panglimang liham: kasagutan [ 2 / 3 ]

92 11 83
                                    

NAGISING na lamang si Apolinario sa isang silid. Iginaya niya ang paningin sa paligid at nakita niya si Padre Malabanan malapit sa kanyang higaan, may hawak itong rosaryo at nagdadasal. Napakurap siya at sinubukang makakita, kahit na ang isang mata niya'y halos hindi na niya mabuksan. Mabigat ang kanyang pakirandam at parang nabalian rin siya ng ilang buto.

Mahina siyang napadaing nang sinubukan niyang umupo. Nakuha naman niya ang atensyon pari na pumigil sa kanyang pag-upo at ito na mismo ang nagbalik sa kanya sa higaan. Napabuga siya ng hangin.

"Pole, magpahinga ka na lamang. Hindi pa magaling ang iyong mga sugat," wika ng pari. "Ano ba ang nangyari sa'yo at natagpuan ka na lamang nila Juan na nakaratay sa labas? Wala akong maalalang maari mong makabanggaan."

Napapikit muli si Apolinario at nagbalik sa kanyang isipan ang mga naganap ng hapong iyon. Para na siyang inililipad sa alapaap nang umalis siya at nagpaalam sa nobya. Plinaplano niya pa na sa susunod nilang pagkikita ay sasabihin na niya ang kanyang nararamdaman para rito.

Ngunit, bago pa man siya makauwi ay hinarang siya ng dalawang lalaki. Babatiin niya sana ang mga ito ngunit bigla siyang nakarandam ng suntok sa kanyang mukha mula sa isa sa mga lalaki. Nahihilong nahulog siya sa daan at hindi na siya nakahuma. Basta basta na lamang siyang pinaulanan ng suntok ng dalawa. Hindi niya alam kung ano ang gagawin dahil sa bukod sa hindi naman siya nakikipag-away, hindi niya rin alam kung bakit may biglang nanakit sa kanya.

Sinubukan niyang protektahan ang sarili subalit dahil doon ay mas sinaktan lamang siya ng mga ito sa ibang parte ng kanyang katawan. May sinasabi ang mga ito na hindi niya maintindihan noong una. Ngunit nang mas narinig niya iyon ay para siyang binuhusan ng malamig na tubig.

"Layuan mo na si Manuela."

"Isa ka lamang hamak na indiyo, hayop ka! Bakit mo naisipang lapitan ang aming kapatid!"

Mali palang mangarap. Dahil nangarap siya ay nakalimutan niyang hindi niya kaparehas ng estado ang dalaga. Pinaalala ng bawat suntok at sipa ang katotohanang asa lupa siya at nasa langit ito. Nakakatuwang nagawa niya iyong kalimutan.

"Pole? Bakit ka umiiyak?"

Hindi siya sumagot, sa halip, tahimik lamang niyang inilabas ang saloobin. Walang kahit na anong salita na narinig ang pari mula sa kanya, ang tanging narinig lang nito ay ang mahina at pigil na paghikbi ng binata.

Masakit. Masyadong masakit.

Ayaw niyang malayo sa dalaga ngunit hindi naman niya maitatanggi ang sinabi ng mga kapatid nito. At kahit na anong gawin niya ay hindi naman niya kayang baguhin ang estado ng kanyang buhay.

Mali. Mali na siya'y nangarap. Dapat pala ay nanatili na lamang siya sa sarili niyang mundo. Dapat pala ay hindi na niya hinayaan pang humantong sa ganoon ang pangyayari. Dapat pala ay nakuntento na lamang siya sa simpleng pagsulyap at maagang kinitil ang nararamdaman.

Kaya nang Biyernes kung saan umayos na ang kanyang pakiramdam ay nagpasya na siyang lumuwas pa-Maynila nang maaga. Doon din naman siya pupunta dahil nabigyan siya ng pagkakataong ipagpatuloy at tapusin ang pang-sekondaryang edukasyon sa Colegio de San Juan de Letran.

Kung dati ay wala siguro siyang pagsising pumunta lamang sa ibang lugar, ngayon, labag sa kalooban siyang walang lingon-likod na umalis na hindi nagpapaalam. Ngunit, wala namang ibang paraan. Kaya sa kanyang pag-alis, pinangako na rin niya sa sarili na kakalimutan na niya ang dalaga.

Dalawang taon kitang pinilit na kalimutan, Binibini. Hindi ko ginustong iwan ka nang walang pasabi. Umalis na lamang ako sapagkat hindi ko rin makakayang pakawalan ka kung nakita man kita muli. Malakas ang pag-ibig ko sa'yo, Manuela. Kaya nitong lumaban ng kahit na ano at ng kahit na sino. Kahit ako ay kaya niyang kalabanin.

Limang Minuto: Mga Liham para kay Ginoong Mabini ꞁ ✓Where stories live. Discover now