panglimang liham [ 2 / 2 ]

174 16 156
                                    

Dalawang taon kang nawala, Pole. Dalawang taon mo akong iniwan na hindi ka man lang nagsabi. Ni magpadala ng sulat hindi mo ginawa. Wala ka man lang iniwan sa akin. Ngunit, hindi naman kita masisisi, lalo na nang nalaman ko ang rason nang biglaan mong pag-alis.

Bukod sa kailangan mo talagang umalis, naging rason ang aking mga nakakatandang kapatid. Nakita kasi tayo ni Kuya ng araw na niyakap mo ako sa batis. Inabangan ka nila nang pabalik ka na at bukod sa binugbog ka nila ay pinagbantaan ka pa nilang huwag nang lumapit pa sa akin.

Mas napalitan ng pighati ang namumuong galit sa aking puso dahil doon. Hindi ko sila kinibo ng ilang buwan dahil sa ginawa nila. Kahit na makailang beses nilang sinubukang ipagtanggol ang kanilang mga sarili. Kung hindi lang nila ako matiis ay baka isinumbong pa nila ako sa aming mga magulang. Ngunit, hindi nila nagawa dahil gusto nilang mapatawad ko sila.

Araw-araw ay gusto kong magpadala sa iyo ng sulat upang humingi ng paumanhin dahil sa ginawa ng aking mga kapatid. Ilang gabi rin akong nagdasal na sana maganda ang iyong kalagayan at sana ako'y iyong kalimutan na lamang.

Ngunit, sinasaktan ko lamang ang aking sarili dahil ayaw kong kalimutan ka. Pinilit ko, Ginoo. Pinilit kong makipagkilala sa mga lalaking ipinapakilala sa akin ng aking mga magulang. Pinilit kong ngitian ang mga nirereto ni Ina. Ngunit, hindi ko sila gusto.

Mas gusto ko ang Pole na nakakasama ko sa batis, ang tahimik at mapagmasid kong Pole. Ang Pole na mas gugustuhin lang ang presensya ko at hindi hihingi ng higit pa roon. Ang Pole na minsan lang tubuan ng pag-ibig at lakas ng loob.

Hindi kita kinalimutan kahit dalawang taon na ang nakalilipas. Hinintay kita kahit na pinipilit nila akong mag-asawa. Hindi alam ng mga magulang ko kung bakit ako ganoon at hindi sinabi ng mga Kuya ko ang dahilan dahil ayaw nilang hindi ko na naman sila kibuin.

Nanahimik lamang ako at sinabi kong maghintay sila ng apat na taon. Kapag dumating ang apat na taon at wala ka pa, agad akong papayag na ikasal sa nirereto nila sa akin. Hindi ko alam kung nahimigan mo ba, dahil nagpakita ka bago umabot sa tatlo ang dalawang taon mong pagkawala.

HUMINGA nang malalim si Manuela. Naroroon na naman siya sa batis ng nobyo ng kanyang pinsan. Parang sa kanya na ang batis na iyon dahil mukha namang siya lang naman ang nakikinabang.

Naririto siya at naghihintay. Nakasanayan na niya iyon ng dalawang taon. Naghihintay siya kahit araw-araw siyang dismayadong umuuwi dahil hindi naman dumarating ang hinihintay niya. Minsan, naawa na sa kanya si Socorro at Eustacio at sinasamahan na lamang siya roon.

Hindi naman siya ginagambala masyado ng magkasintahan. Pinaparamdam lang ng mga ito na naroroon rin sila kung kailangan niya man ng kausap. Minsan kasi bigla na lamang siyang lumuluha ng hindi niya nalalaman. Dadaluan naman siya ng magkasintahan at yayakapin, aaluin.

Ngayon, mag-isa siyang pumunta sa batis. Namatayan na ata siya ng damdamin dahil ngayon na niya napagisipang ito na ang huli. Hindi na siya babalik dito kailanman at kinabukasan kakausapin na niya ang magulang niya ukol sa magiging kasal niya kay Senyorito Salazar.

Ngayong araw na ito nagpapaalam na siya sa binatang labis niyang minahal.

"Malalim na naman ang iyong iniisip," ani ng isang boses na matagal na niyang hindi narinig. Isang boses na kahit dalawang taon na ang lumipas ay kilalang-kilala pa rin niya. Agad siyang napatayo mula sa kinauupuan at hinarap ang nagmamay-ari niyon. Nasa harapan niya si Pole at nahihiya itong nag-iwas ng tingin.

Hindi gaano kalaki ang ipinagbago ng hitsura ng binata. Mas tumangkad lamang ito at kaunti lang ang laman ang naidagdag sa katawan. Ito pa rin si Apolinario. Ito pa rin ang pinakamamahal niyang si Pole.

Naluluhang lumapit siya rito ngunit sa halip na yakapin ay sinampal niya ito. Agad namang napuruhan ang binata at napangiwi. Sinapo nito ang namumulang pisngi.

"Akala mo ba yayakapin kita kapag nakita kita ulit? Hindi pa ako baliw, Apolinario," naghihimutok na sabi niya sa binata. Lumamlam ang kanyang mga mata at hindi niya napigilan ang mga luhang umalpas sa kanyang mga mata. "Bakit ba nagpakita ka pa? Itinuloy mo na lang sana ang iyong pagkawala sa aking buhay!"

Saglit na hindi ito umimik at hinayaan niya lang naman ang pagdaloy ng mga luha sa kanyang mga pisngi. Gusto niya itong yakapin. Gusto niya itong halikan ngunit gusto niya rin itong sumbatan at sisihin.

Nang itinaas ni Pole ang mukha upang tignan siya ay mas lalo lang siyang napahagulgol. Bakas kasi sa mukha nito ang labis na pagmamahal at pangungulila. Dito ito magaling, sa pagpaparamdam ng damdamin nito.

"Pole naman..." aniya sa garalgal na boses at naiinis na napapunas ng kanyang mga luha. Mahal niya ito. Mahal na mahal niya pa rin ito.

Wala sa kanya ang dalawang taon na paghihintay ngayong naririto na si Pole. Naiinis siya sa sarili dahil hinayaan niyang mahalin ito nang lubos kahit na walang kapalit, kahit na walang bayad, at kahit na nagmukha na siyang kawawa at katawa-tawa sa mga taong nakapaligid sa kanya.

"Manuela," inabot siya ng binata at naramdaman na lamang niya ang mga braso nitong pumulupot sa kanyang mga balikat. "Patawarin mo ako..." halos pabulong na nitong wika. "Hindi ko gustong layuan ka. Hindi ko rin gustong kalimutan ka."

Saglit siyang inilayo ng binata at inilapat nito ang mga kamay sa kanyang mga pisngi. Nagsusumamo ang sinseridad nitong mga mata at isang malungkot na ngiti ang sumilay sa mga labi nito. Bago pa man siya makapagsalita ay naramdaman niya ang mga labi nito na lumapat sa kanya. Malambot pa rin ang mga labi ni Pole, malambot at may konting pagkagaspang.

Napahawak na lamang siya sa kamay nito. Randam na randam niya ang pangungulila nito at ang labis nitong pagmamahal na mas nagpaluha sa kanya. Parehas lamang naman pala sila nang nararamdaman.

Hindi lang pala siya ang nangulila. Hindi lang pala siya ang gabi-gabing humihiling na sana makita niya pa ito. Hindi lang pala siya ang naghihintay sa araw na mahawakan niya muli ang iniirog.

Hindi lang pala siya.

"Manuela," mahinang bulong ng binata nang pinakawalan na siya nito. Hindi ito umalis, idinikit lang nito ang noo sa kanya. "Iniibig kita, Manuela. Mahal na mahal kita. Nais mo pa rin ba akong tanggapin kahit na matagal akong nawala?"

Halos hindi na niya ito makita dahil sa mga luhang namumuo sa kanyang mga mata. Ngumiti na lang siya at tumango. Ngayon lang siya ngumiti ng totoo makalipas ang dalawang taon.

Bakas naman sa mga mukha nito ang labis na saya at hindi nito napigilang halikan siyang muli.

Hindi niya alam na posible palang mabalot ng sobrang kasiyahan.

Nang araw na iyon, tayo ang pinakamasayang tao sa mundo. Ikaw at ako. Tayo.

Walang naroroon para magsabing mali ang ating nararamdaman para sa isa't isa. Walang naroroon upang sabihin na hindi tayo nararapat dahil mayaman ako at mahirap ka. Nang araw na iyon, ako si Manuela at ikaw si Apolinario. Dalawang tao lamang na pilit pinaghiwalay ng panahon at ng sitwasyon ngunit pinili pa ring magkita.

Marami kang isinakripisyo upang ako'y iyong mabalikan.

Akala ko doon na magsisimula ang pinapangarap kong habangbuhay, Ginoo. Akala ko lamang pala.

Dito ko na muna tatapusin ang liham. Palalim na rin ang gabi at alam naman natin kung ano ang susunod sa kwentong ito.

Nagmamahal,

Manuela

Manuela

Йой! Нажаль, це зображення не відповідає нашим правилам. Щоб продовжити публікацію, будь ласка, видаліть його або завантажте інше.
Limang Minuto: Mga Liham para kay Ginoong Mabini ꞁ ✓Where stories live. Discover now