Sa Gitna ng Kalsada

1.3K 46 3
                                    

PASADONG alas-dose ng hatinggabi na ako natapos magtrabaho. Katunayan, eleven o'clock ang talagang pagtatapos ng in-organize naming christmas party sa isang hotel. Ngunit dahil sa mga kalat na iniwan ng mga bisita, natagalan kami sa pagliligpit.

Ang totoo n'yan, ako lang ang umuwi sa aming magkakaklase. Lahat sila'y naisipang mag-stay sa hotel dahil may balak pa silang uminom. Gustuhin ko mang uminom ay hindi ko magagawa dahil dala ko ang aking sasakyan. Hindi ko rin gaanong ka-close ang mga kaklase ko kaya nagpasya akong sa bahay na lang iinom. Kaysa naman makipagplastikan ako sa mga taong hindi ko naman gustong makasama.

Kanina pa kasi ako na-a-out of place roon. Kinakailangan ko lang ngumiti at libangin ang mga bisita dahil parte ng grades namin iyon. Pero kung isa lang siguro akong guest doon, baka nag-solo na lang ako ng lamesa para lang makalayo sa mga taong maiingay.

Paghaplos ko sa aking mukha, nakapa ko agad ang balbas kong ilang linggo nang hindi naaahit. Sa totoo lang, sinadya kong pahabain iyon upang baguhin ang aking imahe para sa event. Palagi na lang kasi akong binu-bully sa iskuwelahan dahil masyado akong maputi at makinis. Napagkakamalan nga akong bading ng ibang tao. Kaya naman kahit labag sa loob ko, sinubukan kong magpatubo ng balbas para madagdagan ang aking pagkabarako. At hindi naman ako nagsisi sa desisyon kong iyon.

Nasa kalagitnaan ako ng biyahe nang biglang huminto sa gitna ng daan ang sasakyan ko. Kahit anong start ko rito, ayaw na nitong umandar. Katatapos ko lang magpa-gas nang umagang iyon kaya nagtaka ako kung bakit ito huminto.

Bahagya akong nainis. Kung kailan kasi nasa gitna ako ng madilim na kalsada, doon pa ako nasiraan ng sasakyan. Paglingon ko sa paligid, walang ibang makikita roon kundi ang matataas na mga damo at matatabang mga puno. Nanlumo ako. Saan naman kaya ako hihingi ng tulong? Wala rin naman akong matawagan na puwedeng mag-ayos ng sasakyan ko. Parehong nasa abroad ang parents ko kaya mag-isa lang akong tao sa bahay.

Hinampas ko ang manibela at nagpakawala ng mura. Hindi ko alam kung binibigyan ba ako ng pagsubok dahil sa kagustuhan kong palaging nag-iisa.

Sa mga oras kasing iyon, isa na lang ang paraang mapagpipilian ko. Magcha-chat ako sa mga kaklase ko para magpasundo at doon na sa hotel matulog kasama sila. Nasa puntong magtitipa na sana ako ng mensahe nang bigla kong maalala kung paano nila ako ipahiya noon sa loob ng class room. Ako 'yong madalas nilang gawan ng mga biro para lang sumaya ang buong klase kapag walang Prof. At iyon ang isa sa mga masasaklap na karanasan ko bilang estudyante.

Sa tuwing maiisip ko iyon, bigla akong napapapikit sa pagkahiya. Lalo na sa tuwing makikita ko kung paano tumingin sa akin ang ibang mga taong nakaririnig ng kanilang biro tungkol sa hitsura at porma ko. Nagbago ang isip ko. Hindi na 'ko manghihingi ng tulong sa kanila. Bahala na si bathala kung paano ako makauuwi sa gabing iyon.

Nang maligaw ang paningin ko sa labas, natanaw ko ang isang paparating na asong puti. Huminto ito sa bandang gilid ng aking sasakyan at tumingin sa akin nang makahulugan. Bahagya akong kinilabutan. May hindi lang kasi tama sa paraan ng pagtitig nito. Para bang may nais itong ipahiwatig na hindi ko maunawaan.

Ibinaling ko sa ibang direksyon ang aking paningin. Ngunit nagulat ako nang makakita ng iba pang mga asong paparating. Huminto ang mga ito sa harap ng aking sasakyan. Nagsimulang tumayo ang mga balahibo ko. Lalo na nang makita ko sa sideview mirror na may mga aso na rin sa likuran ng aking kotse. Lahat ng mga ito, matalim ang titig sa akin!

Tahimik lang sila sa kinaroroonan habang abala sa pakikipagtitigan sa akin. Hindi rin nila ibinubuka ang kanilang mga bibig. May mali na talaga sa aking paligid. Hindi ako sigurado sa naiisip ko pero parang tao sila kung tumitig sa akin.

Pumikit na lang ako at nanigas sa kinauupuan. May ilang minuto akong natahimik. At sa muli kong pagdilat, iginala ko ang aking mga mata. Lumundag ang puso ko sa gulat nang mahagip ang isang punong katapat ng bintana ng sasakyan ko. Nakatayo roon ang isang lalaking tao ang katawan ngunit aso ang ulo!

Nanginig ang mga kamay kong nakahawak sa manibela habang pinagmamasdan ang kaanyuan nito. Wala itong suot na damit kaya kitang-kita ko ang makakapal nitong balahibo sa buong katawan. Napupuno rin ng balahibo ang magkabilang gilid ng mukha nito. Matalim naman ang pula nitong mga matang nakatitig din sa akin! Paglabas nito ng mga pangil sa bibig, mabilis akong yumuko at pumikit.

Nanginginig na ang buong katawan ko. Paulit-ulit akong nagdasal na sana'y mawala na sila sa paligid ko. Halos hindi na ako makahinga sa labis na sikip ng dibdib ko. Pahigpit nang pahigpit ang pagkakahawak ko sa manibela. Halos isiksik ko na ang sarili sa kinasasandalan. Pati mga labi ko ay nanginginig na rin. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin.

Nagulantang ako sa pagkakaupo nang biglang tumunog ang makina ng sasakyan. Hindi rin sadyang naidilat ko ang aking mga mata. At nang mahagip ng paningin ko ang kalsada, wala na roon ang mga aso. Paglingon ko naman sa puno, wala na rin ang hating tao at hating aso na kanina'y nakatayo roon. Unti-unting humupa ang kilabot sa buong katawan ko. Hindi nagtagal, nagmaneho na akong muli at nilisan ang lugar na iyon.

Nang maikuwento ko ito sa lola ko, may sinabi siya sa akin tungkol sa masaklap na kaganapan sa kalsadang iyon. Ayon sa kanya, hindi naman daw pumapatay ang mga nilalang doon dahil may isa lamang pamilya na tinatarget ang mga ito. At ang pamilyang iyon diumano ay ang mga Jimenez. Sila raw ang mga politikong nagpaputol sa ibang mga puno roon para sana'y patayuan ng sarili nilang palasyo. Ngunit hindi na iyon natuloy mula nang sunod-sunod na masawi ang mga miyembro ng pamilyang sangkot sa nasabing proyekto. Nadamay pa pati ang mga tauhan at trabahador na inutusan para sa itatayong gusali.

Dahil sa natuklasan ko, hindi na 'ko muling nagpagabi sa pag-uwi kahit saan ako magpunta. Lalo na sa tuwing madadaanan ko ang kalsadang iyon, kung saan nakatira ang mga nilalang na nagkukubli sa kaanyuan ng isang aso.

Wakas.

Haunted Files (Bedtime Horror Stories)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon