"Ang papa?" tanong ni Pepper isang umaga kay Nana Ising, ang loyal nilang maid na asawa ng kanilang tsuper.
"Maglalakad-lakad daw para sumigla. Kanina pa lumabas, eh," sagot ng matabang ginang.
Ikinatuwa ni Pepper ang narinig. Siguro tapos na ang pagmamarakulyo ng kanyang papa at nag-uumpisa na uling gawin ang mga dating ginagawa. Siguro, maiisipan na rin nitong sumilip sa opisina ng Don Pepe's.
Humingi siya ng kape kay Nana Ising.
Pagkatapos mag-almusal, tumuloy si Pepper sa kanyang banyo para mag-shower. It was going to be a nice day. May napanaginipan siyang magandang adventure para kina Jack and Popoy. Paglalakbayin niya sa hinaharap ang dalawa.
Tinutuyo niya ang sarili nang marinig ang natatarantang tawag ni Nana Ising.
Nagmamadali siyang nagsuot kahit underwear man lang sa loob ng robe. Lumabas siya ng banyo.
"Bakit ho?" Ibinuhol niya ang sash ng robe.
"Naku, bumaba ka, bilis! Hindi namin maawat ang papa mo!" Hinila na siya ng katulong sa braso at kinaladkad pababa.
"Bakit ho ba? Ano'ng nangyari kay Papa?" Kamuntik na siyang madulas sa hagdan.
"Nagpapambuno sila ni Don Pepe! Hindi namin maawat! Bilis at baka magkamatayan!"
Sa narinig, nauna pa si Pepper na lumabas kaysa kay Nana Ising, kesehodang bra at panty lang ang suot niya sa ilalim ng robe at walang sapin sa mga paa.
"Papa!" sigaw niya nang makita ang eksena sa labas ng gate. Magkapatong sa kalsada ang dalawang matanda, lumikha na ng traffic. May mga miron na rin. Pero mukhang bale-wala iyon sa mga nagpapambuno.
"Papatayin kita, traydor!" sigaw ng papa niya, ang isang kamay ay nasa leeg ni Don Pepe.
"Hindi ako traydor! Makitid ang isip mo!" Mas fit at mas malakas si Don Pepe. Umigkas ito at sa isang iglap ay napaibabaw sa kanyang papa.
"Papa! Uncle, tama na 'yan!" Sumugod si Pepper sa dalawa at pilit na pinagkalas ang mga ito. "Uncle, please..." pakiusap niya.
"Peppermint!" sigaw naman bigla ng kanyang papa, kasabay ng ooohs ng mga nakapaligid na miron.
Kabadong napatingin si Pepper sa sarili. Nakadungaw sa robe ang kanyang kaliwang dibdib, ang kaliwang bahagi ng halos hubad niyang katawan. Bahagyang nakalas ang tali ng robang suot niya. Napanganga siya at inayos ang saplot. May suot naman siyang bra, pero bale-wala iyon. Dahil bukod sa manipis iyon ay kalahati lang ng dibdib ang natatakpan ng bra. Yari iyon sa see-through na tela. Halos nipple na lang ang natakpan ng lace.
Dahil siguro sa nakita, biglang bumuhos ang lakas ng kanyang papa. Naitulak nito si Don Pepe.
"Hayup ka! Dahil sa iyo, nasilipan ang anak ko!" sigaw nito sa kaaway. Tumayo ito at hinarap ang mga miron. "Magsiuwi na kayo!" Kahit naman maliit, may taglay na awtoridad ang kanyang ama, unti-unting nagsilayo ang audience.
Nanginginig si Pepper sa galit at kahihiyan. Niyakap siya ng kanyang papa.
"Hindi pa tayo tapos, Pepe! Tandaan mo 'yan!" sabi nito sa kalaban.
"Hindi ako natatakot sa 'yo!" sagot ni Don Pepe.
"Pumasok na tayo, Pepper," sabi ng papa niya at iginiya siya papasok sa gate. Sa sala, iniupo siya nito sa sofa. "Huwag kang mag-alala, anak. Nakita lang nila, hindi naman nila nakuha," alo nito.
"Kahit na!" sigaw ni Pepper. "Ikaw ang may kasalanan, Papa! Kayo ni Uncle Pepe! Ang tatanda n'yo na, hindi na kayo nahiya! Pati ako, napahamak dahil sa kalokohan n'yo!" Hindi man na-rape, parang ganoon na rin ang pakiramdam niya. Hindi naman siya bold star para makita ng lahat ang dibdib niya, kahit pa isa lang.
YOU ARE READING
Bud Brothers 6: Pepper's Roses (COMPLETED)
Romance"Hindi ka basta ibinagsak ng tadhana sa akin. Pinili kita. At dahil pinili kita, iingatan kita habang-buhay." Apektado na si Pepper sa cold war ng kanyang ama at ng best friend nitong si Don Pepe. Nanghihinayang siya sa mahigit forty years na pinags...