Buwan

606 29 0
                                    

HINDI makatulog ang batang si Jemar nang gabing iyon. Ilang oras na siyang nagpapaypay sa sarili habang hinihintay ang pagbabalik ng kuryente. Minu-minuto siyang nagpupunas ng pawis sa katawan. Kulang na lang ay hubarin niya ang suot na damit para lang mapreskuhan.

Bumangon siya sa papag at dumungaw sa bintana. Naramdaman niya ang pagdampi ng malamig na hangin sa kanyang balat. Pagtingin naman niya sa kalsada ay hindi pa umaalis ang ilang mga tambay at batang naglalaro kahit walang kailaw-ilaw sa mga poste.

Ilang sandali pa, bigla siyang napasulyap sa kalangitan. Mula roon ay nasilayan niya ang kakaibang kulay ng bilog na buwan. Nagtaka siya kung bakit pulang-pula ito na animo'y nagbabaga sa galit. Hindi naman ganoon ang kulay nito kaninang nasa labas siya ng bahay.

Sa labis na kuryosidad ay hindi niya binitiwan nang tingin ang pulang buwan. Hanggang sa umagaw sa kanyang atensyon ang pagdating ng mga ibong itim na tila nagpipiyesta sa ilalim ng buwan. Habang tumatagal ay parami nang parami ang mga ito na halos takpan na ang bahaging iyon ng kalangitan.

Unti-unting namilog ang kanyang mga mata nang lumipad pababa ang mga ibong itim at sinalakay ang mga taong nasa labas.

Mabilis ang naging pangyayari. Nagsigawan at nagtakbuhan ang mga tao habang pinapagpag ang mga ibong dumadapo sa kanilang mga katawan.

Nakita niya kung paano sugatan ng mga ibon ang bawat taong madapuan. Ang iba rito'y duguan na ang buong katawan at nadapa mula sa pagkakatakbo.

Pagkabagsak ng isang lalaki sa lupa ay pinagtulungan siyang sugatan ng mga ibon gamit ang kanilang bibig. Sunod-sunod ang paglabas ng dugo sa iba't ibang parte ng kanyang katawan hanggang sa matagumpay na mabutas ng mga ibon ang malaki niyang tiyan. Napasigaw siya sa labis na sakit at halos hindi maiguhit ang kanyang anyo. Nag-agawan pa ang mga itim na ibon sa sariwa niyang dugo at mga lamang-loob sa tiyan. Hindi nagtagal ay binawian nang buhay ang lalaki habang pinagpipiyestahan ng mga ibon ang kanyang katawan.

Nanginig ang mga kamay ni Jemar na nakahawak sa bintana dahil sa mga nasaksihan sa labas. Nanigas ang katawan niya sa kinatatayuan habang napapanood ang lagim na nagaganap sa kalsada. Ibig bumaligtad ng kanyang sikmura nang makita kung paano butasin ng mga ibon ang katawan ng mga biktima. Ang labis naman niyang ikinasindak ay ang pagbuhat ng daan-daang mga ibon sa katawan ng isang batang lalaki na wala nang buhay at butas na rin ang tiyan. Tumutulo pa sa lupa ang dugo nito habang inililipad paakyat sa ere.

Napa-iyak si Jemar sa kanyang mga nakita. Hindi niya kinaya ang madugong mga eksena kung kaya't mabilis niyang sinarado ang bintana at tumakbo patungo sa kuwarto ng kanyang ina. Pagpasok niya roon, laking gulat niya nang bumungad ang walang buhay na katawan ng ina habang binubutas ng mga ibon ang iba't ibang parte ng katawan nito. Sunod-sunod naman ang pagpasok ng iba pang mga ibon sa bukas na bintana ng silid.

Mabilis niyang isinara ang pinto at humagulgol nang iyak habang paulit-ulit na sinasambit ang salitang "mama".

Hindi nagtagal ay biglang kumalat sa buong paligid ang nagwawalang tinig ng mga ibon na tila hayok sa laman. Pilit na sinisira ng mga ito ang mga bintana upang makapasok sa loob.

Napatakip na lamang ng tainga si Jemar habang patuloy sa pagtangis. Sumiksik siya sa ilalim ng lababo upang doon magtago. Nanginginig ang buong katawan niya habang sunod-sunod ang pagbuhos ng kanyang mga luha.

Patuloy na kumalat ang lagim nang gabing iyon habang nakalitaw sa langit ang pulang buwan. Nang ito'y matakpan na ng mga ulap ay sunod-sunod ding nag-alisan ang mga ibon at iniwang butas-butas ang katawan ng mga biktima sa kalsada. May mga nawasak pang bintana at iilang pamilya na hindi rin pinatawad ng mga ibon sa kani-kanilang tahanan.

Kumalat ang dugo sa buong lugar. Kung gaano kapula ang buwan kanina, ganoon din ang kulay ng kalsada dahil sa dami ng mga dugong dumanak. Nag-iwan ng masaklap na lagim sa lugar na iyon ang pag-atake ng mga ibon. Isang lagim na hinding-hindi malilimutan ni Jemar.

KILABOTWhere stories live. Discover now