Chapter 21 [Part 1]

567 29 47
                                    

*Shion

Mula sa aking posisyon ay nakatayo lang ako't nakayuko habang magkakrus ang aking mga braso. Kung ano-ano ang pumapasok sa isip ko, ngunit lahat ng 'yon ay pilit ko lang iwinawaksi. Kailangan kong magpokus sa inatas sa aking trabaho.

"Sir Shion!" tawag ng isang lalake sa akin na nagpaangat ng mukha ko. Patakbo siyang lumalapit sa akin kasama ang iilan pang seniors. Umuyam naman ako sa pormal na pagtawag niya. Ayan na naman kasi ang sir, napakapormal talaga pakinggan. Kahit kailan ay hindi talaga ako masasanay diyan.

Binale wala ko na lang ang isipang 'yon at agad ko siyang tinanong nang tuluyan na siyang makalapit. "Kumusta na ang mga post na pinachek ko sa inyo?"

"Pareho pong maayos ang lagay ng area A at B. Kasalukuyan na rin pong rumoronda si Dark upang matignan na rin ang lagay ng bawat sulok ng Orthil," litanya niya na tinanguan ko lang.

"Ayos! Si Dark pala ang rumoronda eh. Sa bilis n'on, baka nalibot niya na rin ang buong Orthil ngayon," bulalas ko saka ko ipinakita sa kasamahan ko ang nakakaloko kong ngiti. Natawa naman sila dahil doon. Masyado na kasing seryoso ang lagay namin, binabawasan ko lang. "Sige na, makakabalik na kayo sa mga posts niyo. Panatiliin niyo lang bukas ang mga mata niyo, baka may mga nakapasok ng kalaban dito." Yumuko lang sila sa harapan ko at dali-dali nang tumakbo tungo sa kanilang lugar na babantayan.

Hindi biro ang mamuno ng daan-daang mga seniors upang maprotektahan ang Orthil mula sa nais sumalakay dito. Sa lawak ng lungsod na ito ay napakahirap alamin ang lagay ng bawat sulok nito. Ultimo mga eskinita ay hindi namin pinapalagpas. Gayunpaman ay sinisigurado kong hindi kami papalpak dito. Kailangan kong ipakita na hindi nagkamali si Ms. Elsa sa pagpili sa akin upang maging lider ng mga tigabantay.

Sa totoo lang, kanina pa rin ako hindi mapakali. Nabalitaan ko kasi na nahihirapan na daw ang regiment na kinabibilangan ni Jedi. Bilang nobyo niya ay hindi maiaalis sa akin ang pag-aalala. Malaki naman ang naging epekto ng dalawang taong pagiging senior sa kakayahan at abilidad ni Jedi ngayon, at alam kong kahit anuman ang mangyari ay hindi siya papatalo, pero nakakapag-alala lang kasi eh. Kung pwede lang iwanan ko ang post ko at puntahan siya, ginawa ko na kanina pa.

"Huwag ka mag-alala, malakas si Jedi," sabi ng isang babae mula sa aking likod. Tinabihan niya naman ako habang nasa malayo ang kanyang tingin. Hindi ko rin naiwasang mapansin ang suot-suot niyang makakapal na armor. Doon pa lang ay alam kong handang-handa na talaga siya kahit anuman ang mangyari. Bilib talaga ako dito kay Scarlet.

"Akala ko ba, technology magic lang ang alam mo. Bakit parang nabasa mo nasa isip ko?" pabiro kong sabi sa kanya at dinig kong tumawa siya nang marahan.

"Halata naman sa mukha mo eh," sagot niya sa akin habang nakatingin pa rin sa paligid at nagiging alerto. "Noong may atakeng naganap, nakasama ko si Jedi na makipaglaban kay Amang Laksen. Kakaiba ang tatag niya, kaya alam kong kakayanin niya ang sarili niyang laban."

Tumingin na rin ako sa paligid at pinatalas ang aking pakiramdam bago ko siya sinagot. "Alam ko. Si Jedi nga lang ata ang kilala kong kaya magpadugo ng utak ng kalaban niya sa lalim ng kanyang ingles. Lalo na kapag galit at sumeryoso 'yun."

Muli ko na namang narinig ang paghagikgik ni Scarlet at nang paglingon ko sa kanya ay kusang kumunot ang noo ko nang makita ko siyang nagpipigil ng tawa. "Mukhang hugot 'yan ah? Madalas bang dumugo utak mo kapag nag-aaway kayo?"

Anak ng- nadulas ako doon ah. Umiwas na lang ako ng tingin at hindi na lang pinansin ang sinabi niya. Lalo naman siyang natawa sa tinuran ko. Tama naman kasi siya, kapag nag-aaway kami ni Jedi ay tumatahimik at tumitiklop na lang ako. Halos hindi na kasi makaya ng utak ko ang mga sinasabi niya. Pero ayos lang, sa huli naman ay nagkakasundo kami lagi. Hay, namimiss ko tuloy siya.

Lakserf 2: Lurking DarknessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon