaya noong unang malaman niya ang tungkol doon ay nagwala siya. Ipinaramdam niya sa lahat na dapat siyang masunod sa kung ano ang gusto niya—bilang kabayaran sa pagkadehado sa digmaang rosas sa pagitan nilang mag-ama.

Ngayon ay hindi na siya masaya sa ganoon. Hindi kailanman siya sumaya mula nang isiksik niya ang sarili sa pagitan nina Majoyce at ng daddy niya. Baka panahon na para iwaksi ang karuwagan, sundin kung ano ang tama at tigilan na ang pag-aasal-hari.

"Kalahating oras na tayo rito, Majoyce," untag niya sa babae. "Pumasok na tayo sa loob. Baka tapos na ang wedding ceremony."

Adam's Sassy Girl by Dawn IgloriaDonde viven las historias. Descúbrelo ahora